ARTIKULO TRENTA Y TRES: Royals feat. Melchora Aquino

Si Melchora Aquino ay pinanganak noong Enero 6, 1812 sa Barrio Banlat, Kalookan (ngayo’y Banlat, Balintawak, Quezon City) sa isang mayamang magsasakang sila Juan Aquino at Valentina de Aquino. Hindi siya nakapag-aral pero natuto siyang bumasa at sumulat sa murang edad. Ginagalang siya sa kanilang pamayanan palibhasa’y maganda itong si “Batang” Sora. Maganda na, magaling pa kumanta! Madalas siyang iniimbita para mamuno ng mga pabasa hindi lang sa kanilang lugar pati na rin sa karatig nayon. Maganda, mabait, relihiyoso… Kahangahangang binibini.

Dahil maganda si Batang Sora, lagi siyang pinipiling mag-Reyna Elena sa mga Santacruzan. Napakarami ng kaniyang mga manliligaw pero isa lang ang matatag at nagsumikap ng husto para kunin ang kaniyang kamay, si Fulgencio Ramos. Di nagtagal, naging cabeza de barangay si Fulgencio at kinilala na si Melchora bilang Kabesang Melchora. Binayayaan sila ng anim na anak – sila Juan, Simon, Estefania, Saturnino, Romualdo at Juana.

Noong pitong taong gulang pa lang ang bunsong si Juana, namatay si Fulgencio. Naging single parent si Sora at ipinagpatuloy ang kanilang negosyo’t mga bukirin. Itinuloy niya rin ang pagiging hermana mayor at naging aktibo sa pakikipagdiwang ng pista, binyag at kasal. All-around talaga si Kabesang Melchora, napag-aral niya ang lahat ng kaniyang mga anak.

Dumating ang 1890s at sumali ang kaniyang anak na si Juan Ramos sa Katipunan. Nagtitipon ang mga Katipunero sa bahay niya at binansagan siyang “Tandang Sora” ng mga ito. Sa bahay niya rin nangyari ang unang sigaw ng rebolusyon noong Agosto 1896. Gaano nga pala katanda si Tandang Sora noong 1896? 84 years old… Hindi naging hadlang ang kanyang edad para makatulong siya sa mga kababayang nagnanais ng kasarinlan.

Noong nadiskubre ang Katipunan, sa kaniyang tahanan nagtago ang ilan sa mga rebolusyonaryo. Matapos ang mga labanan, dito rin ginagamot ang mga nasugatan. Di siya nag-atubiling punan ang pangangailangan ng mga kabaro. Nagbigay rin siya ng ilang mga payo at pinagdasal ang ilang Katipunero para magboost ang kanilang morale nila. Itinuring niyang anak ang mga anak ng bayan kaya’t siya kinilala bilang “Ina ng Balintawak” o “Ina ng Katipunan”.

Noong Agosto 29, 1896, nahuli ng mga guwardiya sibil si Tandang Sora at unang ipiniit sa bahay ng cabeza de barangay ng Pasong Putik, Novaliches. Kinabukasan, nilipat siya sa Lumang Bilibid kung saan inusisa siya ng mga Espanyol pero hindi siya nagsalita ukol sa Katipunan at sa mga Katipunero. Ipinatapon siya sa Guam sa utos ni Gobernador Heneral Ramon Blanco noong Setyembre 2, 1896.

Sa loob ng pitong taon, kasama rin niya roon ang ilang Pilipinong hindi sumuko sa mga Espanyol at Amerikano. Noong Pebrero 26, 1903, pinauwi na siya ng mga Amerikano kasama ang 76 na rebolusyonaryo na kinabibilangan nila Apolinario Mabini at Artemio Ricarte lulan ang SS Uranus. Nang siya ay nakauwi sa Banlat, sinalubong siya ng kaniyang mga kapamilya at mga kababayan. Siya noon ay 91 years old.

Sa Banlat siya namalagi sa mga huling taon ng kaniyang buhay. Minsa’y inalok siya ng mga Amerikano ng pera bilang ganti sa kaniyang mga naging kontribusyon sa rebolusyon ngunit tinanggihan niya ito. Namayapa si Tandang Sora sa bahay ng anak niyang si Saturnina sa Banlat noong Pebrero 20, 1919.

Inilibing siya sa Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Cementerio de Norte. Noong 1969, inilipat ang kaniyang mga labi sa Himlayang Pilipino, ang dating gubat kung saan nagtatago ang mga Katipunero at kung saan ni Tandang Sora kinakalinga ang mga ito. Pero noong 2012, inuwi sa Banlat si Tandang Sora, ang lugar na kaniyang kinalakihan.

Walang naging hadlang para kay Melchora Aquino sa kaniyang pagtulong sa ating kababayan. Edad at kasarian ay hindi naging balakid. Lahat tayo ay may magagawa.

Sources:

Chua, Michael Charleston. Tandang Sora: Ina ng Katipunan, Ina ng Bayan. Retrieved from https://goo.gl/EVFRhH.

Ocampo, Ambeth R. Tandang Sora Home on Her 200th Birthday. Retrieved from https://goo.gl/Nbx6j2.

Official Gazette. The Tandang Sora Bicentennial. Retrieved from https://goo.gl/N6n4hK.

Featured Image: Monument of Melchora Aquino. Photo taken from Himlayang Pilipino Official Website.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s