ARTIKULO DOSE: Huling Sayaw feat. Apolinario Mabini

Si Apolinario Mabini y Maranan (1864-1903) ay ipinanganak sa Tanuan, Batangas sa isang magsasakang hindi nakakabasa at sa isang tindera. Mahirap lamang ang pamilya ni Mabini kaya’t noong una, ang kaniyang ina ang nagsilbing guro niya. Di nagtagal, tinuruan rin siya ng isang maestro mula sa Davao, si Agustin Santiesteban III.

Dahil sa taglay na talino, pinag-aral siya sa paaralan ni Simplicio Avelino kung saan nag-sideline pa siya bilang houseboy at nagtrabaho para sa isang mananahi para makalibre. Inilipat ulit siya sa paaralan ni Padre Valerio Malabanan, isa sa pinakamagandang paaralan sa Pilipinas noong panahon na iyon. Masasabing perfect timing at nasa tamang lugar si Mabini, pinalad siyang makapag-aral sa mga pinakamagaling na paaralan sa bansa.

Noong 1881, nakatanggap siya ng scholarship sa Letran at doon may isang propesor na gusto siyang kupkupin dahil halata sa pananamit ni Apolinario na mahirap lang siya. Sayang at mahusay pa naman si Mabini – sinasagot niya ang mga katanungan ng mga propesor ng walang kahirap-hirap.

Tumigil muna siya sa pag-aaral at nagturo sa mga bata para makapagbayad sa tinutuluyan. Nagtapos naman siya sa Letran nang may pinakamataas na grado at nagpatuloy ng abogasya sa UST kung saan naging abogado siya noong 1894.

Bago pa magtapos ng abogasya, nakianib na siya sa mga mason at sa ilang lokal na organisasyong sumusuporta sa Kilusang Propaganda. Noong 1892, naging bahagi siya ng La Liga Filipina ni Dr. Jose Rizal. Sa kasawiang palad, ilang araw matapos maitatag ang Liga, idinakip si Rizal at pinatapon sa Dapitan. Nahati ang Liga sa dalawa: ang Katipunan, na naglalayong palayain ang bansa sa gamit ang dahas sa pamumuno ni Andres Bonifacio; at ang Cuerpo de Compromisarios nila Mabini, na naniniwala pa rin sa reporma.

Nag-aral din siya sa Sala de Armas ng mga Luna. Sandali… akala ko ba’y lumpo siya? Hindi naman siya pinanganak na lumpo. Noong 1895, tinamaan siya ng polio at tuluyang nalumpo noong Enero 1896. Pero bago yun, sa kaniyang tinutuluyan sa Calle Cabildo sa Intramuros, ay ginusto ni Mabini na mag-aral ng pagsasayaw.

Ang sabi’y mayroon daw gustong babae si Mabini. Noong panahon na iyon, siyempre dapat kaya mong dalhin ang iyong dance partner. Nahuli daw ng mga kasama sa boarding house na nageensayo si Mabini. Ikinuha siya ng dance instructor at gitarista ng kaniyang mga kasamahan. Ang guro niya sa pagsasayaw ay si Agapito Villanueva mula sa Ilocos Norte samantalang ang kaniyang gitarista naman ay isang guro ng matematika galing Capiz, si Rafael Lozado. Kumpleto na ang lahat… kapareha na lamang ang kulang!

Palibhasa’y mahiyain, walang mahanap na kapareha si Mabini kundi ang kaniyang upuan. Alam naman nating tinamaan rin siya ng polio. Hindi natin alam kung may naisayaw si Pareng Apo. Isa ang sigurado – ang kaniyang upuan na ang kaniyang naging katuwang sa lahat ng oras mula nang siya’y nalumpo.

Noong 1898, nakipagkilala siya kay Heneral Emilio Aguinaldo sa Laguna. Sinasabing nagkaroon na agad ng tiwala si Aguinaldo kay Mabini sa una nilang pagkikita and the rest is history, ika nga. Naging kanang kamay siya at punong ministro ng bansa. Siniraan siya nina Pedro Paterno sa Kongreso ng Malolos at ipinagkalat na ang dahilan ng kaniyang pagkalumpo ay sakit na syphilis, isang sakit na nakakahawa kapag ika’y nakikipagtalik sa kung kani-kanino. Napuno siya sa mga paninira ng mga ito at nagbitiw sa kaniyang posisyon sa pamahalaan noong Mayo 1899. Matapos nito, nagtago siya sa lalawigan ng Nueva Ecija. Pagsapit ng Disyembre 1899, nadakip siya ng mga Amerikano sa bayan Cuyapo sa lalawigan ring iyon.

Pinilit siyang sumumpa sa bandila ng Amerika ngunit hindi siya pumayag. Dahil dito, ipinatapon siya sa Guam. Doon sa Guam, ginugol niya ang kaniyang oras sa pagsusulat ng pinakamapait na mga tala ng kaniyang buhay. Nanghina rin siya roon at namayat.

Nang iuwi sila sa Pilipinas, sumumpa na siya sa bandila ng Amerika upang mamatay na sa kaniyang mahal na bansa. Nagpatuloy pa rin siya sa pagtulong sa mga rebolusyonaryo hanggang sa namatay siya sa sakit na cholera noong Mayo 13, 1903. Nang hukayin ang kaniyang mga labi noong 1980, dito napag-alaman na hindi syphilis ang kaniyang sakit kundi polio.

Sources:

Chua, Michael Charleston “Xiao”. Ang Ika-110 Anibersaryo ng Pagkamatay ni Apolinario Mabini. Retrieved from https://goo.gl/qJc9bz.

Joaquin, Nick. A Question of Heroes. Anvil Publishing. 2005. pp. 142-160

Ocampo, Ambeth. Dirty Dancing. Looking Back 2: Dirty Dancing. Anvil Publishing. 2010. pp. 1-4.

Philippine Center for Masonic Studies. In Search of the Essence of Filipino Mason: Apolinario Mabini. Retrieved from https://goo.gl/KFGXx0.

Featured Image: Monument of Apolinario Mabini in front of the National Library. Photo taken from WikiPedia.

Advertisements

One Reply to “ARTIKULO DOSE: Huling Sayaw feat. Apolinario Mabini”

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s