ARTIKULO DISISYETE: Binhi feat. Padre Jose Apolonio Burgos

Si Jose Apolonio Burgos ay ipinanganak sa Vigan noong Pebrero 9, 1837. Ang kaniyang ama ay isang Espanyol na tinyente sa hukbo ng Espanya samantalang mestizang Espanyol naman ang kaniyang ina. Kaya’t masasabing mas malaking bahagdan pa ang dugong Espanyol sa kaniya kaysa indio. Matalino siya at nagtapos nang mayroong dalawang bachelor courses (Teolohiya at Canon Law, 1859 at 1860) at dalawang doktorate (Teolohiya at Canon Law, 1868 at 1871). Nag-aral siya sa Letran at USTe.

Kahit na dominanteng Espanyol na dugo ang nananalaytay kay Burgos, pinili niyang walang salihang orden at naging isang paring sekular. Masasabing ito ang unang hakbang niya para sa pagkampanya para sa pagbabago at repormang nais niya. Ngunit bakit kaya nanghihingi ng reporma ang isang creole?

Sinasabing ibang uri ng tao si Burgos – gusto niya ng pantay na karapatan sa pagitan ng mga paring regular at sekular at pinaglaban niya ito hanggang kamatayan. Nang ma-ordena nga siya bilang pari, ginawa niya ang kaniyang unang misa sa Intramuros, isang pagbihirang pagkakataon para sa isang paring sekular. Doon sa Maynila niya nakilala ang isang paring kaniyang naging inspirasyon, si Padre Pedro Pelaez, ang pinuno ng secularization movement. Di nagtagal, nang namatay si Pelaez noong 1863, si Burgos ang namuno ng sekularisasyon.

Nang sumunod na taon, taong 1864, nagkalat ang mga polyetong subersibo at humahamon sa mga paring Espanyol. Sinasabi ng mga ilang historyador na si Burgos ang sumulat nito base sa paraan ng pagkakasulat. Noong taon ring iyon, nadestino siya bilang isa sa mga paring mamumuno sa Katedral ng Maynila, kung saan niya rin nakilala si Padre Jacinto Zamora.

Noong 1869 naman, nagkaroon ng isang political rally ang mga estudyante ng USTe. Ikinagalit ito ng mga autoridad at ang pinuno ng mga mag-aaral na nag-setup ng rally ay hindi pinapasok sa loob ng apat na buwan. Matapos ang apat na buwan, pinayagan siyang mag-aral sa kundisyong siya ang hahanap ng kaniyang gurong magtuturo sa kanya. Siyempre umayaw ng mga paring Espanyol at mas umayaw ng mga paring Pilipino sa kadahilanang baka madamay pa sila. Isang pari lang ang tumanggap sa kanya – si Padre Burgos.

Naging bahagi si Burgos ng isang samahan ng mga liberal na nanghihingi ng reporma. Kasama niya rin dito sina Maximo Paterno (ama ni Pedro Paterno), Jose Ma. Basa (kaibigan ni Rizal sa Hong Kong) at Ambrosio Rianzares Bautista (na nagbasa at nagsulat ng Declaration of Independence sa bahay ni Aguinaldo noong Hunyo 12, 1898). Nailista ang repormang hinihingi nila sa Eco de Filipinas, isang pahayagan sa Madrid.

Noong Enero 20, 1872, nagkaroon ng pag-aalsa sa Kabite at idinawit si Burgos dito. Gabi ng Enero 21 ay inaresto sila ni Zamora sa Maynila at ikinulong sa Fuerza de Santiago.

Sa buong paglilitis noong Pebrero 16, 1872, iginiit ng tatlong pari na wala silang kasalanan. Kaso isa sa mga sumuko at naarestong opisyal, si Sarhento Bonifacio Octavo ang nagsabing si Francisco Zaldua na nag-recruit sa kanila para mag-alsa. Ang sabi ni Zaldua sa kanila ay si Padre Burgos daw ang ang may pakana nito. Ang plano raw ay magkakaroon ng pag-aalsa sa Kabite at Maynila at si Burgos ang mauupong pinuno ng Pilipinas. Sinasabi rin ng iba na si Francisco Zaldua ay kamukha ni Burgos at nagpanggap bilang si Burgos.

Hindi solido ang ebidensiya rito pero ipinilit ni Gobernador Heneral Rafael de Izquierdo na binatayin ang mga pari. Ninais niya rin na tanggalan ng abito ang tatlong pari ngunit hindi pumayag ang Arsobispo ng Maynilang si Padre Gregorio Meliton Martinez. Palibhasa’y magkakilala sila Martinez at Burgos kahit minsang nagkabunggo ang dalawa.

Kinabukasan, binitay ang tatlong pari pero inuna si Zaldua. Si Zaldua bago binatayin ay tumingin muna sa paligid niya at umaasang maililigtas siya kaso walang tulong na dumating. Sumunod si Gomez, Zamora at huli si Burgos. Huli si Burgos dahil siya ang may lahing Espanyol sa mga ito. Umiyak siya na parang bata at nagprotestang,

“WALA AKONG KASALANAN!”

Sinagot siya ng isang prayle na,

“MAGING SI KRISTO’Y WALANG KASALANAN.”

Marahan siyang lumapit sa berdugong nakasuot na itim na taklob para di makilala. Sinabi ng berdugo sa kaniya,

“IPAGPATAWAD NIYO PO AKO PADRE DAHIL MAPAPATAY KO PO KAYO.”

Tumugon si Burgos ng,

“HUWAG KANG MAG-ALALA. PINAPATAWAD KITA, ANAK. GAWIN MO ANG IYONG RESPONSIBILIDAD.”

Marahan na inikot ng berdugo ang hawakan ng garote at napasipa ng mahina ang pari. Tinulak ng turnilyo ang spinal column ng nakaupo para mabilis mamatay at hindi masakal sa pagdurusa ang papatayin.

Matapos ang paggarrote, nagkaroon ng nakakabinging katahimikan. Nagsiluhuran ang mga tao at nagdasal. Ang iba’y umiyak kasama na rito ang isang estudyante ni Burgos na si Paciano Rizal. Nagtago ang mga Espanyol sa mga pader ng Intramuros sa takot na baka may mangyaring pag-aalsa. Pinatunog ang mga kampana ng Katedral ng Maynila.

Idinala ang mga labi ng mga pari sa Cementerio de Paco at inilibing ng walang tanda. Pero hindi nailibing ang mga kaisipan at labang pinaglalaban ng tatlo. Bagkus, ito ay naging binhi ng isang halamang lalago sa loob ng ilang taon, ang rebolusyon.

Nga pala, baka nagtataka kayo. Sino ang mag-aaral na nagsimula ng political rally noong 1869 na siya ring tinuruan ni Padre Burgos? Walang iba kundi si Felipe Buencamino.

Sources:

Chua, Michael Charleston. Ang Paggarote sa Tatlong Paring GOMBURZA. Retrieved from https://goo.gl/pkeH7V.

Chua, Michael Charleston. Sino si Padre Burgos? Retrieved from https://goo.gl/YuNqxL.

Joaquin, Nick. A Question of Heroes. Anvil Publishing. 2005. pp. 1-23

FilipiKnow. 13 Most Famous Last Words in Philippine History. Retrieved from https://goo.gl/SaBzqz.

Ocampo, Ambeth. The Incredible Father Burgos. Retrieved from https://goo.gl/GectWm.

Ocampo, Ambeth. Looking Back 3: Death by Garrote. Anvil Publishing. 2010. pp. 1-8

Quirino, Carlos. A Checklist of Documents on Gomburza from the Archdiocesan Archives of Manila. Philippine Studies Vol. 21, No. 1-2. 1973. pp. 19-84

Featured Image: Father Jose A. Burgos.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s