ARTIKULO OTSO: Punyeta Sessions feat. Manuel L. Quezon

Si Manuel Luis Quezon y Molina (1878-1944) ay anak ng dalawang mestisong Espanyol. Nag-aral siya sa isang pampublikong paaralan at nagtapos ng sekondarya sa Colegio de San Juan de Letran. Noong 1899, huminto siya ng abogasya sa UST para sumama sa rebolusyon at naging ayude-de-campo ni Presidente Emilio Aguinaldo. Sumuko siya noong 1900 at matapos ang tatlong taon, naging fourth placer sa bar exam.

Di nagtagal, naging gobernador siya ng Tayabas noong 1906 at napasama sa unang asemblea ng Pilipinas taong 1907. Taong 1909 hanggang 1916, naglingkod siya bilang resident commissioner sa Estados Unidos. Sa bisa ng Batas Jones, nabuo ang Senado ng Pilipinas noong 1916 at siya ang naging unang pangulo nito hanggang 1935. Nailuklok siya bilang unang pangulo ng Komonwelt noong 1935 at namatay sa Saranac Lake, Estados Unidos sa sakit na tuberkulosis matapos ang siyam na taon.

Maliban sa pagdeklara sa Filipino bilang wikang pambansa, marami pang nagawa si Presidente Quezon. Kasama na riyan ang pagbibigay lupa sa mga mahihirap, pagpapalakas ng hukbong militar, pagpapalakas ng komersyo, pagpigil sa mga tiwaling opisyal at pagkakaroon ng proposal sa reporma sa lupa. Binuksan niya rin ang pinto ng Pilipinas para sa mga Hudyo noong panahon ng Holocaust.

Pero alam mo ba na ang kaniyang paboritong mura ay pareho ng bukambibig ni John Arcilla sa pelikulang Heneral Luna? Narito ang ilang piling tagpo sa kaniyang buhay na magbibigay buhay sa taong patuloy na tiningala ng kaniyang mga kababayan.

SARAP

Habang lulan ng isang barko papuntang Estado Unidos, kumakain noon si Quezon kasama ang ilang opisyal ng Pilipinas. Kasabay nilang kumain ang isang Hapones sa hapag-kainan. Ang Hapones ay kumakain nang maingay, isang paraan ng pagsasabi na nasasarapan sila sa kanilang kinakain.

Quezon (pabulong): Aba’y matakaw itong isang ‘to ah.

Opisyal: Excuse me, Mr. President?

Quezon: Masarap ang sopas, hindi ba?

MITING DE AVANCE

Habang nangangampanya sa Batangas, iilan lang ang nasa miting-de-avance ng partido ni Quezon. Balwarte kasi ng ito ng oposisyon, territoryo ni Jose P. Laurel. Kailangan nila ng spark para magising ang madla.

Kapartido: Problema ito Ginoong Quezon.

Quezon: (nagtawag ng isang tao sa madla) Hoy! Putang ina mong duling!

Nilapitan ni Quezon ang duling, inakbayan at kinamusta. Tuwang-tuwa ang duling at umakyat sila sa entablado. Natuwa sa kanila rin ang madla at naging matagumpay ang kanilang kampanya sa Batangas. Matapos ang miting de avance…

Kapartido: Senyor Quezon, kilala niyo po ba yung inakbayan niyo kanina?

Quezon: Aba’y hindi! Malilintikan ako kung kilala ko yung duling na yun

LEMONADA

Habang nasa Estados Unidos, nagkaron ng isang piging kung saan naroon ang ilang mga opisyal na Pilipino. May isang opisyal na nakakita ng lemon sa isang bowl. Siguro’y inakala niyang lemonada ito at hinigop ang “juice”. Sinigawan siya ni Quezon na siyang kinagulat ng opisyal.

Quezon: Punyeta! Hindi yan iniinom, hugasan ‘yan ng kamay!

Nalaglag ang babasaging bowl. Hugasan pala yun ng kamay at ang lemon ang disinfectant.

SNIPER

Kasama noon ni Pangulong Quezon ang kaniyang photographer na si Honesto Vitug. Nakakita ng usa si Vitug at itinuro ito sa pangulo. Sinabihan siya ni Quezon na tingnan lang siya. Binaril ng pangulo ang usa at nilapitan ito. Kumuha pa ng litrato si Vitug habang papunta si Quezon sa nabaril na hayop.

Matapos ang ilang sandali, nagmura si Quezon. Agad na lumapit si Vitug.

Vitug: Ano pong nangyari?

Quezon (tumatawa): Aba’y nakatali naman pala ito eh pero sige, kunan mo na rin ng litrato.

Source:

Rivera, Juan F. Thoughts and Anecdotes about him and his fights. Kayumanggi Press, 1979

Featured Image: Office of Resident Commissioner Manuel Quezon. Photo taken from the Presidential Museum and Library Flickr Account.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s