ARTIKULO KATORSE: Dance With My Father feat. Marcelo del Pilar

Alay sa mga OFW, sa mga batang nangungulila sa kanilang ama’t ina, sa mga asawang nangungulila sa kabiyak at nagdarasal na sana’y di mangaliwa at masira ang kanilang mga pamilya.

“If I could get another chance, another walk, another dance with him

I’d play a song that would never, ever end

How I’d love, love, love To dance with my father again”

Anong kinalaman ng mga liriko ng isang awitin sa wikang Ingles sa buhay ni Plaridel? Ating alamin sa sanaysay na ito. Si Marcelo Hilario Del Pilar y Gatmaitan (1850-1896) ay pangsiyam na anak ng isang three-termed gobernadorcillo sa lalawigan ng Bulacan. Samantalang ang kaniyang ina ay apo ng mga prestihiyosong angkan ng mga Gatmaitan.

Ang kaniyang mga kapatid ay sina Toribio (nasangkot sa pag-aalsa sa Cavite), Fernando (ama ni Goyo), Andrea, Doroteo, Estanislao, Hilaria (asawa ni Deodato Arellano, unang supremo ng Katipunan), Valentin at Maria. Bininyagan siyang Marcelo Hilario kaso nang ipinatupad ang Claveria Decree noong 1849, ginamit nila ang apelido ng kanilang lola, Del Pilar. Nag-aral siya sa Colegio de San Jose at UST at kumuha ng kursong abogasya.

Noong 1869, nang naging ninong sa isang binyag sa Malate, kinuwestiyon niya ang sobra sobrang na bayad sa pagpapabinyag. Nainis ang pari sa kaniya at ipinakulong siya sa Bilibid sa loob ng tatlumpung araw. Noong 1872 naman, habang naninirahan kasama si Padre Mariano Sevilla, nagkaroon ng pag-aalsa sa Cavite. Ipinatapon si Padre Sevilla at ang kapatid ni Selong na si Toribio. Sinasabing ang insidenteng ito ang naging dahilan ng pagkamatay ng kanilang ina.

Naging opisyal de mesa siya ng Pampanga at Quiapo at noong Pebrero 1878, pinakasalan niya ang second cousin na si Marciana sa Tondo, Maynila. Nagkaroon sila ng pitong anak: Sofia, Jose, Maria Rosario, Maria Consolacion, Maria Concepcion, Jose at Ana (Anita). Sa pitong ito, lima ang namatay nang bata at tanging sila Sofia at Anita ang natira. Itinuloy niya ang pag-aaral sa UST noong 1878 at nagtapos noong 1880. Nagtrabaho siya sa Real Audiencia pagkatapos. Itinatag nila ni Basilio Teodoro Moran ang Diariong Tagalog, ang unang diyaryo na may dalawang wika sa Pinas noong 1882.

Marami pang insidenteng kinaharap si Del Pilar at ang isa rito ay ang insidente laban kay Padre Jose Rodriguez noong 1888. Matapos lumabas ang Noli ni Rizal, sinabi ni Padre Jose Rodriguez na ang pagbabasa nito ay isang kasalanang mortal at mapupunta ang mga mambabasa sa infierno na sinulat niya sa Caiingat Cayo. Rumesbak si Selong, sumulat ng Caiigat Cayo (Maging Madulas katulad ng Igat). Matapos ang ilang buwan, tinatakan siyang subersibo at pilibustero. Umalis siya sa Pinas noong Oktubre 1888, iniwan ang anak na sina Sofia (siyam na taong gulang) at Anita (isang taon at apat na buwan).

Nakarating si Del Pilar noong bagong taon ng 1889. Sumulat siya sa Asociacion Hispano-Filipina de Madrid at pumalit kay Jaena bilang patnugot ng La Solidaridad noong Disyembre 1889.

Sumunod na taon, nagkaroon ng hidwaan sa pagitan ni Del Pilar at ni Rizal. Bagong taon ng 1891, nagkaroon ng halalan kung sino ba ang nararapat mamuno sa Kilusang Propaganda. Nahati ang mga propagandista sa dalawa: Pilarista at Rizalista. Nanalo si Rizal kaso alam niyang hindi siya magugustuhan ng mga Pilarista kaya’t nag-empake siya at umalis. Nagkapatawaran naman ang dalawa. Noong 1895, nagsara ang La Solidaridad.

Sa huling mga buwan ni Plaridel, wala na siyang makain at pampainit sa taglamig. Pinulot niya ang mga upos ng sigarilyo para mainitan. Nagkaroon siya ng tuberkulosis. Nagpasya siyang bumalik sa Pinas. Kaso lumala ang sakit ni Plaridel, kinansela niya ang trip back to Manila, Manila. Dinala siya sa isang ospital sa Barcelona kung saan namatay siya, Hulyo 4, 1896 nang hindi na nakikitang muli ang asawa’t anak. Binalik ang kaniyang labi noong 1920.

Sa kaniyang mga liham sa kaniyang asawa’t mga anak, makikita naman natin ang human side ni Plaridel. Dito mababasa ang kaniyang pagkasabik na muling makasama ang pamilya sa kabila ng gawain bilang propagandista para sa bayan. Narito ang ilang mga sulat.

“… Ako’y natutua at nag-aaral na si Sofía, at mabuti nga at hindi mo ipinasok ng panahon ng cólera. Palagi mong ipagbibilin na magpapaka husay sa escuela: huag makikialam sa mga pagpupulaan ng manga ca escuela: ani sa harap niya’y may pinupulaan ay huag makiki pula: kun ina akala niyang totoo ang ipinupula ay gauan ng magaling na sa sabing banayad ay piliitin hangang mapililiit bibig; huag niyang kakaibiganin, huag naman caca-auayin, ni huag ipahahalata ng kaniyang pag ilag: kung ano ang ina-asal niya kina Panchang at kina Cayang ay gayon din ang asalin sa manga ka escuela: ang pakitang loob sa lahat, nguni’t huag makipag pahayagan kundi sa kanyang ina: huag ilalayo sa isip na ualang makapagmamahal sa kanya nang para nang pag mamahal nang kanyangmagulang: mangyayaring dayain siya ng boong mundo ay ualang makapgtatapat na para nang magulang: kaya huag mararahuyong makikipag pahayagan sa kapwa bata: ang lahat niyang ligaya, ang lahat nang hapis, lahat nang pangamba ay ualang mapagpapahayagan kundi ang ina.

Ihalik mo ako sa kanila ni Anita. Ang batang ito’y palaging napapanaginip ko. Ang retrato ko ay narian na marahil.”

-Barcelona, Mayo 2, 1889

“…Tatangapin mo itong sulat ko sa buan ng Julio, ay ipinaaala-ala ko sa iyong si Sofía ay Agosto kung magkasakit nang mabigat: mag-ingat siya. Cahimanauari ay makaligtas siya ngayon para ng pagkaligtas sa nangag daang-taong hindi siya nagkasakit. Tinangap na niya marahil ang laruang padalá ko. Palagi ko silang napapanaginip ni Anita.”

-Barcelona, Hunyo 12, 1889

“…Yhalik mo ako kina Sofía at Anita: magandang pasko sa inyong lahat.”

-Barcelona, Disyembre 24, 1889

“… Si Sofía’y hindi pa sumusulat sa akin, hindi yata tinupad ang bilin ng kaniyang nalalayong ama na mag-aral, at mag-sanay ng gagawin sa bahay. Sabihin mong ikahahapis ng kanyang tatay, kung mabalitaang di niya tinutupad ang bilin ko. Yhalik mo ako sa kanila ni Anita.”

-Madrid, Abril 1, 1890

“… Ybig ko na sanang umuwi rian sa loob ng febrero o marzong papasok, datapua, ngayon lalong hindi maiwan ang lakad na maulan na. Magtitiis na muna akong manga ilang buan pa at ng kun hindi man kamtan ang ninanais, ay huag mawika na ang ipinagkagayon ay sa pagpapabaya ko. Sabik na sabik na ako sa inyong mag-i-ina. Sa mga katipunang pinaparonan ko ay anong laki ng pangimbulo sa bala kong makitang may dalang anak na matabil. Pag kilala ko rin lamang ang magulang ay hindi ko matiis na di yakapin ang bata at ganito na siguro—ang wika ko sa sarili ang aking si Anita.

Yhalik mo ako sa kanila ni Sofia at kamusta sa lahat.”

-Madrid, Disyembre 10, 1890

SOFÍA: tinangap ko ang sulat mong walang fecha. Nagpapasalamat ako sa Dios at wala kayong sakit dian. Ykaw at si Anita ay parati kong napapanimdim; ako’y uhaw na uhaw na sa halik ng mga anak ko. Datapua hindi na malalaon at magkakikita tayo…”

-Madrid, Abril 28, 1891

“… Si ineng ay hindi ko na nabalitaan. Mamamatay yata ako’y di na makikita ni Anita. ¡Ano ang gagauin! Kahimanauari pagkaluagan ako ng mga kamag-anak na padalhan ng mabbaon sa pag-uwi. Hindi kita mahili sa bagay na ito’t talastas ko ang inyong pagsasalat. Sabihin sana niyang makabalik diyan. Makagaganti rin…”

-Madrid, Enero 18, 1893

“…Si Sofía ay mag dadalaga na, inaasahan kong di mo kalilingatan ang pag aalaga sa kaniyang isip at loob; niyong maliit pa’y masikap ka sa pag lalayo sa kaniya sa ipagkakasakit ng katawan ngayon naman ay sa sakit ng kaluluwa dapat pakaalagaan. Kun sa bagay naman ay may katutubong bait ang batang iyan, ay hindi naman, sa banta ko, magbibigay hirap sa kaniyang ina. Ako’y malayo sa inyo, hindi ko maipagtatangol sa mga panganib diyan. Datapuwa lumapastangan sa anak ko?

Wala akong magagawa kundi ang ipagtagubilin sa iyo na araw-araw, oras oras ay parati mong pupukawin sa loob ni Sofía ang pagpapaka mahal sa asal.”

-Madrid, Mayo 24, 1893

“… Si Sofia hindi sumusulat sa akin. Wala akong balita sa ineng kong si Anita. Parati kong napapanaginip na kandong ko si Anita at kaagapay si Sofia, sa paghahali-halili kong hinahagkan, ay inuulit-ulit rau sa akin ng dalaua: ‘Dito ka na sa amin, tatay, huag kang bumalik sa Madrid.’ Nagising akong tigmak sa luha, at gayon mang sinusulat ko ito ay di ko mapigil-pigil ang umaagos na luha sa mga mata ko…”

-Madrid, Agosto 3, 1893

“… Salamat at malakas ang mga bata; parating namamalisbis ang luha ko tui kong aalalahanin ang kanilang pangungulila. Datapua’t ginagamot ko na lamang ang lumbay ko ng tapat na pag tawag sa Dios, kasabay ng uikang “sundin mo ang loob mo dito sa lupa para ng sa langit.” Napakaba ako sa lahat ng ama, pagka’t ang mga anak ko’y napaka aba sa lahat ng anak.

Hindi ko na madugtungan ito’t bumabaha ang luha sa mga mata ko.

Kumusta sa lahat at ihalik mo ako kay Sofia at kay Anita. Sabihin mo sa kanilang mahal na mahal sila ng kanilang ama, saui lamang ang kapalarang nataboy sa ating mag mamagulang. Ano ang gagawin, pasalamatan sa may tadhana ang lahat na nangyayari sa sang sinubukan.

Tinangap ko ang sulat ni Sofia gayon din ang kay Anita…”

-Madrid, Hulyo 18, 1894

Para sa bansa, sinakripisyo ni Plaridel ang kaniyang pamilya para sa atin. Sa panahong wala pang Skype, cellphone o anumang komunikasyon para makausap niya o masilayan ang kaniyang mga mahal sa buhay, matinding kabayaran ang katapat sa sakripisyo ni Plaridel.

Noong 1920, ibinalik ang labi ni Selong sa bansa. Hindi na bata sina Sofia at Ania, 41 at 33 taong gulang na sila. Ayon sa mga salaysay ni Padre Vicente Marasigan, anak ni Anita.

“Bata pa ako para maalala ang mga naganap nguni’t ramdam ko ang pagdurusa ng aking inang nangulila sa aking lolo. Bakit kailangan nila magdusa para sa bayan?”

Noong bumagsak ang Corregidor noong Mayo 1942, naging malungkot ang tahanan nila Anita del Pilar-Marasigan dahil gustong lumaban ng kaniyang asawa sa mga Hapones. Ayon muli kay Padre Marasigan,

“Malungkot ang aming tahanan. Gusto ni Ama gumawa ng hakbang para sa ikabubuti ng bayan. Hindi mapigil ni Inang ang pagluha at naalala ang kaniyang amang sinakripisyo ang pamilya para sa bayan.”

Samantalang si Anita naman ay nagkaroon ng stroke noong 1955. Na-comatose siya ng apatnapung araw at namatay. Sana saan man sila ngayon, Selong at Anita, sana’y masaya na sila sa piling ng isa’t isa.

“I’d play a song that would never, ever end

‘Cause I’d love, love, love To dance with my father again “

Sources:

Alas, Jose Mario. Marcelo H. del Pilar, A Broken Dad Till the End. Retrieved from https://goo.gl/75PJ4a

National Library. Escritos de Marcelo H. Del Pilar. 1970.

Featured Image: Marcelo H. Del Pilar Shrine. Photo taken from TheRealAct.weebly.com

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s