Ang Malungkot na Pagsalubong ni Plaridel sa taong 1890

Puno nang sabik at sayang inabangan ng buong mundo ang pagpasok ng taong 2017. Sa Pilipinas, nagsama-sama ang mga pamilya’t nagtagayan ang magkakatropa. Hindi pa rin nawala ang mga paputok at pailaw na naging bahagi na ng kulturang Pilipino. Sa kabila nito, tuloy pa rin ang pagdurusa at pagdadalamhati ng ating mga kababayang kumakayod sa ibang bansa para sa ikagaganda ng kanilang mga buhay at ikauunlad ng kanilang mga pamilya. Mas lalong dakila ang pagsasakripisyo ng iilang nalayo sa pamilya para sa paglilingkod sa bayan.

Itinuturing na isa sa triyumbirado ng Kilusang Propaganda ang Bulakenyong si Marcelo H. del Pilar na mas kilala sa kaniyang nom de plume na “Plaridel”. Kilala siya sa pagsulat ng “Dasalan at Tocsohan”, “Caiigat Cayo”, “La Soberania Monacal en Filipinas” at “Sagot ng Espanya sa Hibik ng Pilipinas”. Siya rin ang ikalawang patnugot ng “La Solidaridad” matapos palitan si Graciano Lopez-Jaena. Umalis siya ng bansa noong Oktubre 1888 at iniwan ang asawang si Marciana (o “Tsanay”) at dalawang anak na sila Sofia (na noo’y siyam na taong gulang) at Anita (na isang taon at apat na buwan pa lamang).

Ilang araw matapos ang Bagong Taon ng 1890, sumulat ang nangungulilang si Plaridel sa kaniyang asawang si “Tsanay” sa kaniyang kalagayan sa pagsalubong niya sa taong iyon.

Madrid, Ika-6 ng Enero, 1890.

Tsanay:

“Pagkalooban nawa kayo ng Diyos nang magandang bagong taon. Ako’y nagkasakit dine ng lagnat at sakit ng ulo at ubo at hindi ako lamang kundi ang lahat halos na kasamahan ko sa bahay at ang buong Madrid halos; nguni’t awa ng Dios ay gumagaling ako agad. Matindi ang lamig ng mga nagdaang araw dine, datapwa’t humusay-husay ang panahon buhat ng magkaroon ng nevada (snow) at ulan. Salamat na lamang at nakapalad ako ng bahay na tirahan: ang bahay na ito ay ‘di lubhang malamig; di kainakailangang magpasok ng apoy, paris sa ibang bahay. Sa ibang bahay ay para kang na sa loob ng nevera (refrigerator), kaya’t naglalagay sa chimenea o sa brasero ng apoy, datapua’t ang init nito’y nakasasakit ng ulo, at bukod sa nakasasakit ng ulo ay may panganib ka pang kung mapatungo sa isang pitak ng bahay na walang apoy at malamig ay biglang masusubhan ng matinding lamig ang matinding init na sinagap mo ay isang pinagbubuhatan ito ng pulmonia, sakit na madaling pumatay. Ang bahay naming ay malayo sa panganib na ito, sapagka’t di nagkakailangang painitin sa apoy: sukat na ang estera ng sahig at manumit ng makapal at hindi na nararamdaman ang lamig.”

Ipinagpatuloy ni Plaridel ang sulat sa pagsasalaysay ng kaniyang pagbisita sa isang asawa ng empleyado ng Ministro nagngangalang Donya Cleotilde. Inalok rin siya ng ilang kaibigan sa Barcelona na lumipat muna roon at ipagpaliban muna ang pagtatrabaho ngunit nanghinayang siya sa oras at umasang malalaban niya ang lamig.

Tulad ng iba niyang liham kay Tsanay, tinapos niya ito nang may pag-aalala at pangungulila.

“Gabi-gabi ang parati kong panaginip ay kayo nila Sofia at Anita: napapanimdim kong baka mga sagasaan ito ng karromata sa paglipat-lipat sa kabilang bakuran: huwag ninyong pababayaang paroon sila na walang kasama. Harap na kayo riyan sa pagtatag-init, pagka i-ingatan sila sa bulutong. Hindi na malalaon at kaypala’y magkikita na tayo: kundi magkakaroon ng kapansanan at may mapapag-iwan ako nitong Soli, ay magsasalo na tayo sa paskong darating: kahimanawari ay huwag magkaka-sakuna!”

“Kumusta sa kanilang lahat at ihalik mo ako kay Sofia at kay Anita. Kay Sofia ay muli’t muli ang bilin ko na huwag sana niyang kayayamutan si Anita: at si Anita naman ay huwag lalaban kay Sofia.”

Sa kasawiang palad, hindi na nagkaroon si Plaridel ng pagkakataong makasalo sa Pasko at Bagong Taon ang kaniyang mag-iina. Ilang beses siyang umasang muli siyang makakabalik ng bansa ngunit binawian siya ng buhay noong ika-4 ng Hulyo, taong 1896 sa Barcelona, Espanya dahil sa tuberkulosis. Naibalik sa Pilipinas noong taong 1920 ang mga labi ni Marcelo H. Del Pilar, isang dakilang amang sinakripisyo ang kaniyang kasiyahan at pamilya para sa kalayaan at kabutihan ng kaniyang minamahal na bayang Pilipinas.

Batis:

Pambansang Kominsyon Pangkasaysayan ng Pilipinas. Epistolario Plaridel, Tomo II., 1958. pp. 38-40.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s