ARTIKULO DISIOTSO: Wala Ba Kayong Mga Kamay feat. Francisco Balagtas

“All the world’s a stage and all the men and women merely players”

-William Shakespeare

Bago pa sumulat sina Laong Laan, L.O. Crame, Quijano de Manila at Marcelo Santos III, nauna nang taong sumulat ang isang Pilipinong may buong pagmamahal sa bayan na may kasama pang hugot. Akala ko mga manunulat lang ngayon ang may hugot, hindi pala! Itatampok natin ngayon ang buhay ni Francisco Balagtas.

Pinanganak sa Bigaa (ngayo’y Balagtas), Bulakan si Francisco Balagtas noong Abril 2, 1788. Ang tatay niya ay ang panday na si Juan Balagtas at si Juana dela Cruz. Bunso sa apat na magkakapatid si Kiko. Nag-aral siya muna sa Bigaa at sa edad na labing-isa ay lumipat sa Tondo, naging katulong sa kaniyang tiya. Napansin ng tiya niyang si Donya Trinidad ang literary talent ni Kiko kaya pinag-aral niya ito sa Letran at sa Colegio de San Jose kung saan nagtapos siya sa teolohiya, pilosopiya, humanities at canon law noong 1812.

Masasabing suwerte rin sa edukasyon si Balagtas tulad ni Mabini. Naging guro niya sa Letran si Padre Mariano Pilapil, isang manunulat at sumulat noon ng Pasiong Pilapil. Naging guro rin niya ang isa sa pinakamagaling na manunulat noong panahon ng mga Espanyol, si Jose dela Cruz.

Si Jose de la Cruz ay kilala rin sa pangalang Huseng Sisiw dahil tumatanggap siya ng sisiw bilang bayad sa kaniyang serbisyo. Palibhasa’y mahilig siyang kumain ng mga batang hayop kaya sisiw at piglets lang ang kinakain niya. Sinasabi rin ng iba na sabungero at mahilig sa pag-aalaga ng mga manok na panabong si Huseng Sisiw kaya yun ang tinatanggap niyang bayad. Mahirap din lang si Balagtas noon at walang naibigay isang beses, sinumpa niya na pag siya ay nagturo ay hindi siya maniningil ng kahit na ano. Kalaunan, naturuan pa rin siya ni Huseng Sisiw at tinulak siya nito para lalo niyang galingan.

Gaano ba kagaling si de la Cruz kaya doon nagpaturo si Balagtas? Kayang gumawa ni Huseng Sisiw ng isang play sa loob ng isang gabi lang at ituro ang script sa mga gaganap. Kaya niya ring magbigay ng tula sa limang iba’t ibang manunulat ng sabay-sabay. Pati on-the-spot na mga tula’y kaya niya rin gawin. Paano kaya kung nabuhay si Huseng Sisiw ngayon? Siya na ba ang maghahari sa fliptop?

Noong 1836, lumipat si Kiko sa Pandacan at nakilala si Maria Asuncion Rivera. Siya ang “Selya” at ang “M.A.R.” sa Florante at Laura, for short, si Selya ang inspirasyon ni Balagtas. Kaso may edad na si Kiko, 47 na siya noon at naging karibal pa ang cacique ng Pandacan na si Mariano Capule. Gamit ang yaman at kapangyarihan ni Capule, pinakulong niya si Kiko at pinakasalan si Rivera. Kawawang Kiko.

Sa loob ng piitan, doon niya sinulat ang maalamat na awit na pinamagatang Florante at Laura. Punong-puno ng hugot, sakit, hinanakit, pagkabigo sa pag-ibig, asar pa sa kapangyarihan ng caciqueng si Capule, ibinuhos niya ang lahat sa Florante at Laura. Inialay niya ito kay Rivera at nang makalaya ay ipinalimbag niya ito noong 1838.

Nang taon ring iyon, nadestino siya sa Udyong (Orion), Bataan para maging kleriko. Dito niya rin nakilala si Juana Tiambeng na papakasalan niya noong 1842, 54 si Balagtas at 31 si Tiambeng. Ang nagkasal sa kanila ay si Padre Cayetano Arellano, tiyo ng kauna-unahang justice ng Supreme Court na si Cayetano Arellano. Nagkaroon sila ng labing-isa anak pero pito lang ang umabot sa wastong gulang. Sa Orion, dito siya sumama sa mga lihim na kilusan ng mga rebelde.

Ngayon, sagutin natin ang isang mahalagang katanungan, Francisco Balagtas o Francisco Baltazar?

Noong Nobyembre 1849, ipinagutos ni Gobernador Heneral Narciso Claveria y Zaldua na magkaroon ng apelido ang mga indio mula sa isang listahan ng mga Hispanic at katutubong apelido tulad ng Macapagal, Santos, Garcia, Jose, Mercado at Aguinaldo. Ang mga Tsino naman ay pinabayaang gamitin ang kanilang apelido, ang iba ay pinagsama ang kanilang pangalan tulad ng Cojuangco. Sa ibang lugar, imbis na kopyahin ng mga eskriba ang Catalogo, pinunit ng iba ang pahina ng listahan kaya sa ilang bayan sa bansa ay pare-parehas na iisang letra ang apelido ng mga tao tulad ng letrang ‘F’ sa distrito ng Sibale at mga bayan ng Calatrava at Odiongan sa Romblon.

Pinili ni Balagtas ang Baltazar at ang kaniyang pangalan ay naging Franco Narvaez Baltazar. Baltazar na ang ginamit na apelido ng kaniyang mga anak. Kaya kung tutuusin, mali ang pangalang Francisco Baltazar. Kung Baltazar ang apelido na gagamitin mo, tawagin mo siyang Franco, hindi Francisco.

Taong 1856, naging tinyente mayor siya sa Bataan kaso nakulong ulit nang maparatanganang siya ang nag-utos na kalbuhin ang babaeng katulong ng isang mayamang pamilya. Nakulong siya sa loob ng apat na taon at pagkatapos nito’y nagpatuloy siya sa pagsusulat hanggang namatay siya noong Pebrero 20, 1862.

Bago siya namatay, kinausap niya ang kaniyang asawa’t naghabilin na

“Huwag mong hahayaan na maging makata ang alinman sa ating mga anak. Mabuti pang putulin mo ang mga kamay nila kaysa gawin nilang bokasyon ang paggawa ng tula.”

Naiwan ang kaniyang mga akda sa kaniyang pamilya. Sa kasawiang palad, ang karamihan sa mga akda ni Balagtas ay di nakaligtas sa sunog sa Orion noong 1892.

“All the world’s a stage and all the men and women merely players”

Oo, maituturing na isang teatro ang mundo at si Balagtas ay isang aktor – isang aktor na naunang nagdala ng gasolinang magsisimula ng apoy para sa isang napakalaking pagtitipon ng 1896. Nararapat na palakpakan ang aktor na ito. Wala ba kayong mga kamay?

Sources:

Chua, Michael Charleston. Francisco Balagtas. Retrieved from https://goo.gl/orNZAg.

National Registry of National Historical Commission of the Philippines Marker. Francisco “Balagtas” Baltazar. Retrieved from https://goo.gl/sQooaB.

Almario, Virgilio. Balagtas or Baltazar? Essay from Kasaysayan: The Story of the Filipino People, Volume 4. Asia Publishing Company Limited. 1998. pp. 190-191.

Featured Image: Francisco Balagtas.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s