Isang Araw Sa Maynila

Mula Pasig, sumakay ako ng isang UV Express papunta sa minsang tinuring na tapat na lungsod sa Hari ng Espanya, ang Maynila. Makaraan ang halos isang oras na nakaupo sa napaka-init na sasakyan, binaba ako nito sa isa sa mga itinuturing na pusod ng Maynila, ang Quiapo. Pinangalan raw ito sa maliliit na halamang “cuyapo” o water cabbages na matatagpuan sa Ilog Pasig nang maabutan ng mga Espanyol. Sa kasawiang palad, matapos ang apat na siglo, ngayo’y tadtad na ng pesteng water lily ang ilog na siyang laging suki ng sisi kapag nagbabaha sa Kamaynilaan. Kawawang halaman.

Agad akong nagtungo sa simbahan kung saan matatagpuan ang “Itim na Poong Nazareno” na minsang sinalin ni Nick Joaquin sa Ingles bilang “Dark Lord of Quiapo“. Siksikan at mahalumigmig ang lugar na nagsisilbing mga senyales na maraming deboto ang simbahan. Marami sa kanila’y di pa naliligo pero wala silang pakialam. Maaambunan naman sila ng grasya ng Maykapal. Bigla akong may naramdamang kakaiba at tumingin ako sa relo ko. Oras na para umalis.

Naghanap ako ng isang dyip biyahe pa-Luneta. May sisilipin ako sa aming unibersidad na itiuturing naming “bantayog ng lahing minamahal”. Sumakay ako at nanahimik.

Maya’t maya ay tumigil ang dyip malapit sa underpass ilang dipa lang ang layo mula sa munisipyo. Nag-abang ng pasahero ang tsuper pero isang batang nasa sampung taong gulang ang sumabit sa dyip. Pumasok siya at nanghingi ng limos sa mga pasaherong walang pakialam sa kaniya. Sa tapat ko’y umiling ang isang bilugang babae. Pero hindi umiling ang instincts ng bata. Agad niyang hinablot ang kwintas ng babae sabay takbo.

Nagulat ang lahat pero mas nagulat kami sa sinigaw ng babae. “Aaah! Fake yan, fake!” Tumawa siya nang malakas. Umiling ako. Di ba’t lagpas na ko ng Mandaluyong?

Submitted to the Katigbak section of Rogue Magazine Philippines.
Advertisements