ARTIKULO TRENTA Y UNO: Deal or No Deal feat. Jose P. Laurel

Ikatlong pangulo ng Pilipinas si President Jose P. Laurel. Isa ba talaga siyang puppet na sumusunod sa mga utos ng mga Hapon? Taksil o tapat? Kakampi o kaaway? Makabayan o MAKAPILI?

Ipinanganak si Jose Paciano Laurel y Garcia noong Marso 9, 1891 sa Tanuan, Batangas sa mag-asawang Sotero Laurel Sr. at Jacoba Garcia. Ang kaniyang ay isang opisyal sa pamahalaan ni Pangulong Emilio Aguinaldo at pumirma sa Konstitusyon ng Malolos. Nagtapos siya ng sekundarya noong 1911 at pinakasalan ang isang magandang dilag na nagngangalang Paciencia Hidalgo at, di nagtagal, nabiyayaan sila ng siyam na anak.

Nagtapos siya ng abogasya sa UP College of Law noong 1915. Nagpakadalubhasa pa siya sa pagbabatas at nakuha ang masteral sa pagbabatas noong 1919 sa Escuela de Derecho (ngayo’y Manila Law College). Naging doktor rin siya ng pilosopiya sa USTe noong 1936. Habang nag-aaral, naging mensahero siya ng Bureau of Forestry at naging clerk sa Code Committee. Nang sumunod na taon, nakuha niya ang doctor of Civil Laws sa Yale University. Umuwi siya sa Pilipinas pagkatapos nito.

Naging undersecretary siya ng ngayo’y DILG at naging kalihim nito noong 1922. Doon, madalas niyang nakabangga si Gobernador Heneral Leonard Wood at pagkalipas ng isang taon, nag-resign si Laurel kasama ang ilang miyembro ng gabinete dahil sa kontrobersiyal na kaso ni Ray Conley. Nakilala siya ng mga mamamayan bilang isang makabayan kaya’t nahalal siya sa senado noong 1925. Kumandidato muli siya noong 1931 kaso natalo ni Claro M. Recto.

Retirado na siya noon sa pulitika nang mahalal bilang delegado ng 1935 Constitutional Convention na siyang bubuo sa konstitusyon ng Commonwealth. Siya ay naging bahagi ng orihinal na “Seven Wise Men”, isang sub-committee na binuo para gumawa ng burador ng konstitusyon noong Oktubre 8, 1934. Kasama niya rito sila Filemon Sotto, Manuel Roxas, Norberto Romualdez, Manuel Briones, Miguel Cuaderno at Vicente Singson Encarnacion. Kalaunan, pinalitan si Laurel ni Condrado Benitez. Ang mahalagang ambag ni Laurel sa Konstitusyon ng 1935 ay ang paggawa ng probisyon sa ating mga karapatan.

Matapos maratipika at maitatag ang Komonwelt, naging Associate Justice sa Supreme Court si Laurel noong Pebrero 29, 1936. Siya ang isa sa mga pinakamahalagang huwes nito at humawak siya ng ilang kaso ukol sa saklaw at kapangyarihan ng tatlong sangay ng pamahalaan.

Isang beses noong 1940, mayroong nagsampa ng reklamo para kontrahin ang regulasyong ipagbawal ang ilang kalesa sa ilang lansangan ng Maynila kapag hapon dahil sa pinapaayos na Colgante Bridge. Ang hukuman ay nagpasyang ang kapulisan ang hahawak sa regulasyong ito at ang regulasyon ay hindi lumabag sa katarungang panlipunan. Mahalaga ang kasong ito dahil ito ang naging signature quote ni Laurel ukol sa kahulugan ng katarungang panlipunan.

Social justice is neither communism, nor despotism, nor atomism, nor anarchy, but the humanization of laws and the equalization of social and economic forces by the State so that justice in its rational and objectively secular conception may at least be approximated. Social justice means the promotion of the welfare of all the people, the adoption by the Government of measures calculated to insure economic stability of all the competent elements of society, through the maintenance of a proper economic and social equilibrium in the interrelations of the members of the community, constitutionally, through the adoption of measures legally justifiable, or extra-constitutionally, through the exercise of powers underlying the existence of all governments on the time-honored principle of salus populi est suprema lex. Social justice, therefore, must be founded on the recognition of the necessity of interdependence among divers and diverse units of a society and of the protection that should be equally and evenly extended to all groups as a combined force in our social and economic life, consistent with the fundamental and paramount objective of the state of promoting the health, comfort, and quiet of all persons, and of bringing about “the greatest good to the greatest number.

‘Di nagtagal, ginawang Kalihim ng Katarungan ni Pangulong Quezon ang magaling na huwes na si Laurel. Noong sumiklab ang World War II, tumakas si Pangulong Quezon sa Bataan at, di naglaon, sa Estados Unidos. Bago umalis, hinabilinan ni Quezon si Laurel na makipagtulungan sa mga Hapones para hindi lalong lumala ang sitwasyon ng mga Pilipino.

Bakit kaya si Laurel? Minsang nagkamit ng honorary degree si Laurel sa Tokyo University at ang anak niya noo’y ipinadala niya sa Imperial Japanese Army Academy sa Tokyo na itunuturing noon na “West Point ng Asya”. Isa pa hindi maka-Amerikano si Laurel at nalaman ng mga Hapones iyon.

Nang masakop ng mga Hapones bansa, ipinangako nila ang agarang kalayaan kapalit ng suporta ng mga Pilipino sa kanilang mga layunin. Itinatag ang Kapisanan ng Paglilingkod sa Bagong Pilipinas o KALIBAPI, ang nag-iisang partidong pulitikal nang panahon na iyon sinasabing maka-Hapones. Itinatag din ang Preparatory Commission for Philippine Independence o PCPI na ang layunin ay bumalangkas ng bagong konstitusyon na magiging haligi ng Ikalawang Republika. Si Laurel ang nahalal na pangulo ng Kumbensyong Konstitusyonal noong 1942.

Noong Hunyo 1943, binaril si Laurel sa Wack-Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong ng isang gerilya at dating boksingerong si Feliciano “Little Jo” Lizardo. Mahimalang nakaligtas si Laurel dahil isang pulgada na lamang ay sapul na siya sa puso. Nakatanggap siya ng maraming sulat at telegrama para magpagaling siya. Nagpadala pa ng bonsai si Hideki Tojo sa kanya.

Matapos ang tatlong buwan, noong Setyembre 1943, natapos konstitusyon na tila Xerox Copy daw ng 1935 Constitution. Ninais ng mga Hapones ilagay na pinagkaloob nila sa atin ang kalayaan at magkaroon ng military conscription kung saan ang mga Pinoy ay lalaban para sa mga Hapones laban sa mga ‘Kano. Nahalal si Laurel bilang pangulo ng bansa at umasa ang mga Hapones na magiging tuta ang kanilang nailuklok na pangulo sa kanilang mga kagustuhan. Nag-no deal si Pangulong Laurel sa military conscription at hindi rin siya pumayag na bigyan ng pasasalamat ang bansang Hapon sa preambulo ng konstitusyon. Nanindigan siyang hindi ito kailangan ng Pilipinas.

Di nagtagal, ipinadala si Presidente Laurel, Ispiker Benigno Aquino Sr. at outgoing chairman ng Executive Commission na si Jorge Vargas sa bansang Hapon para makausap ni Punong Ministro Hideki Tojo. Matapos ang ilang usapan, pinilit ni Tojo si Laurel na magdeklara ng giyera laban sa mga ‘Kano ngunit hindi pumayag si Laurel. Una, sinabi niyang hindi siya popular na lider kaya’t walang susunod sa kaniya ‘pag dineklara niya ito. Pangalawa, ‘di sisikmurahin ng mga Pilipino na magdeklara ng digmaan mula sa dating kaalyado. Hindi raw ito disente at tanging ang mga walang kwentang tao lang ang sumasaksak patalikod sa dating kakampi. Ikinagulat ito ng mga Hapones, kinabahan rin si Laurel pero pinabayaan silang umuwi ng Pilipinas.

Noong Oktubre 1943, itinatag ang Ikalawang Republika ngunit ang mga Hapones pa rin ang may hawak sa kapangyarihan kaya tinawag itong pamahalaang puppet. Ngunit sinasabing hindi isang puppet si Pangulong Laurel. Nagkaroon ng dalawang simpleng sitwasyon na nagpatunay nito. Una, nagpumilit ang ng mga Hapones na kapwa nila Hapones rin ang presidential guards kaso ‘di pumayag si Laurel at pinili ang mga kababayan niya upang maging kaniyang guwardiya. Ikalawang, binigyan siya ng isang Hapones na tagapayo ngunit tinanggihan niya ito at nagsabing…

I don’t need an adviser. I could be your adviser, Kihara, but you cannot be my adviser. You had better get out!

Ngayong pinaliligiran lamang ng mga Pilipino, nakipagpulong din minsan diumano si Laurel sa mga gerilya. Minsan, ang Kempeitai ay nagtungo sa Malacanang dala ang mga ebidensiya laban kay Manuel Roxas na patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga gerilya. Ang sabi pa ng mga Hapon, alam raw nilang nasa Malacanang si Roxas. Agarang ipinag-utos ni Pangulong Laurel na maghanda ang mga presidential guards at swinerte sila nang ‘di bumalik ang mga Hapon.

Hindi lang si Roxas ang iniligtas ni Laurel. Ginawa rin ng pangulo ang nararapat sa panahon niya. Nang nagkaroon ng kakulangan sa pagkain ang bansa, itinatag niya ng mga ahensya at naglunsad pa ng mga programa si Laurel para magkaroon ng pagkain sa bawat mesa ang mga Pilipino. Sa administrasyon niya rin unang ginamit ang wikang Filipino sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Ibinalak rin niya ang pagkakaroon ng mga pera sa wikang Filipino para palitan at mabalanse ang lugmok na ekonomiya ng bansa dahil sa walang halagang Mickey Mouse Money.

Nang simulan ng mga Amerikanong palayain ang mga Pilipinas sa mga Hapones, biglaang binomba ng mga Amerikano ang Maynila na kabalintunaan ng utos nilang gawing “Open City” ang lungsod tatlong taon na ang nakalipas. Nang dahil sa pagbobomba sa lungsod at karatig-bayan, hindi lang ang taumbayan ang nalugmok kundi pati na rin ang maraming artifact at mahahalagang kagamitan at gusali ng panahong iyon. Kasama na roon ang Pambansang Museo na sinasabing nagtataglay ng mga buto’t bolo diumano ni Supremo Andres Bonifacio, pati na ang mga obra ng mga dakilang pintor na sila Luna’t Hidalgo, at marami pang iba. Sayang!

Dahil sa pangangailangan ng panahon, nagdeklara ng batas militar si Laurel noong Setyembre 1944. Prinessure din siya ng mga Hapones na magdeklara ng digmaan sa US at Britanya. Naglabas siya ng “declaration in a state of war” at inakala ng mga Hapones na iisa lang ‘yon sa “declaration of war“. Ipinaalala niya pa na walang mangyayaring “military conscription“. Hanggang sa huli, hindi pa rin tuluyang nakiisa si Laurel sa kanila.

Nagdeklara ng “I have returned” si Heneral Douglas MacArthur noong Oktubre 20, 1944 at kasama niyang bumalik ang bagong pangulo ng Komonwelt na si Sergio Osmena at si Carlos P. Romulo. Samantalang, itinakas naman ng mga Hapones si Laurel sa Baguio para maging ligtas sa pambobomba sa Maynila. Ngunit binomba din ng mga Amerikano ang Baguio kaya’t dinala ng mga Hapones si Laurel sa Japan.

Nang tuluyang natalo ang Japan, pinakulong ni MacArthur si Laurel sa Sagumo Prison. Noong Hulyo 1946, inuwi siya sa Pilipinas at ikinulong sa Muntinlupa. Kinasuhan siya ng pagtataksil sa bayan at pinilit niya na siya ang dedepensa sa sarili niyang kaso. Noong Setyembre 1946, nagplead ng “not guilty” si Laurel at tumatak sa kasaysayan ang mga salitang..

I am neither pro-Japanese nor pro-American, I am pro-Filipino.

Ang Pangulo ng bansa na minsang nakianib sa pamahalaang puppet ay nagbigay ng amnestiya sa mga kolaborador ng digmaan kaya’t nakalaya si Laurel. Ang nagbigay ng amnestiya ay ang iniligtas niyang si Pangulong Manuel Roxas.

Pero ayon sa Korte Suprema, hindi naman nasakop ng mga Hapon ang buong Pilipinas. Dahil dito, hurisdiksyon pa rin ‘yon ng Komonwelt at hindi dapat palitan ito ng Ikalawang Republika. Ayon naman sa international court, kung sino man ang kumampi sa mga mananakop ay isang war criminal. History is written by the victors, ika nga.

Hindi natapos rito ang kaniyang pagsisilbi sa bayan. Tumakbo siya sa pagkapangulo sa halalan ng 1949 pero natalo kay Elpidio Quirino. Matapos ang dalawang taon, noong 1951, siya ang numero unong senador ng halalan. Sa termino niya, kasama si Claro M. Recto, inakda nila ang Rizal Law na naging dahilan kung bakit may Rizal na asignatura sa kolehiyo. Noong 1953, inanyayahan siyang tumakbo bilang presidente pero sinuportahan niya si Ramon Magsaysay. Nang manalo si Magsaysay, pinadala niya si Laurel sa US para mabago ang Bell Trade Act. Inuwi niya ang Laurel-Langley Agreement na pinawalang bisa ang Amerika sa pagkontrol sa halaga ng piso. Hindi na siya tumakbo sa halalan ng 1957. Nagpokus siya sa kaniyang itinatag na unibersidad noong 1952, ang Lyceum of the Philippines University hanggang sa binawian siya ng buhay noong Nobyembre 6, 1959 sa Maynila. Samantala, ang nagtangka sa kaniyang buhay na si “Little Jo” ay ginawa niyang kaniyang bodyguard hanggang pumanaw siya.

Bayani o Traydor? Kayo ang huhusga.

Sources:

Calalang vs. Williams, G.R. No. 47800, December 2, 1940, 70 Phil. 726. Retrieved from https://goo.gl/APUxHy.

InterAksyon.com. Today in History: Delegates to Con-con that drafted 1935 Constitution are elected. Retrieved from https://goo.gl/y40NMg.

Jose, Ricardo T. Volume Seven: The Japanese Occupation, Kasaysayan: The Story of the Filipino People. Asia Publishing Company Ltd. 1998.

Jose P. Laurel Memorial Foundation, Inc. Jose P. Laurel: Biographical Sketch. Retrieved from https://goo.gl/riqwNe.

Ocampo, Ambeth R. Bonifacio’s Bolo. Anvil Publishing, Pasig City. 1995. pp. 60-61.

Featured Image: President Jose P. Laurel from the National Museum.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s