ARTIKULO BENTE DOS: Should Have Been, Could Have Been, Would Have Been feat. Pedro A. Paterno

Kilalanin ngayon natin ang isang sa pinakaunang balimbing sa kasaysayan ng bansa. Siyasatin natin ang buhay ni Pedro Alejandro Paterno kung bakit “should have been, could have been, would have been” siya o, for short, nakakapanghinayang.

Pinanganak si Pedro Alejandro Paterno y de Vera Ignacio noong Pebrero 1857 sa Sta. Cruz, Maynila. Isa siya sa labingtatlong anak ng nakakariwasang pamilya nina Don Maximo Paterno at Donya Carmen de Vera Ignacio. Si Don Maximo ay isa sa mga liberal na ipinatapon sa Guam dahil sa akusasyong kasabwat siya sa pag-aalsa sa Cavite noong 1872.

Nag-aral si Paterno sa Ateneo de Manila ng Bachiller en Artes. Sa edad na 14, pinadala siya sa Espanya upang doon ipagpatuloy ang pag-aaral. Nag-aral siya sa Universidad ng Salamanca kung saan kinuha niya ang Pilosopiya at Teolohiya. Kumuha rin siya ng abogasya noong 1880 sa Universidad Central de Madrid.

Noong panahon ring iyon, inilimbag niya ang unang koleksyon ng mga tula sa wikang Espanyol na gawa ng isang Pilipino, ang “Sampaguitas”. Matapos ang limang taon naman, inilathala niya ang unang nobelang gawa ng isang Pinoy, ang “Ninay” (1885). Naging kasapi siya ng Kilusang Propaganda at noong 1882, napagtagumapayan niyang maalis ang monopolyo ng tabako sa Pilipinas. Siya din ang kauna-unahang Pilipinong sumulat ng opera sa wikang Pilipino, ang “Sandugong Panaginip”.

Noong Disyembre 1896, sa paglilitis kay Dr. Rizal, idinawit si Paterno sa Katipunan dahil parehas silang sumulat ni Dr. Rizal ukol sa buhay ng mga Pilipino bago dumating ang mga Espanyol. Sumulat kasi si Paterno noon ng isang librong pinamagatang “Antigua Civilizacion”. Kaso, walang gumawa ng mosyon laban sa kaniya dahil ang mga opisyales – sibil man o militar, ay koneksyon ni Paterno. Kung makulong man siya, mabilis siyang mapapawalang sala! At isa pa, pinarangalan siya ng Order of Isabella the Catholic noong 1893. Bilang pag-iingat, hindi na rin siya nakialam sa Katipunan.

Noong 1897 naman, noong paatras na ang puwersa ni Aguinaldo papuntang Biak-na-Bato, lumapit si Paterno sa Gobernador Heneral Fernando Primo de Rivera na nakilala niya pa noon sa Espanya. Gusto niya maging tagapamagitan sa pamahalaan at sa mga rebolusyonaryo. Tandaan natin na andoon siya noon sa Espanya, para sa reporma, hindi para sa independecia. Ngayon, dahil sa paniniwala ng mga Espanyol na kaya ni Paternong pasukuin ang puwersa ni Aguinaldo, tinanggap ni Primo de Rivera ang alok ni Paterno. Umalis si Paterno sa Maynila noong Agosto 4, 1897 at nakadaupang palad niya si Miong noong Agosto 9.

Sa loob ng ilang buwan, nagpabalik-balik si Paterno sa Maynila at Biak-Na-Bato. PKaso noong Nobyembre 1897, namatay ang asawa niyang si Luisa ngunit itinuloy niya ang pag-aasikaso ng mga negosasyon. Nilagdaan ang Kasunduan ng Biak-na-Bato noong Disyembre 14, 1897 sa bahay ng isang kapitan ng hukbo ni Gregorio del Pilar na si Pablo Tecson na siya ring huling bumoto para sa paghihiwalay ng simbahan at estado sa Kongreso ng Malolos.

Ang mga probisyon ng kasunduang ito ay ang mga sumusunod:

1. Ipapatapon ang mga lider sa kahit anong bansa (pinili nila Hong Kong)

2. Magbabayad ng 800,00 Mexican Dollars in three gives ang Espanya: 400,00 kapag umalis sila Aguinaldo; 200,000 kapag umabot sa 800 na armas ang isusuko; 200,000 kapag umabot sa 1,000 na armas ang isusuko at pagpapatugtog ng Te Deum sa Katedral ng Maynila bilang simbolo ng kapayapaan.

3. Magbibigay ng 900,000 piso para sa mga sibilyang nadamay ng digmaan.

Anong nangyari sa Kasunduan? Matapos umalis nina Aguinaldo at dalawampu’t limang opisyales, binigay sa kanila ang 400,000 Mexican dollars. Binigay rin ang 200,00 sa mga rebolusyonaryong naiwan. Hindi naibigay ang natitirang 200,000 at 90,000. Pinambili ng mga armas ang perang natanggap nina Aguinaldo. Hindi natuluyang nagkasundo ang dalawang panig.

At si Paterno? Umalis siya pa Hong Kong, bumalik agad noong Enero at ilan sa mga nakatanggap ng 200,000. Ito ang breakdown, ayon sa History ni Lourd de Vera.

Lucas Camerino – 3,000

Emiliano Riego de Dios – 7,000

Ambrosio Moxica – 5,000

Francisco Makabulos – 13,000

Miguel Malvar – 8,000

Artemio Ricarte – 6,640

Paciano Rizal – 445

Iba pa – 20-500.

Kay Paterno? 89,500!

Hindi lang iyon. Gusto niya hirangin bilang Duke ng Maynila, ang kapatid niya bilang Konde, gawin siyang senador sa Espanya at bayaran pa ulit siya. Nang dumating ang mga Amerikano, sinabihan niya ang mga rebolusyonaryo na protektahan ang mga Espanyol. Hindi siya pinakinggan ng mga rebolusyonaryo. Nang tuluyang matalo ang mga Espanyol, bigla siyang umanib kay Aguinaldo. Nagpalakas siya at ginamit ang impluwensiya upang maging presidente ng Kongreso ng Malolos, Setyembre 1898. Naging punong ministro matapos magresign ni Mabini.

Bakit nagresign si Mabini? Di ba sabi’y may spark at first sight sila Mabini at Aguinaldo? Ipinakalat ang chismis ng ilang miyembro ng gabinete na syphilis at hindi polio ang sakit ni Mabini, isang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Kinuwestiyon rin nila Paterno ang kakayahan ni Mabini maging punong ministro dahil sa kapansanan nito. Nagresign si Mabini sa badtrip.

‘Di nagtagal, nahuli ng mga Kano si Paterno noong Abril 1900 sa Benguet. Nagsagawa ng dalawang araw na piyesta si Paterno kung saan inimbita niya si Heneral Arthur MacArthur at ilang miyembro ng Komisyong Taft. Nabadtrip ang mga Kano sa mga larawan ni Miong, pinakumpiska nila ito. Tuluyan nang lumipat ng bakod si Paterno.

Isa siya sa nagtatag ng Partido Federalista na ninais gawing estado ng US ang Pilipinas. Naging patnugot rin siya ng La Patria kung saan sinuportahan niya ang mga Kano at nagpasalamat sa mga Espanyol. Di nagtagal nahalal si Paterno bilang representado ng unang distrito ng Laguna para sa Unang Assemblea noong Oktubre 16, 1907.

Tulad ni Mabini, namatay din si Paterno sa kolera noong Marso 11, 1911. Sayang itong henyong ito. Kung ginamit niya lang sana ang kaniyang talino sa tama, marahil hindi siya makikilala bilang pinakaunang balimbing sa kasaysayan ng bansa.

Sources:

Aguinaldo, Emilio F. True Version of the Philippine Revolution. 1899.

Batungbakal, Luisito. Inside the “Royal” Life of Philippine History’s Ultimate “Balimbing”. Retrieved from https://goo.gl/yjWnDo.

Batungbakal, Luisito. 10 Infamous Traitors in Philippine History. Retrieved from https://goo.gl/xeFWyI.

History With Lourd. Kasunduan sa Biak-Na-Bato. Retrieved from https://goo.gl/ZUMmq3.

Guillermo, Artemio R. Historical Dictionary of the Philippines, Second Edition. Scarecrow Press, Inc. 2005. pp. 301-302.

National Historical Commission of the Philippines. The Malolos Congress. 2010. pp. 15-16, 19, 41

Tucker, Spencer C. The Encyclopedia of Spanish-American and Philippine-American Wars: a political, social and military history. Volume 1. ABC-CLIO, LLC. pp. 465.

Featured Image: “Duke” Pedro Paterno.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s