ARTIKULO TRENTA: Ano Ba Talaga, Koya? feat. Pio Valenzuela

Magandang umaga! Kaway-kaway naman sa mga mamamayan ng Valenzuela City. Ang inyong unang alkalde sa panahon ng mga Amerikano ang itatampok natin ngayon.

Si Doktor Pio Valenzuela y Alejandrino ay anak ng nakaririwasang pamilya nila Capitan Mayor Francisco Valenzuela at Lorenza Alejandrino. Ipinanganak siya noong Hulyo 11, 1869 sa Polo, Bulacan (ngayo’y Barangay Polo, Valenzuela). Lumaki siya at natuto sa isang private tutor. Pagkatapos nito, nagtungo siya sa Maynila at nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran. Noong 1888 naman, nag-aral siya sa USTe at nakuha ang kaniyang Lincenciado en Medicina noong 1895.

Noong Hulyo 1892, habang nag-aaral ng medisina, sumapi siya sa Katipunan sa edad na 23. Naging BFF sila ni Andres Bonifacio at bilang tanda ng pagkakaibigan, kinuhang ninong si Doktor Valenzuela para sa panganay nina Andres at Gregoria de Jesus. Noong nasunog naman ang bahay nila Andres, nakitira sila sa bahay ni Pio.

Naging malaki ang kaniyang papel sa Katipunan at humawak siya ng iba’t ibang mahahalagang posisyon. Noong Enero 1895, bago pa siya magtapos, hinalal na siya bilang doktor ng Katipunan. Noong Disyembre 1895 naman, nahalal si Pio bilang piskal ng Katipunan. Nanumpa sila noong Enero 1896 sa bahay ni Bonifacio at kinuha niya ang palayaw na “Dimas Ayaran” (habang si Bonifacio “Maypagasa”, si Jacinto “Pingkian”). Naging bahagi si Pio ng camara secrata o tatlong pinakamataas na pinuno ng Katipunan – kasama nila Bonifacio at Jacinto.

Habang nasa puwesto, hinikayat ni Pio na magkaroon ng dyaryo ang Katipunan, ang “Kalayaan”. Si Jacinto ang naging punong patnugot at si Pio ang tagapaglathala. Nagsulat rin siya roon at nagtago sa pangalang “Madlang-Away” (habang “Dimasilaw” si Jacinto at “Agapito Bagumbayan” si Bonifacio). Dahil sa diyaryong ito, lumobo ang bilang ng mga Katipunero mula 300, naging 3,000. Power! Para ma-divert ng Kalayaan ang atensyon ng mga Espanyol, nilagay nila doon patnugot si Marcelo H. Del Pilar at ang lokasyon ng palimbagan ay sa Yokohama, Japan.

Noong Mayo 1, 1896, nagpatawag ng pagpupulong si Andres Bonifacio sa Barrio Ugong sa Pasig. Suhestiyon ni Valenzuela na mangalap sila ng pondo at bumili ng bala at armas sa Japan. Pumayag ang konseho sa isang kundisyon – kailangang sang-ayunan ito ni Dr. Jose Rizal. Dahil siya ang isa sa mga edukado at nakakaangat na miyembro ng Katipunan, si Valenzuela ang ipinadala ni “Supremo” Andres Bonifacio sa Dapitan upang hikayatin si Rizal tungkol sa rebolusyon. Kasama ang isang bulag na si Raymundo Mata (Mata tapos bulag, ayos!) para hindi makahalata, nagtungo sila sa Dapitan kung saan nakausap niya si Rizal. Ang sabi ni Rizal,

“Hindi pa kayo handa, kumalap muna kayo ng mga armas at kunin ang suporta ng mga mayayaman.”

Kausapin din daw nila si Antonio Luna dahil maraming kilalang mayaman sa bansa. Kapag kulang ang kanilang armas at hindi susuporta ang mga mayayaman, isusumbong lang nila ang mga Katipunero sa mga Espanyol kaya dapat gawin silang neutral o walang papanigan. Umuwing empty handed si Pio.

Nang nalaman ito ni Supremo, na-stress ito at napamura! Hindi rin pumayag ang mga mayayaman pati si Luna. Nang kumalat din ang balita na ayaw ni Rizal, kinansela ng iba ang pagbibigay pondo sa Katipunan. Karamihan sa kanila’y nagbantang isusumbong ang Katipunan. Tapos, dahil sa isang away, isiniwalat ni Teodoro Patino sa kapatid niyang madre na si Honoria ang tungkol sa Katipunan at sinabi niya ito kay Sor Teresa de Jesus. Pinaamin siya kay Padre Mariano Gil. Natakot sa impyerno naman itong si Teodoro Patino at umamin din kay Padre Mariano Gil. The secret is out.

Kailangan i-neutralize ang mga mayayaman. Kaya’t bago pa man i-raid ng mga guardia civil ang imprentahan ng “Diario de Manila” kung saan nagtatrabaho si Patino, iniwan nila Bonifacio at Jacinto ang listahan ng mga mayayamang ayaw sumapi sa Katipunan.

Samantala, si Pio Valenzuela ay tiniktikan diumano ng mga guardia civil. Sinasabing kinailangan niyang sumuko noong Setyembre 1, 1896 para ‘di madawit ang mga kasama. Ipiniit siya sa Fuerza de Santiago at ginawa siyang saksi laban kay Dr. Jose Rizal noong nililitis ito. Ngunit noong nasa korte na, sinabi niyang kinokondena ni Rizal ang rebolusyon. Hindi handa sa rebolusyon o ayaw talaga sa rebolusyon ni Rizal? Ano ba talaga koya? Ayon kay Floro Quibuyen, gustong iligtas ni Valenzuela si Rizal.

Ipinatapon si Valenzuela at ikinulong sa Madrid, sa Barcelona pati sa Africa sa loob ng tatlong taon. Nang magbalik naman siya sa Maynila noong Abril 1899, dinenounce niya ang mga Amerikanong militar na namumuno sa Pilipinas. Pinakulong siya ng mga Amerikano noong Setyembre ng taon ding yoon. Dumating ang eleksyon at hinalal ng mga taga-Polo bilang capitan municipal si Pio kahit nakakulong. Nanalo si Valenzuela at kinailangan siyang pakawalan ng mga kinauukulan (parang kaso lang ni Senador Antonio Trillanes).

Nanungkulan siya bilang capitan municipal mula 1902 hanggang 1919. Noong 1919 naman, nahalal siya bilang gobernador ng Bulacan at natapos ang termino noong 1925 matapos ang dalawang termino. Ayon kay Propesor Xiao Chua, matapat si Valenzuela at hindi nagpayaman sa puwesto. Binenta niya ang kaniyang lupa at tumangging magpasuhol sa mga naghu-jueteng – matatag laban sa korap.

Sinulat niya ang kaniyang mga gunita ng rebolusyon matapos magretiro sa pulitika. Naglingkod din siya ng libre bilang doktor. Napangasawa niya si Marciana Castro at nagkaroon ng pitong anak. Namatay siya noong Abril 6, 1956. Bilang parangal, ipinangalan sa kaniya ang bayan kung saan siya pinanganak.

May iniwang problema nga lang sa atin itong si Pio Valenzuela. Siya kasi ang isa sa mga dahilan kung bakit madaming marker ang Sigaw sa … Pugad Lawin? Balintawak? Kangkong? Bahay Toro? Pasong Tamo? Pugad Baboy?

Sa panayam ng mga Espanyol kay Valenzuela noong Setyembre 1896, nangyari daw ang pagpupulong noong Agosto 23-25 sa Balintawak. Noong 1911 naman, ang sabi ni Valenzuela, nagkaroon daw ng pagpupulong noong Agosto 22. Ang pagpupunit naman ng sedula ay nangyari noong Agosto 23 sa bahay ni Apolonio Samson sa Balintawak. Mula 1928 hanggang 1940, pinanindigan ni Valenzuela na nagpunitan ng sedula noong Agosto 24 sa bahay ni Melchora Aquino (Tandang Sora) sa Pugad Lawin na ngayon ay malapit sa Pasong Tamo.

Noong 1935, sila Pio Valenzuela, Briccio Pantas at Pacheco ay nagsabing hindi sa Balintawak nangyari ang unang sigaw ng himagsikan kundi sa Pugad Lawin. Noong panahon na yun kasi, naglagay ng bantayog sa Balintawak. Ang bantayog na ito ay matatagpuan ngayon sa harapan ng Vinzons Hall sa UP. Makalipas ang limang taon, noong 1940, tinukoy ng Philippine Historical Committee (National Historical Commission ngayon), kung saan kasama si Pio, ang eksaktong lokasyon ng unang sigaw. Doon daw sa Sitio Gulod, Banlat, Kalookan sa bahay ni Tandang Sora. Makalipas ang halos dalawpung taon, ginamit noong 1964 at 1978 ang mga statement ni Pio na ang unang sigaw daw ay sa bahay ni Juan Ramos (anak ni Tandang Sora) noong Agosto 23.

Bumawi pa ulit si Pio. Hindi ba’t sabi niya noong paglilitis ni Rizal noong 1896 ay tutol sa rebolusyon si Rizal? Noong nakapanayam siya historyador na si Teodoro Agoncillo, pabor daw si Rizal sa rebolusyon basta masunod ang mga kailangang gawin.

Ano ba talaga? Imbis na makatulong sa paglilinaw ay tila lalong pinalabo ni Valenzuela ang mga katotohanang dapat alamin sa ating kasaysayan. Pero gayunpaman, hindi malabo sa atin ang kabayanihan ni Pio Valenzuela – isang makabayan. Tao rin. Tulad mo. Tulad ko. Hindi perpekto. Nagkakamali rin.

Sources:

Balsamo, Jonathan. Dimasayaran: Si Dr. Pio Valenzuela sa Mata ng Kasaysayan. Retrieved from https://goo.gl/THZzYU.

Chua, Michael Charleston. Papel ni Pio Valenzuela sa Katipunan. Retrieved from https://goo.gl/VouK0V.

Guerrero, Milagros C., et. al. In Focus: Balintawak: The Cry for a Nationwide Revolution. Retrieved from https://goo.gl/INwVSs.

Guillermo, Artemio R. Historical Dictionary of the Philippines, Second Edition. Scarecrow Press, Inc. 2005. pp. 425-426.

Quirino, Carlos. Who’s Who in Philippine History. Manila. Tahanan Books, 1995.

Featured Image: Capitan Municipal Pio Valenzuela in the middle. Photo taken from XioaChua.net.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s