ARTIKULO BENTE SAIS: Walang Pag-Iimbot feat. Jose Torres Bugallon

May isang eksena sa palabas na Heneral Luna tungkol sa isang sundalong nagpalakas ng loob sa kaniyang mga kawal kahit na sugatan ang kaniyang hita. May pangalan pala ‘tong kawal na ito, si Jose Torres Bugallon.

Si Jose Torres Bugallon ay ipinanganak sa Salasa, Pangasinan noong Agosto 28, 1873. Nag-aral siya ng elementarya sa Salasa, lumipat sa San Isidro, Nueva Ecija at nag-aral ng ilang taon ng sekondarya sa ilalim ni Don Rufino Villaruz. Noong 1886, nag-aral siya sa Letran ng sekundarya at nagtapos ng Bachiller en Artes na may mataas na marka, taong 1889.

Pumasok siya sa Seminaryo ng San Carlos para maging pari ngunit ang gusto niya talaga ay ang pagsusundalo. Nakapasa siya sa pagsusulit na ibinigay ng pamahalaang Espanyol noong 1892 at pinag-aral sa Academia Militar ng Toledo. Nagtapos siya noong 1896.

Umuwi siya sa Pilipinas na may ranggong 2nd Lieutenant at nagsilbi sa 70th Infantry Regiment ng Hukbo ng Espanya. Lumaban siya sa ilang giyera at sa labanan sa Talisay noong Mayo 30, 1897, itinaas siya sa ranggong kapitan. Naparangalan rin siya ng Cross of Maria Cristina at ng Cruz Roja del Merito Militar.

Matapos ang Kasunduan sa Paris, kumuha ng clearance paper si Bugallon. Nang panahon ring iyon, kinuha ni Heneral Antonio Luna ang mga Espanyol at Pilipinong opisyales ng hukbo ng Espanya upang samahan siyang magturo ng pakikipaglaban sa estilong Europeo at disiplina. Si Bugallon din ang nag-recruit sa mga beteranong Espanyol na lumaban sa mga Amerikano. Malaki ang naging ambag ni Bugallon kaya’t naging malapit sila ni Heneral Luna.

Noong Pebrero 5, 1899, si Bugallon ang namuno sa mga kawal sa La Loma laban sa mga Amerikano na pinamumunuan ni Heneral Arthur MacArthur (tatay ni Heneral Douglas MacArthur). Sa gitna ng labanan, nanghina ang isang hanay at pumorma sa gilid ang mga Amerikano. Nanganib ang hukbo ni Bugallon at natamaan siya ng isang bala sa isang hita. Agad na nagtungo si Koronel Queri kay Heneral Luna at iniulat ang insidente. Ang inutos ni Luna:

“Bugallon wounded. Order forward. He must be saved at all costs. Bugallón is worth 500 Filipino soldiers. He is one of my hopes for future victory.”

Agad-agad na nagtungo si Kumandante Hernando, Koronel Queri at Heneral Luna sa La Loma. Naabutan nila nasa gilid ng kalsada si Bugallon. Sinabihan siya ni Luna na huwag nang sumugod at mag-ingat. Agad na dinala si Bugallon sa Kalookan kung saan binigyan siya ng paunang lunas ni Dr. Jose Luna, kapatid ng heneral at Dr. Santiago Barcelona.

Habang papunta sa Kalookan, itinaas ni Luna ang ranggo ni Bugallon sa Tinyente Koronel. Matapos bigyan ng paunang lunas, dinala nila Luna sa Malolos sakay ng tren. Doon, kahit, makikitlan na ng hininga, tinanong ni Bugallon,

“Dumating na ba ang mga dagdag na kawal?”

Ilang sandali matapos ito, namatay sa kamay ni Luna si Bugallon at bumuhos ang luha ni Luna. Dito magtapos ang buhay ni Jose Torres Bugallon, ang Bayani ng La Loma.

Pinaglingkuran niya muna ang bansang nagturo sa kaniya bilang pasasalamat at hindi nagdalawang-isip na lumipat sa hanay ng kaniyang kababayan. Lumaban siya para sa bayan hanggang sa huling sandali nang walang pag-iimbot.

Sources:

Dumindin, Arnaldo. The War Escalates. Retrieved from https://goo.gl/vzTfkt.

Quirino, Carlos. Who’s Who in Philippine History. Tahanan Books. Manila. 1995.

Villaroel, Hector K. Eminent Filipinos. Textbook Publishers. Quezon City. 1965.

Featured Image: Jose Torres Bugallon. Photo taken from Retrato.com.

ARTIKULO BENTE SINGKO: Three Fingers feat. Josefa Llanes Escoda

Sa isang Noyping tumatambay sa kanto, sa isang Noyping nagtatrabaho sa isang multinational company, sa isang Noyping naglilingkod sa pamahalaan, sa isang Noyping pag-asa raw ng bayan, sa isang Noyping nasa gitna ng digmaan, sa isang Noyping natutulog sa lansangan.

Nakakakita sila ng pera. Nakikita nila kung sino ang nasa pera. Nababasa nila yung mga pangalan ng mga tao sa pera. Pero, nakakalungkot, ang iba’y mukhang pera. Mas nakakalungkot na di natin alam kung ano ang mga pinagdaanan ng mga taong nasa pera at bakit andyan ang kanilang pagmumukha.

Isa sa mga taong kilala natin sa pangalan pero hindi alam ang buhay ay si Josefe Llanes Escoda. Si “Pepa” ay ipinanganak sa Dingras, Ilocos Norte noong Setyembre 20, 1898 kina Mercedes Madamba at Gabriel Llanes. Siya ang nagtapos bilang valedictorian noong elementarya at naging salutatorian naman siyang noong sekundarya. Nagtungo siya sa Maynila para mag-aral ng pagtuturo sa Philippine Normal School (ngayo’y Philippine Normal University). Nagtapos siya with flying colors noong 1919. Habang nagtuturo siya, nakuha niya ang sertipikasyon sa pagtuturo sa sekundarya noong 1922.

Matapos ito, naging social worker siya para sa Philippine Chapter ng American Red Cross. Ang Red Cross din ang nagbigay sa kanya ng scholarship upang mag-aral sa Estados Unidos. Doon niya nakuha ang masteral sa Psychology.

Sa unang balik niya sa Estados Unidos, nakilala niya si Antonio Escoda, isang mamamahayag para sa Philippine Press Bureau. Di nagtagal, naging sila at nagpakasal. Biniyayaan sila ng dalawang supling: si Maria Theresa at Antonio, Jr. Noong 1925 din, nakuha niya ang masteral sa Social Work sa Unibersidad ng Columbia.

Bumalik siya sa US noong 1933 upang sumailalim sa pagsasanay ng mga Girl Scout sa ilalim ng Boy Scouts of the Philippines. Matapos ang pagsasanay, bumalik siya sa Pilipinas at sinanay ang ilang kabataang kababaihan na naging haligi ng Girl Scouts of the Philippines kasama si Pilar Hidalgo-Lim. Dahil dito, noong Mayo 26, 1940, pinirmahan ni Pangulong Quezon ang charter ng GSP. Si Pepa ang naging unang National Executive ng GSP.

Noong 1941, sinakop ng mga Hapones ang Pilipinas at nag-iba ang buhay ng mga Pilipino sa panahong iyon. Ipinagpatuloy ni Pepa at ni Antonio ang pagtulong sa mga kababayan sa pamamagitan ng pagpupuslit ng mga pagkain at gamot para sa mga nakakulong na Pilipino at Amerikanong sundalo sa mga kampo – nagsama sila at nagtulungan sa hirap at ginhawa. Taong 1944, kalat na sa buong bansa ang gawain nina Pepa at Antonio at Hunyo nang taong iyon, inaresto ng mga Hapones si Antonio. Nagkawalay na ang mag-asawa at tila di na muling magkikita, mahigpit ang kapit hanggang sa huling daliri ng dalawa. Masasabing hinuli ng mga Hapones si Antonio upang tumigil at panghinaan ng loob si Pepa. Kaso buo ang loob ni Pepa, itinuloy niya ito at inaresto matapos ang dalawang buwan, Agosto 27, 1944.

Ikinulong si Pepa kasama si Antonio sa Fort Santiago. Ngunit di nagtagal, pinatay si Antonio kasama si Heneral Vicente Lim. Si Vicente Lim ay pinugutan sa Chinese Cemetery sa bisperas ng Bagong Taon ng 1945.

Huling nakita si Pepa sa isang gusali ng Far Eastern University noong Enero 6, 1945. Bugbog sarado, nanghihina emosyon at pisikal, idinala siya sa isang trak ng mga Hapones. Sinasabing pinatay si Pepa sa La Loma o Chinese Cemetery at inilibing ng walang lapida o kahit anong pananda.

Noong Enero 14, 1944, isang opisyal na si Tinyente Jose Llanes ay nakatanggap ng isang liham mula kay Escoda.

“I have done my duty to my country and God! To my mind the most I have done is having helped with the little I could do to save the lives of the surrendered soldiers of Bataan and Corregidor. I have offered myself as a guarantor for men later released by the enemy, that they commit no anti-Japanese act, men who, if they had the guts left would continue their resistance. I have acted as guarantors not only for the sake of humanity but also to encourage them to fight again. If you happen to survive, and I fail, tell our people that the women of The Philippines did their part also in making the ember sparks of truth and liberty alive till the last moment.”

Ngayon makikita si Pepa sa isang libong piso kasama sila Lim at Jose Abad Santos, mga bayaning martir noong panahon ng mga Hapon. Sa kasawiang palad, hindi kilala ng bawat Pilipino ang tatlong bayaning ito sa panahon ng mga Hapones. Pero umaasa akong sa pagbasa mo nito’y, nakilala mo sila at nalaman ang kanilang ambag sa kasalukuyang lipunan.

Sources:

Gwekoh, Sol H. The Heroic Martyrdom of Josefa Llanes Escoda. Philippine Free Press, September 20, 1952. Retrieved from https://goo.gl/QSXX4f.

Featured Image: Mrs. Josefa Llanes Escoda, organizer of the Philippine Girl Scout Movement. Photo taken from the Presidential Museum and Library Flickr Account.

ARTIKULO BENTE KWATRO: Puno at Bunga feat. Vicente Y. Sotto

Kilala sa pangalan. Pero sino nga ba si Vicente Yap Sotto? Si Bossing ba ang pag-uusapan natin ngayon? Magkamag-anak ba sila? Malalaman natin ngayon.

Si Vicente Sotto ay ipinanganak sa Cebu sa nakaririwasang pamilya nina Marcelino Sotto at Pascuala Yap noong Abril 18, 1877. Nagtapos siya ng sekondarya sa Colegio de San Carlos sa Cebu. Nagtapos siya ng Bachelor of Laws and Judicial Science at nakapasa sa bar exam noong 1907.

May angking galing talaga si “Nyor Inting” pagdating sa larangan ng pagsusulat at pamamahayag. Noong 1899, sinimulat niya ang La Justicia, ang unang diyaryo sa Cebu na itinayo ng isang Pilipino sa murang edad na 22. Dito, ipinangtanggol ni Sotto ang isyu ng kalayaan ng Pilipinas. Dahil dito, ikinagalit ito ng Amerikanong gobernador militar ng Cebu at pinatigil ang La Justicia.

Matigas ang ulo ni Sotto at matapos lang ang isang linggo ay itinayo niya naman ang El Nacional. Pinatigil din ito at kinulong na siya sa Fuerza de San Pedro sa loob ng dalawang linggo at anim na araw. Dahil sa karanasan niya rito, ginamit niyang pen name ang “Taga Kotta”.

Nang makalaya noong 1900, sinimulan niya ang preparasyon para sa unang diyaryo sa wikang Cebuano, “Ang Suga” (Ang Liwanag). Doon una ring lumabas ang unang maikling kwento sa wikang Cebuano, ang “Maming”. Gumawa rin ng ilang dula si Sotto. Ang unang dula sa wikang Cebuano ay ang “Elena” na ginawa sa Teatro Junquera noong Mayo 18, 1902. Ginawa niya rin ang dulang “Paghigugma sa Yutang Natawhan” (Pag-ibig sa Bayan) na nagpapakita ng pag-aaklas ng mga Cebuano laban sa mga Espanyol.

Di nagtagal, umalis patungong Hong Kong si Sotto noong 1907. Hinalal siya bilang alkalde kaso umalis siya sa bansa dahil sa paratang ng kaniyang kalaban na nangidnap siya. Noong 1911, itinatag niya roon ang diyaryong The Philippine Republic, isang bilingual na diyaro sa wikang Ingles at Espanyol.

Nang sumunod na taon, inaresto ang editor nito at pinatigil ang paglilimbag. Pinapahuli ng mga Amerikano si Sotto sa mga Briton kaso hindi pumapayag ang mga Briton. American subject na kasi si Sotto pero nasa teritoryo siya ng mga Briton at hindi pumapayag ang korte ng mga Briton na i-turnover si Sotto. Itinuloy ang Philippine Republic matapos ang isang buwang suspensyon.

Bumalik sa Maynila si Sotto noong 1915 at itinayo ang The Independent. Nagkaroon pa nga iyon ng special issue ng The Republic sa Paris noong 1929. Dahil dito, naalarma ang isang senador sa Amerika upang gumawa ng resolusyon upang palayain na ang Pilipinas sa lalong madaling panahon.

Lalong sumikat si Sotto na nagpadali ng daan sa kaniya sa mundo ng pulitika. Naging representante ng ikalawang distrito ng Cebu si Sotto sa mababang kapulungan mula 1922 hanggang 1925. Matapos ang World War II, naging senador siya ng Ikatlong Republika mula 1946 hanggang 1950. Siya rin ang naupong Chairman ng Komite ng Senado sa Pananalapi sa buong termino niya.

May isang batas siyang ginawa noong 1946 na ikinatuwa ng maraming mamamahayag. Iniakda niya ang Press Freedom Law o Republic Act No. 53 kung saan binigyan ng karapatan ang mga reporter na hindi isiwalat ang source ng mga chismax! Inaprubahan ito noong Oktubre 5, 1946.

Nakilala niya sa Senado si Pangulong Carlos P. Garcia na pinuri siya at nagsabing:

“… Malinis ang kalooban, matapang, may pinaninindigan. Hindi niya binabawi ang kaniyang mga desisyon. Pinagbutihan niya at ginamit ang kaniyang impluwensiya para mabigyan ng kalayaan ang mga mamamahayag.”

Namatay si Sotto noong 1950. Iniwan niya ang anak na sila Vicente Sotto Jr., Filemon Sotto at Marcelino Sotto. Ang mga anak naman ni Marcelino Sotto ay sila Marvic “Vic” Sotto, Vicente “Tito” Sotto III, Valmar “Val” Sotto at Marcelino Antonio “Maru” Sotto Jr.

Hindi ba awkward na ang apo niya naman yung magkakaproblema sa sources?

Sources:

Chan Robles Virtual Law Library. Republic Act No. 53. Retrieved from https://goo.gl/skgkVU.

Malinao, Tweeny M. Tito Sotto’s Granddad Recognized. Inquirer.Net. Retrieved from https://goo.gl/1bTpxr.

Oaminal, Clarence Paul. Don Vicente Sotto St., Cebu City. Retrieved from https://goo.gl/gq3Zad.

Senate of the Philippines. Vicente Y. Sotto. Retrieved from https://goo.gl/E0WxMc.

Featured Image: Senator Vicente Yap Sotto. Photo taken from the Presidential Museum and Library Flickr Account.

ARTIKULO BENTE TRES: Toyang feat. Gregoria Montoya

“They tried to tell us we’re too young, too young to really be in… WAR?”

Sino ba itong itatampok natin? Ngayon kikilalanin natin si Gregoria Montoya, isang rebolusyonarya, at ang ikalawang babaeng itatampok natin sa Artikulo.

Bago tayo magpatuloy, narinig ko lang ang pangalang Gregoria Montoya noong elementarya pero hindi ko alam kung anong nagawa niya, kung sino siya. Ilang taon lang ang nakaraan sa isang History Quiz Bee sa isang unibersidad sa Maynila, kinuwento ang buhay ng isang babaeng heneral ng rebolusyon. Nagpakita siya sa choices pero pinili namin siya dahil sa tingin namin siya lang ang tama sa mga pagpipilian. Kami lang ang nakasagot ng tama. Dahil diyan, nagsaliksik kami ukol sa buhay ni Henerala Montoya. Kilalanin na natin siya.

Bahay Namin Maliit Lamang

Si Gregoria Montoya ay ipinanganak noong ika-28 ng Nobyembre, 1863 sa Kawit, Cavite sa isang mag-asawang magsasakang sina Atanacio Montoya at Jacoba Patricio. Dahil sa kaniyang kinasanayan, naging masipag at malakas na babae si Montoya – sa pisikal man at emosyonal na estado.

Mahal ko si Toyang

Di nagtagal, nagpakasal si Montoya sa isang mestisong Tsinong nagngangalang Cirilo Ayson. Sadyang malupit ang kapalaran nila. Namatay si Cirilo matapos ang anim na taon nilang pagsasama. Naiwan kay Montoya ang apat na anak nilang anak na sila Pedro, Patricio, Marino at Francisco.

Kahit Namomroblema Basta’t Kami ay Magkasama

Matapos ang limang taon, napangasawa niya si Pedro Cacpal at nagkaanak sila noong 1894. Naging masaya ang kanilang relasyon kahit hindi sila kasal. Hindi nila alam na mabilis na matatapos ang kanilang kuwento.

We’re Not Toyang At All

Nang sumiklab ang rebolusyon noong 1896, sumapi sa paksyon ng Magdalo si Montoya. Pinangunahan niya ang Magdalo sa Labanan sa Imus kung saan nakakuha sila ng 13 armas mula sa kalaban. Dahil sa katapangang ipinakita, bumilib sa kanya si Emilio Aguinaldo. Dahil dito, binigyan siya ng isang trabaho. Inutusan siya ni Aguinaldo na gibain ang isang tulay sa Ilog Mabolo na humuhiwalay sa Binakayan at Kawit mula sa Bacoor. May pinadala kasing napakalaking puwersa sa Bacoor si Gobernador Heneral Ramon Blanco para matapos na ang rebolusyon. Kailangan nilang masira ang tulay.

Una, natanggal na nila ang mga kahoy na bumubuo sa tulay. Ang natira na lang ay mga malalaking beams na halos 40 talampakan ang haba. Nag-ala-wonderwoman itong si Montoya! Siya ang nagbuhat sa isang banda ng beam samantalang napakaraming lalaki ang bumuhat sa kabilang dulo. Tinapon nila ito sa ilog.

Noong Nobyembre 10, 1896, kasama ang tatlumpong Katipunero (kasama na rin dun ang isang bandidong si Hermogenes Saguilayan) nagtungo sila sa Noveleta. Pinadala sila roon upang tulungan ang isang batalyong pinamumunuan ni Koronel Luciano San Miguel upang kalabanin ang tropa ni Heneral Diego de los Rios (si De los Rios rin ang huling gobernador heneral ng Pilipinas).

Sa isang malawak na palayan sa Calero, Noveleta, malapit sa pangpang ng Dalahican, tumayo si Montoya habang hawak hawak ang bandila ng Katipunan at hawak sa kabilang kamay ang isang bolo. Kaso, natamaan siya ng bala ng kanyon sa kanyang puson. Sa parehas na labanan rin namatay ang kaniyang kabiyak na si Cacpal.

Dahil sa kaniyang kabayanihan, sinasabi ng ilan na prinomote ni Aguinaldo si Montoya bilang heneral at naging tanging babaeng heneral ng rebolusyon. Ngunit ayon naman sa iba, naging henerala rin diumano si Agueda Kahabagan ng Laguna. Kung siya man ang nag-iisang henerala o hindi, itinayo niya ang bandera ng kababaihang nagpakita ng katapangan sa larangan ng digmaan. Ipinangalan sa kaniyang ang isang daan sa lugar na kanyang kinalakihan.

Sources:

Batungbakal, Luisito. 6 Badass Filipina Warriors You’ve Never Heard Of. Retrieved from https://goo.gl/OtTc51.

Saulo, A.B. Gregoria Montoya: Only Woman General of the Revolution. Philippine Free Press October 9, 1971.

Soriano, Rafaelita. Women in the Revolution. Quezon City: Printon Press, 1995.

Featured Image: An Image of General Gregoria Montoya. Photo taken by Prof. Michael Charleston “Xiao” Chua.

ARTIKULO BENTE DOS: Should Have Been, Could Have Been, Would Have Been feat. Pedro A. Paterno

Kilalanin ngayon natin ang isang sa pinakaunang balimbing sa kasaysayan ng bansa. Siyasatin natin ang buhay ni Pedro Alejandro Paterno kung bakit “should have been, could have been, would have been” siya o, for short, nakakapanghinayang.

Pinanganak si Pedro Alejandro Paterno y de Vera Ignacio noong Pebrero 1857 sa Sta. Cruz, Maynila. Isa siya sa labingtatlong anak ng nakakariwasang pamilya nina Don Maximo Paterno at Donya Carmen de Vera Ignacio. Si Don Maximo ay isa sa mga liberal na ipinatapon sa Guam dahil sa akusasyong kasabwat siya sa pag-aalsa sa Cavite noong 1872.

Nag-aral si Paterno sa Ateneo de Manila ng Bachiller en Artes. Sa edad na 14, pinadala siya sa Espanya upang doon ipagpatuloy ang pag-aaral. Nag-aral siya sa Universidad ng Salamanca kung saan kinuha niya ang Pilosopiya at Teolohiya. Kumuha rin siya ng abogasya noong 1880 sa Universidad Central de Madrid.

Noong panahon ring iyon, inilimbag niya ang unang koleksyon ng mga tula sa wikang Espanyol na gawa ng isang Pilipino, ang “Sampaguitas”. Matapos ang limang taon naman, inilathala niya ang unang nobelang gawa ng isang Pinoy, ang “Ninay” (1885). Naging kasapi siya ng Kilusang Propaganda at noong 1882, napagtagumapayan niyang maalis ang monopolyo ng tabako sa Pilipinas. Siya din ang kauna-unahang Pilipinong sumulat ng opera sa wikang Pilipino, ang “Sandugong Panaginip”.

Noong Disyembre 1896, sa paglilitis kay Dr. Rizal, idinawit si Paterno sa Katipunan dahil parehas silang sumulat ni Dr. Rizal ukol sa buhay ng mga Pilipino bago dumating ang mga Espanyol. Sumulat kasi si Paterno noon ng isang librong pinamagatang “Antigua Civilizacion”. Kaso, walang gumawa ng mosyon laban sa kaniya dahil ang mga opisyales – sibil man o militar, ay koneksyon ni Paterno. Kung makulong man siya, mabilis siyang mapapawalang sala! At isa pa, pinarangalan siya ng Order of Isabella the Catholic noong 1893. Bilang pag-iingat, hindi na rin siya nakialam sa Katipunan.

Noong 1897 naman, noong paatras na ang puwersa ni Aguinaldo papuntang Biak-na-Bato, lumapit si Paterno sa Gobernador Heneral Fernando Primo de Rivera na nakilala niya pa noon sa Espanya. Gusto niya maging tagapamagitan sa pamahalaan at sa mga rebolusyonaryo. Tandaan natin na andoon siya noon sa Espanya, para sa reporma, hindi para sa independecia. Ngayon, dahil sa paniniwala ng mga Espanyol na kaya ni Paternong pasukuin ang puwersa ni Aguinaldo, tinanggap ni Primo de Rivera ang alok ni Paterno. Umalis si Paterno sa Maynila noong Agosto 4, 1897 at nakadaupang palad niya si Miong noong Agosto 9.

Sa loob ng ilang buwan, nagpabalik-balik si Paterno sa Maynila at Biak-Na-Bato. PKaso noong Nobyembre 1897, namatay ang asawa niyang si Luisa ngunit itinuloy niya ang pag-aasikaso ng mga negosasyon. Nilagdaan ang Kasunduan ng Biak-na-Bato noong Disyembre 14, 1897 sa bahay ng isang kapitan ng hukbo ni Gregorio del Pilar na si Pablo Tecson na siya ring huling bumoto para sa paghihiwalay ng simbahan at estado sa Kongreso ng Malolos.

Ang mga probisyon ng kasunduang ito ay ang mga sumusunod:

1. Ipapatapon ang mga lider sa kahit anong bansa (pinili nila Hong Kong)

2. Magbabayad ng 800,00 Mexican Dollars in three gives ang Espanya: 400,00 kapag umalis sila Aguinaldo; 200,000 kapag umabot sa 800 na armas ang isusuko; 200,000 kapag umabot sa 1,000 na armas ang isusuko at pagpapatugtog ng Te Deum sa Katedral ng Maynila bilang simbolo ng kapayapaan.

3. Magbibigay ng 900,000 piso para sa mga sibilyang nadamay ng digmaan.

Anong nangyari sa Kasunduan? Matapos umalis nina Aguinaldo at dalawampu’t limang opisyales, binigay sa kanila ang 400,000 Mexican dollars. Binigay rin ang 200,00 sa mga rebolusyonaryong naiwan. Hindi naibigay ang natitirang 200,000 at 90,000. Pinambili ng mga armas ang perang natanggap nina Aguinaldo. Hindi natuluyang nagkasundo ang dalawang panig.

At si Paterno? Umalis siya pa Hong Kong, bumalik agad noong Enero at ilan sa mga nakatanggap ng 200,000. Ito ang breakdown, ayon sa History ni Lourd de Vera.

Lucas Camerino – 3,000

Emiliano Riego de Dios – 7,000

Ambrosio Moxica – 5,000

Francisco Makabulos – 13,000

Miguel Malvar – 8,000

Artemio Ricarte – 6,640

Paciano Rizal – 445

Iba pa – 20-500.

Kay Paterno? 89,500!

Hindi lang iyon. Gusto niya hirangin bilang Duke ng Maynila, ang kapatid niya bilang Konde, gawin siyang senador sa Espanya at bayaran pa ulit siya. Nang dumating ang mga Amerikano, sinabihan niya ang mga rebolusyonaryo na protektahan ang mga Espanyol. Hindi siya pinakinggan ng mga rebolusyonaryo. Nang tuluyang matalo ang mga Espanyol, bigla siyang umanib kay Aguinaldo. Nagpalakas siya at ginamit ang impluwensiya upang maging presidente ng Kongreso ng Malolos, Setyembre 1898. Naging punong ministro matapos magresign ni Mabini.

Bakit nagresign si Mabini? Di ba sabi’y may spark at first sight sila Mabini at Aguinaldo? Ipinakalat ang chismis ng ilang miyembro ng gabinete na syphilis at hindi polio ang sakit ni Mabini, isang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Kinuwestiyon rin nila Paterno ang kakayahan ni Mabini maging punong ministro dahil sa kapansanan nito. Nagresign si Mabini sa badtrip.

‘Di nagtagal, nahuli ng mga Kano si Paterno noong Abril 1900 sa Benguet. Nagsagawa ng dalawang araw na piyesta si Paterno kung saan inimbita niya si Heneral Arthur MacArthur at ilang miyembro ng Komisyong Taft. Nabadtrip ang mga Kano sa mga larawan ni Miong, pinakumpiska nila ito. Tuluyan nang lumipat ng bakod si Paterno.

Isa siya sa nagtatag ng Partido Federalista na ninais gawing estado ng US ang Pilipinas. Naging patnugot rin siya ng La Patria kung saan sinuportahan niya ang mga Kano at nagpasalamat sa mga Espanyol. Di nagtagal nahalal si Paterno bilang representado ng unang distrito ng Laguna para sa Unang Assemblea noong Oktubre 16, 1907.

Tulad ni Mabini, namatay din si Paterno sa kolera noong Marso 11, 1911. Sayang itong henyong ito. Kung ginamit niya lang sana ang kaniyang talino sa tama, marahil hindi siya makikilala bilang pinakaunang balimbing sa kasaysayan ng bansa.

Sources:

Aguinaldo, Emilio F. True Version of the Philippine Revolution. 1899.

Batungbakal, Luisito. Inside the “Royal” Life of Philippine History’s Ultimate “Balimbing”. Retrieved from https://goo.gl/yjWnDo.

Batungbakal, Luisito. 10 Infamous Traitors in Philippine History. Retrieved from https://goo.gl/xeFWyI.

History With Lourd. Kasunduan sa Biak-Na-Bato. Retrieved from https://goo.gl/ZUMmq3.

Guillermo, Artemio R. Historical Dictionary of the Philippines, Second Edition. Scarecrow Press, Inc. 2005. pp. 301-302.

National Historical Commission of the Philippines. The Malolos Congress. 2010. pp. 15-16, 19, 41

Tucker, Spencer C. The Encyclopedia of Spanish-American and Philippine-American Wars: a political, social and military history. Volume 1. ABC-CLIO, LLC. pp. 465.

Featured Image: “Duke” Pedro Paterno.

ARTIKULO BENTE UNO: Thug Life feat. David Fagen

Ilang bayani ba talaga meron tayo? Kilala ba natin lahat? Pinoy ba silang lahat? Ngayon, kilalanin natin ang isang Itim sa Mundo ng Mga Kayumanggi.

Si Kapitan David Fagen ay isang African-American na pinanganak sa Florida noong 1875. Maagang namatay ang kaniyang tatay na isang mangangalakal. Nagtrabaho si Fagen para sa Hull’s Phosphate Company.

Noong Hunyo 4, 1898, sa edad ng 23, nagpalista si Fagen sa 24th Infantry, isa sa apat na rehimen na binubuo ng mga African-American na nagmula sa Tampa, Florida. Nakarating sila sa Pilipinas noong Hunyo 1899 at nakalaban ang mga rebolusyonaryo sa Gitnang Luzon. Ayon sa mga ulat, laging nakakaalitan ni Fagen ang kanyang mga superyor at nakiusap na magpalipat sa loob ng tatlong beses dahil sa pagkamuhi niya sa kanilang hukbo. Sa panahong demonyo ang turing ng mga Puti sa mga Itim, ituturing ka nilang isang hayop kahit na mataas pa ang ranggo mo. Di nagtagal, umalis sa hukbo si Fagen.

Noong Nobyembre 17, 1899, lumipat siya ng sa panig ng mga Pinoy. Isa na siyang corporal noon at nakilala niya si Heneral Jose Alejandrino. Halos walong beses niyang nakabunggo ang kaniyang mga dating kasama at sa walong iyon, dalawang beses niyang nakaharap ang pinakamagaling na guerilla hunter na si Frederick Funston (ang pinunong nakahuli kay Heneral Aguinaldo sa Palanan, Isabela).

Ang pinaka-highlight ng kaniyang karera ay ang pagnakaw nila sa mga kanyon ng isang steamship sa Ilog Pampanga. Ninakaw nila ang mga kanyong ito at mabilis na nakapagtago sa gubat bago pa dumating ang mga cavalry ng mga Amerikano. Dahil sa katapangan noong panahon na iyon, itinaas ni Alejandrino ang ranggo ni Fagen sa kapitan pero dahil sa kasikatan ni Fagen sa mga Pinoy, tinatawag nila si Fagen bilang “Heneral Fagen”.

Sa totoo lang, natutong managalog si Fagen at nagkaroon ng isang ka-forever na Pinay. Tapos, isang beses umiiyak na sumugod ang asawa ni Fagen kay Alejandrino. May kagat sa pisngi yung babae at bugbog-sarado. Nanaginip diumano si Fagen na hinuhuli siya ng mga ‘Kano at napagbuntunan ng galit ni Fagen ang kaniyang kabiyak.

Inalala rin ni Alejandrino sa kanyang La Senda del Sacrificio na noong nagka-malaria siya ay binuhat siya ni Fagen sa mga lugar na dapat nilang puntahan. Palibhasa’y halos anim na talampakan ang taas ni Fagen pero maliit ang ulo. Minsang siyang inilarawan ng ibang Amerikano bilang

“… a very large black negro…”

Black na, negro pa!

Pero talagang masaklap ang kapalaran, lahat ng bagay ay mayroong katapusan. Noong Marso 23, 1901, nadakip ni Funston si Heneral Aguinaldo sa Palanan, Isabela. Pinasuko ni Aguinaldo ang mga rebolusyonaryo at noong Abril 29, sumuko si Heneral Alejandrino kay Funston. Iniwan ni Alejandrino si Fagen kasama ang 12 riple para protektahan ang kaniyang sarili. Ang sabi ni Funston kay Alejandrino ay

“Hindi ka pa maaaring sumuko hangga’t hindi mo isusuko si Fagen.”

Ang nais nina Alejandrino, kung pasusukuin si Fagen, ay mabigyan ng amnestiya si Fagen pero tutol dito ang mga Amerikano. Nais nilang i-court martial ang isang traydor at patayin ito pagkatapos.

Bakit sobra ata ang galit ni Funston at ng mga Amerikano kay Fagen? Ayon na rin kay Alejandrino, mayroong mga insidente na minsa’y nakiusap si Fagen na ibigay sa kaniya ang ilang puting Amerikanong POW o prisoners of war. Pumayag naman si Alejandrino at pagbalik nila ay patay na lahat ng mga bihag. Pinaimbestigahan ang insidente at ayon kay Fagen, pinatay niya ito dahil “sinubukan tumakas ng mga puti”. Pinawalang sala si Fagen pero di na siya pinalapit sa mga puting POW.

Iba-ibang bersyon ang nagsabi kung paano namatay si Fagen.

VERSION 1.

Huhulihin na isang gabi si Fagen. Nang nakakutob ito, tumalon siya sa bintana kasama ang asawa. Palibhasa’y gabi, hindi siya nahanap ng mga Amerikano’t nanirahan sila ng asawa niya sa kabundukan ng Nueva Ecija.

VERSION 2.

Dinala ng isang Tagalog na si Anastacio Bartolome ang isang maliit na ulo ng isang itim na tao, kasama ang asawa nito at ilang Ita. Minanmanan diumano ni Bartolome si Fagen at nakita niya ito kasama ang asawa at mga Ita habang naliligo sa ilog. Nakilala niya ito base sa mga Wanted posters nito. Pinugutan nila ito at ibinaon ang katawan sa ilog. Ang problema sa kwentong ito, nakita pa rin diumano ng Philippine Constabulary si Fagen.

Sources:

Robinson, Michael C. et. al. David Fagen: an Afro-American Rebel in the Philippines, 1899-1901. The Pacific-Historical Review, Vol. 44, No. 1. February 1975. pp.68-83.

Featured Image: Artist Kamote Kick‘s depiction on David Fagen.

ARTIKULO BENTE: Tanging Ama feat. Isabelo de los Reyes

Noong kalagitnaan ng unang dekada ng ika-dalawampu’t isang siglo, may isang kanta na maitatatak ko kay Aiai de las Alas.

“…Sa anak kong sandosena
Diyos ko po nakakaloka
‘Yan ang TANGING INA!”


Anong kinalaman nito kay Don Isabelo de los Reyes? Ating alamin ang buhay ni Don Belong.

Si Isabelo de los Reyes ay isang Ilokanong manunulat, pulitiko at labor leader. Pinanganak siya noong 1864 sa Vigan, Ilocos Sur ng kanyang inang si Leona Florentino, ang unang sumikat na babaeng makata at manunulat. Ang kanyang ama ay si Elias de los Reyes.

Palibhasa laging may LQ ang mag-asawa, iniwan ni Elias ang kaniyang anak sa isang kamag-anak na si Mena Crisologo, isang mayamang manunulat. Pinag-aral si Belong sa seminaryong pinamamahalaan ng mga Augustino at dahil sobrang higpit ng disiplina (kasama na diyan ang pamamalo), sinumpa niya ang mga prayle sa buong buhay niya.

Noong 1880, tumulak siya sa Maynila at nag-aral sa Letran at nagtapos ng Bachiller en Artes. Nag-aral siya sa USTe ng batas, kasaysayan at paleyograpiya. Kaso, habang ipinagdiriwang niya ang kaniyang ika-18 kaarawan noong 1882, namatay ang tatay niya. Buti na lang nagsideline muna siya bilang manunulat para madagdagan ang kaniyang allowance galing sa kaniyang ina. Noong 1886 naman, nagtapos siya sa pagnonotaryo kaso 25 ang minimum age, 22 pa lang siya. Nagsulat siya sa para sa El Diario de Manila, La Oceania Espanol, EI Comercio, La Revista Popular, La Opinion, at iba pang diyaryo sa Maynila.

Noong 1887, inilimbag niya ang kaniyang unang libro, ang El Folklore Filipino. Nanalo ito ng medalyang pilak sa Exposicion Filipina sa Madrid. Noong 1889 naman, itinatag niya ang unang diyaryo sa wikang bernakulo, ang El Ilocano. Di ito nagtagal nasabing pahayagan ngunit ito ang naging inspirasyon ng ilang manunulat para magtayo ng pahayagan sa kanilang sariling wika.

Nagpatuloy siya bilang mamamahayag at tinira ang mga Espanyol sa kanilang mga masamang pamamahala. Tinira niya rin ang mga prayleng hate na hate niya. Binansagan siyang subersibo at ipiniit sa Bilibid. Muntik na nga siyang barilin sa Bagumbayan kaso swinerte si Belong! Nagpalit ng gobernador heneral at ipinatapon na lang siya sa Espanya. Ikinulong siya doon tapos swinerte na naman! Palibhasa, napirmahan na ang Kasunduan sa Biak-Na-Bato, pinalaya siya. Naglingkod pa bilang miyembro ng Consejo del Ministerio de Ultramar mula 1898-1901. Pero kahit naglingkod, mahal niya pa rin ang Pilipinas sa pamamagitan ng paglathala ng La Sensecional Memoria sobre la Revolucion Filipina.

Noong Hulyo 1901, natanggap ni Belong ang isang birthday gift. Pinayagan na siyang umuwi sa Pinas na sakop na ng mga Kano. Dinala niya ang ilang libro nina Karl Marx, Friedrich Engels, Victor Hugo at iba pang sosyalista sa Europa. Gamit ang mga konsepto at ideolohiyang natutunan habang nakakulong sa Madrid, itinatag niya ang Union Obrero Democratica Filipina noong Pebrero 2, 1902.

Ayon sa historyador na si Melinda Kerkvliet, ang mga pinaglalaban ng UOD ay ang mga sumusunod:

  1. Mapagbuti ang kalagayan ng manggagawa sa pamamagitan ng lehislasyon
  2. Bigyan ng trabaho ang mga walang trabaho at tulungan ang kanilang mga pamilya
  3. Libreng edukasyon para sa mga anak ng manggagawa, tulungan ang mga may sakit at mga problemadong miyembro ng UOD; at
  4. Iligtas ang mga manggagawa gamit ang ilang proyekto.

Ilan sa mga na-organisang pagtitipon ng UOD sa pamumuno ni Belong ay ang protesta noong Hulyo 4, 1902 at isang martsa noong Agosto 1902. Noong Hulyo 4, 1902, kasabay ng pagdidiwang ng Araw ng Kalayaan ng mga Amerikano ay nagtipon sa Luneta ang kalahating milyong Pilipino para humiling sa kalayaan ng Pilipinas. Matapos ang isang buwan, nag-strike ang mga empleyado para sa mas mataas na sahod at nagmartsa sa Maynila at karatig-siyudad. Nataasan ang sahod ng mga trabajadores kaso inaretso sina Belong at apat na lider ng UOD. Kinulong si Belong sa loob ng apat na buwan at pinalaya sa kundisyong di na siya magiging bahagi ng UOD.

Noong Agosto 1902 din, bago nakulong, itinatag ni Don Belong at Padre Gregorio Aglipay ang Iglesia Filipina Independiente. Naging unang obispo nito si Aglipay at naging honorary bishop si De Los Reyes. Ilan sa mga sikat na personalidad na miyembro ng IFI ay sina Crispin Beltran, Cesar Virata, Ferdinand Marcos (ipinanganak ng IFI pagkatapos ay nagpa-convert sa Katolisismo), Marian Rivera (IFI tapos naging Katoliko), Bayani Fernando, Lope K. Santos, Melchora Aquino, Apolinario Mabini, at sina Emilio at Baldomero Aguinaldo.

Nakalaya si Belong sa Bilibid noong 1903 at nagtungo ng Tsina at Hapon kung saan nakipagkita siya sa dating heneral ng rebolusyon na si Artemio Ricarte. Nagparoo’t parito siya sa Espanya at Pilipinas hanggang sa naging konsehal siya ng Maynila noong 1912. Sa halalan ng 1922, tinalo niya noon sa pagiging senador ng Ilocos ang pasikat pa lamang noon na si Elpidio Quirino. Matapos ang kaniyang termino noong 1928, nagretiro siya sa pulitika. Na-stroke siya noong Enero 1938 at namatay noong Oktubre ng kaparehas na taon.

Bakit siya naging tanging ama? Mayroon siyang tatlong asawa at dalawampu’t pitong anak. Ang kaniyang unang asawa ay si Josefa Sevilla na pinakasalan niya noong 1880. Namatay si Sevilla habang nakakulong si Belong noong 1897 at naiwan ang kanilang anim na anak. Sunod niyang pinakasalan ang isang Espanyolang si Maria Angeles Lopez Montero noong Disyembre 24, 1898. Namatay ito noong 1909 sa Tokyo habang nanganak sa kanilang pangsiyam na anak. Huli niyang pinakasalan ang mestisang Tsino na si Maria Lim (18 years old si Lim, 40 years old si Belong) noong 1912. Namatay din sa panganganak si Maria Lim noong 1923. Ang mga anak ni Belong ay halo-halo sa dugo, iba’t ibang nanay, pati relihiyon. Si Isabelo Jr. ay naging Obispo Maximo IV ng IFI samantalang sila Angeles, Elisa at Elvira ay naging madreng Katoliko.

Sources:

Vigan City Official Website. Isabelo de los Reyes Marker. Retrieved from https://goo.gl/gkB9Lg.

National Historical Commission of the Philippines. Isabelo de los Reyes. Retrieved from https://goo.gl/2uttmk.

Featured Image: Isabelo de los Reyes.