ARTIKULO TRENTA Y DOS: I Choose You feat. Emilio Jacinto

Si Emilio Jacinto ay ipinanganak noong Disyembre 14, 1875 sa Trozo, Tondo, Maynila sa mag-asawang Mariano Jacinto at Josefa Dizon. Umpisa pa lang, dumating na agad ang isang senyas ng kamalasan nang pumanaw ang kaniyang ama ilang sandali lamang matapos siyang ipinanganak. Lumaki siyang matalino at naging mahusay sa wikang Espanyol at Tagalog. Mahirap lamang ang kanilang buhay nila kaya’t ang mga sinusuot na damit ni Emilio ay mga segunda manong damit na di pa natutubos sa prendahan (pawn shop). Dahil dito naging tampulan ng tukso si Emilio. Di nagtagal, ipinadala ng nanay niya si Emilio sa kapatid nitong si Don Jose Dizon.

Nag-aral si Jacinto sa isang pribadong elementarya school at nagtapos ng Bachiller en Artes sa Colegio de San Juan de Letran. Nang nag-aral ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas, naging kamag-aral niya ang tatlong taong nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kasaysayan ng Pilipinas: sina Pangulong Manuel L. Quezon, Pangulong Sergio R. Osmena at Senador Juan Sumulong. Kung nakakasabay si Emilio sa tatlong matalinong ito, magiging pangulo kaya o senador siya sa Pilipinas? Kaso hindi ito nangyari. Bakit?

Taong 1894 sa edad na 19, sumapi si Emilio Jacinto sa Kataastaasan Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK at kinilala sa alyas na Pingkian. Sa Katipunan napansin ni Supremo Andres Bonifacio ang galing ni Jacinto at parang isang pokemon na napili ni Bonifacio, ginawang kanang-kamay ng Supremo si Jacinto. Naging bahagi ng camara negra (black cabinet) ng Katipunan noong 1895 kung saan nahalal siya bilang piskal at kalihim.

Magaling na manunulat si Jacinto. Sila ni Pio Valenzuela ang nagtaguyod sa opisyal na lathalain ng Katipunan, ang “Kalayaan”. Dito siya nakilala sa alyas na “Dimasilaw” at sinulat ang Liwanag at Dilim. Siya rin ang sumulat ng Kartilya ng Katipunan. Kung tutuusin si Pareng Boni ay may nagawa ring Kartilya kaso noong nabasa niya ang gawa ni Jacinto, nagparaya siya.

Sumiklab ang himagsikan at naroon si Jacinto sa Sigaw sa Pugad Lawin. Kasama rin siya sa mga nabigong Katipunero na sumugod sa Polvorin, San Juan del Monte noong Agosto 30, 1896. Pagkatapos nito, sinubukan niyang magpanggap bilang isang Tsino sa isang barko para itakas si Rizal pero tinanggihan ito ni Pepe. Hindi umayon sa kanilang mga balak ang mga nangyari.

Nag-regroup sila sa Balara at noong Abril 15, 1897, itinalaga si Jacinto bilang pinunong hukbo ng hilaga ng Maynila. Wala pang isang buwan matapos nito, pinapatay si Bonifacio sa Maragondon pero pinagpatuloy pa rin ni Jacinto ang paglaban bilang isang miyembro ng Katipunan. Habang nasa labanan, sinulat niya ang kaniyang tulang pinamagatang A La Patria (Sa Aking Bayan) na inspired ng “Huling Paalam” ni Rizal, Oktubre 8, 1897.

Hindi siya umanib sa puwersa ni Emilio Aguinaldo at nang  nilagdaan ang kasunduan sa Biak-na-Bato, nagtago siya sa kabundukan ng Laguna at nagpatuloy pa rin sa paglaban sa mga Espanyol. Noong 1898, pinababa siya ni Apolinario Mabini, na noo’y adviser na ni Aguinaldo, sa kabundukan. Hindi siya pumayag.

Isang labanan sa Maimpis, Magdalena, Laguna noong 1899, nasagupa ng mga Katipunero at ni Jacinto ang mga sundalong Espanyol. Mortal na nasugatan si Jacinto sa hita at nahuli. Akala ng mga Espanyol na patay na si Jacinto kaya’t walang awa siyang binagsak sa isang puwesto na mayroon pa ring bakas ng kaniyang dugo.

Di nagtagal noong Abril 6, 1899 sa Sta. Cruz, Laguna, namatay sa sakit na malaria si Jacinto at naiwang buntis ang kaniyang kabiyak na si Catalina de Jesus, isang Kapampangan. Hindi sila kasal sa simbahan pero kasal sila sa Katipunan. Nakilala si Catalina na pamangkin ng isang miyembro ng Katipunan na may-ari ng bahay kung saan sila nagtipon. Kung si Emilio ay pinanganak at namatay ang tatay, mas kawawa ang anak niyang walang amang sumalubong sa kaniyang paglabas sa mundong ibabaw. Dakila ka ngang tunay, Emilio Jacinto, ang Utak ng Katipunan.

Sources:

Chua, Michael Charleston. Emilio Jacinto: Ang Tunay na Utak ng Himagsikan. Retrieved from https://goo.gl/41ZiMh.

Chua, Michael Charleston. Dokumento ng Pagkakatalaga kay Emilio Jacinto. Retrieved from https://goo.gl/mFUphV.

Santos, Jose P. Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto. 1935.

Featured Image: Monument of Emilio Jacinto. Photo taken fron Himlayang Pilipino Official Website.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s