ARTIKULO TRENTA Y TRES: Royals feat. Melchora Aquino

Si Melchora Aquino ay pinanganak noong Enero 6, 1812 sa Barrio Banlat, Kalookan (ngayo’y Banlat, Balintawak, Quezon City) sa isang mayamang magsasakang sila Juan Aquino at Valentina de Aquino. Hindi siya nakapag-aral pero natuto siyang bumasa at sumulat sa murang edad. Ginagalang siya sa kanilang pamayanan palibhasa’y maganda itong si “Batang” Sora. Maganda na, magaling pa kumanta! Madalas siyang iniimbita para mamuno ng mga pabasa hindi lang sa kanilang lugar pati na rin sa karatig nayon. Maganda, mabait, relihiyoso… Kahangahangang binibini.

Dahil maganda si Batang Sora, lagi siyang pinipiling mag-Reyna Elena sa mga Santacruzan. Napakarami ng kaniyang mga manliligaw pero isa lang ang matatag at nagsumikap ng husto para kunin ang kaniyang kamay, si Fulgencio Ramos. Di nagtagal, naging cabeza de barangay si Fulgencio at kinilala na si Melchora bilang Kabesang Melchora. Binayayaan sila ng anim na anak – sila Juan, Simon, Estefania, Saturnino, Romualdo at Juana.

Noong pitong taong gulang pa lang ang bunsong si Juana, namatay si Fulgencio. Naging single parent si Sora at ipinagpatuloy ang kanilang negosyo’t mga bukirin. Itinuloy niya rin ang pagiging hermana mayor at naging aktibo sa pakikipagdiwang ng pista, binyag at kasal. All-around talaga si Kabesang Melchora, napag-aral niya ang lahat ng kaniyang mga anak.

Dumating ang 1890s at sumali ang kaniyang anak na si Juan Ramos sa Katipunan. Nagtitipon ang mga Katipunero sa bahay niya at binansagan siyang “Tandang Sora” ng mga ito. Sa bahay niya rin nangyari ang unang sigaw ng rebolusyon noong Agosto 1896. Gaano nga pala katanda si Tandang Sora noong 1896? 84 years old… Hindi naging hadlang ang kanyang edad para makatulong siya sa mga kababayang nagnanais ng kasarinlan.

Noong nadiskubre ang Katipunan, sa kaniyang tahanan nagtago ang ilan sa mga rebolusyonaryo. Matapos ang mga labanan, dito rin ginagamot ang mga nasugatan. Di siya nag-atubiling punan ang pangangailangan ng mga kabaro. Nagbigay rin siya ng ilang mga payo at pinagdasal ang ilang Katipunero para magboost ang kanilang morale nila. Itinuring niyang anak ang mga anak ng bayan kaya’t siya kinilala bilang “Ina ng Balintawak” o “Ina ng Katipunan”.

Noong Agosto 29, 1896, nahuli ng mga guwardiya sibil si Tandang Sora at unang ipiniit sa bahay ng cabeza de barangay ng Pasong Putik, Novaliches. Kinabukasan, nilipat siya sa Lumang Bilibid kung saan inusisa siya ng mga Espanyol pero hindi siya nagsalita ukol sa Katipunan at sa mga Katipunero. Ipinatapon siya sa Guam sa utos ni Gobernador Heneral Ramon Blanco noong Setyembre 2, 1896.

Sa loob ng pitong taon, kasama rin niya roon ang ilang Pilipinong hindi sumuko sa mga Espanyol at Amerikano. Noong Pebrero 26, 1903, pinauwi na siya ng mga Amerikano kasama ang 76 na rebolusyonaryo na kinabibilangan nila Apolinario Mabini at Artemio Ricarte lulan ang SS Uranus. Nang siya ay nakauwi sa Banlat, sinalubong siya ng kaniyang mga kapamilya at mga kababayan. Siya noon ay 91 years old.

Sa Banlat siya namalagi sa mga huling taon ng kaniyang buhay. Minsa’y inalok siya ng mga Amerikano ng pera bilang ganti sa kaniyang mga naging kontribusyon sa rebolusyon ngunit tinanggihan niya ito. Namayapa si Tandang Sora sa bahay ng anak niyang si Saturnina sa Banlat noong Pebrero 20, 1919.

Inilibing siya sa Mausoleo de los Veteranos de la Revolucion sa Cementerio de Norte. Noong 1969, inilipat ang kaniyang mga labi sa Himlayang Pilipino, ang dating gubat kung saan nagtatago ang mga Katipunero at kung saan ni Tandang Sora kinakalinga ang mga ito. Pero noong 2012, inuwi sa Banlat si Tandang Sora, ang lugar na kaniyang kinalakihan.

Walang naging hadlang para kay Melchora Aquino sa kaniyang pagtulong sa ating kababayan. Edad at kasarian ay hindi naging balakid. Lahat tayo ay may magagawa.

Sources:

Chua, Michael Charleston. Tandang Sora: Ina ng Katipunan, Ina ng Bayan. Retrieved from https://goo.gl/EVFRhH.

Ocampo, Ambeth R. Tandang Sora Home on Her 200th Birthday. Retrieved from https://goo.gl/Nbx6j2.

Official Gazette. The Tandang Sora Bicentennial. Retrieved from https://goo.gl/N6n4hK.

Featured Image: Monument of Emilio Jacinto. Photo taken from Himlayang Pilipino Official Website.

ARTIKULO TRENTA Y DOS: I Choose You feat. Emilio Jacinto

Si Emilio Jacinto ay ipinanganak noong Disyembre 14, 1875 sa Trozo, Tondo, Maynila sa mag-asawang Mariano Jacinto at Josefa Dizon. Umpisa pa lang, dumating na agad ang isang senyas ng kamalasan nang pumanaw ang kaniyang ama ilang sandali lamang matapos siyang ipinanganak. Lumaki siyang matalino at naging mahusay sa wikang Espanyol at Tagalog. Mahirap lamang ang kanilang buhay nila kaya’t ang mga sinusuot na damit ni Emilio ay mga segunda manong damit na di pa natutubos sa prendahan (pawn shop). Dahil dito naging tampulan ng tukso si Emilio. Di nagtagal, ipinadala ng nanay niya si Emilio sa kapatid nitong si Don Jose Dizon.

Nag-aral si Jacinto sa isang pribadong elementarya school at nagtapos ng Bachiller en Artes sa Colegio de San Juan de Letran. Nang nag-aral ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas, naging kamag-aral niya ang tatlong taong nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kasaysayan ng Pilipinas: sina Pangulong Manuel L. Quezon, Pangulong Sergio R. Osmena at Senador Juan Sumulong. Kung nakakasabay si Emilio sa tatlong matalinong ito, magiging pangulo kaya o senador siya sa Pilipinas? Kaso hindi ito nangyari. Bakit?

Taong 1894 sa edad na 19, sumapi si Emilio Jacinto sa Kataastaasan Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK at kinilala sa alyas na Pingkian. Sa Katipunan napansin ni Supremo Andres Bonifacio ang galing ni Jacinto at parang isang pokemon na napili ni Bonifacio, ginawang kanang-kamay ng Supremo si Jacinto. Naging bahagi ng camara negra (black cabinet) ng Katipunan noong 1895 kung saan nahalal siya bilang piskal at kalihim.

Magaling na manunulat si Jacinto. Sila ni Pio Valenzuela ang nagtaguyod sa opisyal na lathalain ng Katipunan, ang “Kalayaan”. Dito siya nakilala sa alyas na “Dimasilaw” at sinulat ang Liwanag at Dilim. Siya rin ang sumulat ng Kartilya ng Katipunan. Kung tutuusin si Pareng Boni ay may nagawa ring Kartilya kaso noong nabasa niya ang gawa ni Jacinto, nagparaya siya.

Sumiklab ang himagsikan at naroon si Jacinto sa Sigaw sa Pugad Lawin. Kasama rin siya sa mga nabigong Katipunero na sumugod sa Polvorin, San Juan del Monte noong Agosto 30, 1896. Pagkatapos nito, sinubukan niyang magpanggap bilang isang Tsino sa isang barko para itakas si Rizal pero tinanggihan ito ni Pepe. Hindi umayon sa kanilang mga balak ang mga nangyari.

Nag-regroup sila sa Balara at noong Abril 15, 1897, itinalaga si Jacinto bilang pinunong hukbo ng hilaga ng Maynila. Wala pang isang buwan matapos nito, pinapatay si Bonifacio sa Maragondon pero pinagpatuloy pa rin ni Jacinto ang paglaban bilang isang miyembro ng Katipunan. Habang nasa labanan, sinulat niya ang kaniyang tulang pinamagatang A La Patria (Sa Aking Bayan) na inspired ng “Huling Paalam” ni Rizal, Oktubre 8, 1897.

Hindi siya umanib sa puwersa ni Emilio Aguinaldo at nang  nilagdaan ang kasunduan sa Biak-na-Bato, nagtago siya sa kabundukan ng Laguna at nagpatuloy pa rin sa paglaban sa mga Espanyol. Noong 1898, pinababa siya ni Apolinario Mabini, na noo’y adviser na ni Aguinaldo, sa kabundukan. Hindi siya pumayag.

Isang labanan sa Maimpis, Magdalena, Laguna noong 1899, nasagupa ng mga Katipunero at ni Jacinto ang mga sundalong Espanyol. Mortal na nasugatan si Jacinto sa hita at nahuli. Akala ng mga Espanyol na patay na si Jacinto kaya’t walang awa siyang binagsak sa isang puwesto na mayroon pa ring bakas ng kaniyang dugo.

Di nagtagal noong Abril 6, 1899 sa Sta. Cruz, Laguna, namatay sa sakit na malaria si Jacinto at naiwang buntis ang kaniyang kabiyak na si Catalina de Jesus, isang Kapampangan. Hindi sila kasal sa simbahan pero kasal sila sa Katipunan. Nakilala si Catalina na pamangkin ng isang miyembro ng Katipunan na may-ari ng bahay kung saan sila nagtipon. Kung si Emilio ay pinanganak at namatay ang tatay, mas kawawa ang anak niyang walang amang sumalubong sa kaniyang paglabas sa mundong ibabaw. Dakila ka ngang tunay, Emilio Jacinto, ang Utak ng Katipunan.

Sources:

Chua, Michael Charleston. Emilio Jacinto: Ang Tunay na Utak ng Himagsikan. Retrieved from https://goo.gl/41ZiMh.

Chua, Michael Charleston. Dokumento ng Pagkakatalaga kay Emilio Jacinto. Retrieved from https://goo.gl/mFUphV.

Santos, Jose P. Buhay at Mga Sinulat ni Emilio Jacinto. 1935.

Featured Image: Monument of Emilio Jacinto. Photo taken fron Himlayang Pilipino Official Website.

ARTIKULO TRENTA Y UNO: Deal or No Deal feat. Jose P. Laurel

Ikatlong pangulo ng Pilipinas si President Jose P. Laurel. Isa ba talaga siyang puppet na sumusunod sa mga utos ng mga Hapon? Taksil o tapat? Kakampi o kaaway? Makabayan o MAKAPILI?

Ipinanganak si Jose Paciano Laurel y Garcia noong Marso 9, 1891 sa Tanuan, Batangas sa mag-asawang Sotero Laurel Sr. at Jacoba Garcia. Ang kaniyang ay isang opisyal sa pamahalaan ni Pangulong Emilio Aguinaldo at pumirma sa Konstitusyon ng Malolos. Nagtapos siya ng sekundarya noong 1911 at pinakasalan ang isang magandang dilag na nagngangalang Paciencia Hidalgo at, di nagtagal, nabiyayaan sila ng siyam na anak.

Nagtapos siya ng abogasya sa UP College of Law noong 1915. Nagpakadalubhasa pa siya sa pagbabatas at nakuha ang masteral sa pagbabatas noong 1919 sa Escuela de Derecho (ngayo’y Manila Law College). Naging doktor rin siya ng pilosopiya sa USTe noong 1936. Habang nag-aaral, naging mensahero siya ng Bureau of Forestry at naging clerk sa Code Committee. Nang sumunod na taon, nakuha niya ang doctor of Civil Laws sa Yale University. Umuwi siya sa Pilipinas pagkatapos nito.

Naging undersecretary siya ng ngayo’y DILG at naging kalihim nito noong 1922. Doon, madalas niyang nakabangga si Gobernador Heneral Leonard Wood at pagkalipas ng isang taon, nag-resign si Laurel kasama ang ilang miyembro ng gabinete dahil sa kontrobersiyal na kaso ni Ray Conley. Nakilala siya ng mga mamamayan bilang isang makabayan kaya’t nahalal siya sa senado noong 1925. Kumandidato muli siya noong 1931 kaso natalo ni Claro M. Recto.

Retirado na siya noon sa pulitika nang mahalal bilang delegado ng 1935 Constitutional Convention na siyang bubuo sa konstitusyon ng Commonwealth. Siya ay naging bahagi ng orihinal na “Seven Wise Men”, isang sub-committee na binuo para gumawa ng burador ng konstitusyon noong Oktubre 8, 1934. Kasama niya rito sila Filemon Sotto, Manuel Roxas, Norberto Romualdez, Manuel Briones, Miguel Cuaderno at Vicente Singson Encarnacion. Kalaunan, pinalitan si Laurel ni Condrado Benitez. Ang mahalagang ambag ni Laurel sa Konstitusyon ng 1935 ay ang paggawa ng probisyon sa ating mga karapatan.

Matapos maratipika at maitatag ang Komonwelt, naging Associate Justice sa Supreme Court si Laurel noong Pebrero 29, 1936. Siya ang isa sa mga pinakamahalagang huwes nito at humawak siya ng ilang kaso ukol sa saklaw at kapangyarihan ng tatlong sangay ng pamahalaan.

Isang beses noong 1940, mayroong nagsampa ng reklamo para kontrahin ang regulasyong ipagbawal ang ilang kalesa sa ilang lansangan ng Maynila kapag hapon dahil sa pinapaayos na Colgante Bridge. Ang hukuman ay nagpasyang ang kapulisan ang hahawak sa regulasyong ito at ang regulasyon ay hindi lumabag sa katarungang panlipunan. Mahalaga ang kasong ito dahil ito ang naging signature quote ni Laurel ukol sa kahulugan ng katarungang panlipunan.

Social justice is neither communism, nor despotism, nor atomism, nor anarchy, but the humanization of laws and the equalization of social and economic forces by the State so that justice in its rational and objectively secular conception may at least be approximated. Social justice means the promotion of the welfare of all the people, the adoption by the Government of measures calculated to insure economic stability of all the competent elements of society, through the maintenance of a proper economic and social equilibrium in the interrelations of the members of the community, constitutionally, through the adoption of measures legally justifiable, or extra-constitutionally, through the exercise of powers underlying the existence of all governments on the time-honored principle of salus populi est suprema lex. Social justice, therefore, must be founded on the recognition of the necessity of interdependence among divers and diverse units of a society and of the protection that should be equally and evenly extended to all groups as a combined force in our social and economic life, consistent with the fundamental and paramount objective of the state of promoting the health, comfort, and quiet of all persons, and of bringing about “the greatest good to the greatest number.

‘Di nagtagal, ginawang Kalihim ng Katarungan ni Pangulong Quezon ang magaling na huwes na si Laurel. Noong sumiklab ang World War II, tumakas si Pangulong Quezon sa Bataan at, di naglaon, sa Estados Unidos. Bago umalis, hinabilinan ni Quezon si Laurel na makipagtulungan sa mga Hapones para hindi lalong lumala ang sitwasyon ng mga Pilipino.

Bakit kaya si Laurel? Minsang nagkamit ng honorary degree si Laurel sa Tokyo University at ang anak niya noo’y ipinadala niya sa Imperial Japanese Army Academy sa Tokyo na itunuturing noon na “West Point ng Asya”. Isa pa hindi maka-Amerikano si Laurel at nalaman ng mga Hapones iyon.

Nang masakop ng mga Hapones bansa, ipinangako nila ang agarang kalayaan kapalit ng suporta ng mga Pilipino sa kanilang mga layunin. Itinatag ang Kapisanan ng Paglilingkod sa Bagong Pilipinas o KALIBAPI, ang nag-iisang partidong pulitikal nang panahon na iyon sinasabing maka-Hapones. Itinatag din ang Preparatory Commission for Philippine Independence o PCPI na ang layunin ay bumalangkas ng bagong konstitusyon na magiging haligi ng Ikalawang Republika. Si Laurel ang nahalal na pangulo ng Kumbensyong Konstitusyonal noong 1942.

Noong Hunyo 1943, binaril si Laurel sa Wack-Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong ng isang gerilya at dating boksingerong si Feliciano “Little Jo” Lizardo. Mahimalang nakaligtas si Laurel dahil isang pulgada na lamang ay sapul na siya sa puso. Nakatanggap siya ng maraming sulat at telegrama para magpagaling siya. Nagpadala pa ng bonsai si Hideki Tojo sa kanya.

Matapos ang tatlong buwan, noong Setyembre 1943, natapos konstitusyon na tila Xerox Copy daw ng 1935 Constitution. Ninais ng mga Hapones ilagay na pinagkaloob nila sa atin ang kalayaan at magkaroon ng military conscription kung saan ang mga Pinoy ay lalaban para sa mga Hapones laban sa mga ‘Kano. Nahalal si Laurel bilang pangulo ng bansa at umasa ang mga Hapones na magiging tuta ang kanilang nailuklok na pangulo sa kanilang mga kagustuhan. Nag-no deal si Pangulong Laurel sa military conscription at hindi rin siya pumayag na bigyan ng pasasalamat ang bansang Hapon sa preambulo ng konstitusyon. Nanindigan siyang hindi ito kailangan ng Pilipinas.

Di nagtagal, ipinadala si Presidente Laurel, Ispiker Benigno Aquino Sr. at outgoing chairman ng Executive Commission na si Jorge Vargas sa bansang Hapon para makausap ni Punong Ministro Hideki Tojo. Matapos ang ilang usapan, pinilit ni Tojo si Laurel na magdeklara ng giyera laban sa mga ‘Kano ngunit hindi pumayag si Laurel. Una, sinabi niyang hindi siya popular na lider kaya’t walang susunod sa kaniya ‘pag dineklara niya ito. Pangalawa, ‘di sisikmurahin ng mga Pilipino na magdeklara ng digmaan mula sa dating kaalyado. Hindi raw ito disente at tanging ang mga walang kwentang tao lang ang sumasaksak patalikod sa dating kakampi. Ikinagulat ito ng mga Hapones, kinabahan rin si Laurel pero pinabayaan silang umuwi ng Pilipinas.

Noong Oktubre 1943, itinatag ang Ikalawang Republika ngunit ang mga Hapones pa rin ang may hawak sa kapangyarihan kaya tinawag itong pamahalaang puppet. Ngunit sinasabing hindi isang puppet si Pangulong Laurel. Nagkaroon ng dalawang simpleng sitwasyon na nagpatunay nito. Una, nagpumilit ang ng mga Hapones na kapwa nila Hapones rin ang presidential guards kaso ‘di pumayag si Laurel at pinili ang mga kababayan niya upang maging kaniyang guwardiya. Ikalawang, binigyan siya ng isang Hapones na tagapayo ngunit tinanggihan niya ito at nagsabing…

I don’t need an adviser. I could be your adviser, Kihara, but you cannot be my adviser. You had better get out!

Ngayong pinaliligiran lamang ng mga Pilipino, nakipagpulong din minsan diumano si Laurel sa mga gerilya. Minsan, ang Kempeitai ay nagtungo sa Malacanang dala ang mga ebidensiya laban kay Manuel Roxas na patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga gerilya. Ang sabi pa ng mga Hapon, alam raw nilang nasa Malacanang si Roxas. Agarang ipinag-utos ni Pangulong Laurel na maghanda ang mga presidential guards at swinerte sila nang ‘di bumalik ang mga Hapon.

Hindi lang si Roxas ang iniligtas ni Laurel. Ginawa rin ng pangulo ang nararapat sa panahon niya. Nang nagkaroon ng kakulangan sa pagkain ang bansa, itinatag niya ng mga ahensya at naglunsad pa ng mga programa si Laurel para magkaroon ng pagkain sa bawat mesa ang mga Pilipino. Sa administrasyon niya rin unang ginamit ang wikang Filipino sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Ibinalak rin niya ang pagkakaroon ng mga pera sa wikang Filipino para palitan at mabalanse ang lugmok na ekonomiya ng bansa dahil sa walang halagang Mickey Mouse Money.

Nang simulan ng mga Amerikanong palayain ang mga Pilipinas sa mga Hapones, biglaang binomba ng mga Amerikano ang Maynila na kabalintunaan ng utos nilang gawing “Open City” ang lungsod tatlong taon na ang nakalipas. Nang dahil sa pagbobomba sa lungsod at karatig-bayan, hindi lang ang taumbayan ang nalugmok kundi pati na rin ang maraming artifact at mahahalagang kagamitan at gusali ng panahong iyon. Kasama na roon ang Pambansang Museo na sinasabing nagtataglay ng mga buto’t bolo diumano ni Supremo Andres Bonifacio, pati na ang mga obra ng mga dakilang pintor na sila Luna’t Hidalgo, at marami pang iba. Sayang!

Dahil sa pangangailangan ng panahon, nagdeklara ng batas militar si Laurel noong Setyembre 1944. Prinessure din siya ng mga Hapones na magdeklara ng digmaan sa US at Britanya. Naglabas siya ng “declaration in a state of war” at inakala ng mga Hapones na iisa lang ‘yon sa “declaration of war“. Ipinaalala niya pa na walang mangyayaring “military conscription“. Hanggang sa huli, hindi pa rin tuluyang nakiisa si Laurel sa kanila.

Nagdeklara ng “I have returned” si Heneral Douglas MacArthur noong Oktubre 20, 1944 at kasama niyang bumalik ang bagong pangulo ng Komonwelt na si Sergio Osmena at si Carlos P. Romulo. Samantalang, itinakas naman ng mga Hapones si Laurel sa Baguio para maging ligtas sa pambobomba sa Maynila. Ngunit binomba din ng mga Amerikano ang Baguio kaya’t dinala ng mga Hapones si Laurel sa Japan.

Nang tuluyang natalo ang Japan, pinakulong ni MacArthur si Laurel sa Sagumo Prison. Noong Hulyo 1946, inuwi siya sa Pilipinas at ikinulong sa Muntinlupa. Kinasuhan siya ng pagtataksil sa bayan at pinilit niya na siya ang dedepensa sa sarili niyang kaso. Noong Setyembre 1946, nagplead ng “not guilty” si Laurel at tumatak sa kasaysayan ang mga salitang..

I am neither pro-Japanese nor pro-American, I am pro-Filipino.

Ang Pangulo ng bansa na minsang nakianib sa pamahalaang puppet ay nagbigay ng amnestiya sa mga kolaborador ng digmaan kaya’t nakalaya si Laurel. Ang nagbigay ng amnestiya ay ang iniligtas niyang si Pangulong Manuel Roxas.

Pero ayon sa Korte Suprema, hindi naman nasakop ng mga Hapon ang buong Pilipinas. Dahil dito, hurisdiksyon pa rin ‘yon ng Komonwelt at hindi dapat palitan ito ng Ikalawang Republika. Ayon naman sa international court, kung sino man ang kumampi sa mga mananakop ay isang war criminal. History is written by the victors, ika nga.

Hindi natapos rito ang kaniyang pagsisilbi sa bayan. Tumakbo siya sa pagkapangulo sa halalan ng 1949 pero natalo kay Elpidio Quirino. Matapos ang dalawang taon, noong 1951, siya ang numero unong senador ng halalan. Sa termino niya, kasama si Claro M. Recto, inakda nila ang Rizal Law na naging dahilan kung bakit may Rizal na asignatura sa kolehiyo. Noong 1953, inanyayahan siyang tumakbo bilang presidente pero sinuportahan niya si Ramon Magsaysay. Nang manalo si Magsaysay, pinadala niya si Laurel sa US para mabago ang Bell Trade Act. Inuwi niya ang Laurel-Langley Agreement na pinawalang bisa ang Amerika sa pagkontrol sa halaga ng piso. Hindi na siya tumakbo sa halalan ng 1957. Nagpokus siya sa kaniyang itinatag na unibersidad noong 1952, ang Lyceum of the Philippines University hanggang sa binawian siya ng buhay noong Nobyembre 6, 1959 sa Maynila. Samantala, ang nagtangka sa kaniyang buhay na si “Little Jo” ay ginawa niyang kaniyang bodyguard hanggang pumanaw siya.

Bayani o Traydor? Kayo ang huhusga.

Sources:

Calalang vs. Williams, G.R. No. 47800, December 2, 1940, 70 Phil. 726. Retrieved from https://goo.gl/APUxHy.

InterAksyon.com. Today in History: Delegates to Con-con that drafted 1935 Constitution are elected. Retrieved from https://goo.gl/y40NMg.

Jose, Ricardo T. Volume Seven: The Japanese Occupation, Kasaysayan: The Story of the Filipino People. Asia Publishing Company Ltd. 1998.

Jose P. Laurel Memorial Foundation, Inc. Jose P. Laurel: Biographical Sketch. Retrieved from https://goo.gl/riqwNe.

Ocampo, Ambeth R. Bonifacio’s Bolo. Anvil Publishing, Pasig City. 1995. pp. 60-61.

Featured Image: President Jose P. Laurel from the National Museum.

ARTIKULO TRENTA: Ano Ba Talaga, Koya? feat. Pio Valenzuela

Magandang umaga! Kaway-kaway naman sa mga mamamayan ng Valenzuela City. Ang inyong unang alkalde sa panahon ng mga Amerikano ang itatampok natin ngayon.

Si Doktor Pio Valenzuela y Alejandrino ay anak ng nakaririwasang pamilya nila Capitan Mayor Francisco Valenzuela at Lorenza Alejandrino. Ipinanganak siya noong Hulyo 11, 1869 sa Polo, Bulacan (ngayo’y Barangay Polo, Valenzuela). Lumaki siya at natuto sa isang private tutor. Pagkatapos nito, nagtungo siya sa Maynila at nag-aral sa Colegio de San Juan de Letran. Noong 1888 naman, nag-aral siya sa USTe at nakuha ang kaniyang Lincenciado en Medicina noong 1895.

Noong Hulyo 1892, habang nag-aaral ng medisina, sumapi siya sa Katipunan sa edad na 23. Naging BFF sila ni Andres Bonifacio at bilang tanda ng pagkakaibigan, kinuhang ninong si Doktor Valenzuela para sa panganay nina Andres at Gregoria de Jesus. Noong nasunog naman ang bahay nila Andres, nakitira sila sa bahay ni Pio.

Naging malaki ang kaniyang papel sa Katipunan at humawak siya ng iba’t ibang mahahalagang posisyon. Noong Enero 1895, bago pa siya magtapos, hinalal na siya bilang doktor ng Katipunan. Noong Disyembre 1895 naman, nahalal si Pio bilang piskal ng Katipunan. Nanumpa sila noong Enero 1896 sa bahay ni Bonifacio at kinuha niya ang palayaw na “Dimas Ayaran” (habang si Bonifacio “Maypagasa”, si Jacinto “Pingkian”). Naging bahagi si Pio ng camara secrata o tatlong pinakamataas na pinuno ng Katipunan – kasama nila Bonifacio at Jacinto.

Habang nasa puwesto, hinikayat ni Pio na magkaroon ng dyaryo ang Katipunan, ang “Kalayaan”. Si Jacinto ang naging punong patnugot at si Pio ang tagapaglathala. Nagsulat rin siya roon at nagtago sa pangalang “Madlang-Away” (habang “Dimasilaw” si Jacinto at “Agapito Bagumbayan” si Bonifacio). Dahil sa diyaryong ito, lumobo ang bilang ng mga Katipunero mula 300, naging 3,000. Power! Para ma-divert ng Kalayaan ang atensyon ng mga Espanyol, nilagay nila doon patnugot si Marcelo H. Del Pilar at ang lokasyon ng palimbagan ay sa Yokohama, Japan.

Noong Mayo 1, 1896, nagpatawag ng pagpupulong si Andres Bonifacio sa Barrio Ugong sa Pasig. Suhestiyon ni Valenzuela na mangalap sila ng pondo at bumili ng bala at armas sa Japan. Pumayag ang konseho sa isang kundisyon – kailangang sang-ayunan ito ni Dr. Jose Rizal. Dahil siya ang isa sa mga edukado at nakakaangat na miyembro ng Katipunan, si Valenzuela ang ipinadala ni “Supremo” Andres Bonifacio sa Dapitan upang hikayatin si Rizal tungkol sa rebolusyon. Kasama ang isang bulag na si Raymundo Mata (Mata tapos bulag, ayos!) para hindi makahalata, nagtungo sila sa Dapitan kung saan nakausap niya si Rizal. Ang sabi ni Rizal,

“Hindi pa kayo handa, kumalap muna kayo ng mga armas at kunin ang suporta ng mga mayayaman.”

Kausapin din daw nila si Antonio Luna dahil maraming kilalang mayaman sa bansa. Kapag kulang ang kanilang armas at hindi susuporta ang mga mayayaman, isusumbong lang nila ang mga Katipunero sa mga Espanyol kaya dapat gawin silang neutral o walang papanigan. Umuwing empty handed si Pio.

Nang nalaman ito ni Supremo, na-stress ito at napamura! Hindi rin pumayag ang mga mayayaman pati si Luna. Nang kumalat din ang balita na ayaw ni Rizal, kinansela ng iba ang pagbibigay pondo sa Katipunan. Karamihan sa kanila’y nagbantang isusumbong ang Katipunan. Tapos, dahil sa isang away, isiniwalat ni Teodoro Patino sa kapatid niyang madre na si Honoria ang tungkol sa Katipunan at sinabi niya ito kay Sor Teresa de Jesus. Pinaamin siya kay Padre Mariano Gil. Natakot sa impyerno naman itong si Teodoro Patino at umamin din kay Padre Mariano Gil. The secret is out.

Kailangan i-neutralize ang mga mayayaman. Kaya’t bago pa man i-raid ng mga guardia civil ang imprentahan ng “Diario de Manila” kung saan nagtatrabaho si Patino, iniwan nila Bonifacio at Jacinto ang listahan ng mga mayayamang ayaw sumapi sa Katipunan.

Samantala, si Pio Valenzuela ay tiniktikan diumano ng mga guardia civil. Sinasabing kinailangan niyang sumuko noong Setyembre 1, 1896 para ‘di madawit ang mga kasama. Ipiniit siya sa Fuerza de Santiago at ginawa siyang saksi laban kay Dr. Jose Rizal noong nililitis ito. Ngunit noong nasa korte na, sinabi niyang kinokondena ni Rizal ang rebolusyon. Hindi handa sa rebolusyon o ayaw talaga sa rebolusyon ni Rizal? Ano ba talaga koya? Ayon kay Floro Quibuyen, gustong iligtas ni Valenzuela si Rizal.

Ipinatapon si Valenzuela at ikinulong sa Madrid, sa Barcelona pati sa Africa sa loob ng tatlong taon. Nang magbalik naman siya sa Maynila noong Abril 1899, dinenounce niya ang mga Amerikanong militar na namumuno sa Pilipinas. Pinakulong siya ng mga Amerikano noong Setyembre ng taon ding yoon. Dumating ang eleksyon at hinalal ng mga taga-Polo bilang capitan municipal si Pio kahit nakakulong. Nanalo si Valenzuela at kinailangan siyang pakawalan ng mga kinauukulan (parang kaso lang ni Senador Antonio Trillanes).

Nanungkulan siya bilang capitan municipal mula 1902 hanggang 1919. Noong 1919 naman, nahalal siya bilang gobernador ng Bulacan at natapos ang termino noong 1925 matapos ang dalawang termino. Ayon kay Propesor Xiao Chua, matapat si Valenzuela at hindi nagpayaman sa puwesto. Binenta niya ang kaniyang lupa at tumangging magpasuhol sa mga naghu-jueteng – matatag laban sa korap.

Sinulat niya ang kaniyang mga gunita ng rebolusyon matapos magretiro sa pulitika. Naglingkod din siya ng libre bilang doktor. Napangasawa niya si Marciana Castro at nagkaroon ng pitong anak. Namatay siya noong Abril 6, 1956. Bilang parangal, ipinangalan sa kaniya ang bayan kung saan siya pinanganak.

May iniwang problema nga lang sa atin itong si Pio Valenzuela. Siya kasi ang isa sa mga dahilan kung bakit madaming marker ang Sigaw sa … Pugad Lawin? Balintawak? Kangkong? Bahay Toro? Pasong Tamo? Pugad Baboy?

Sa panayam ng mga Espanyol kay Valenzuela noong Setyembre 1896, nangyari daw ang pagpupulong noong Agosto 23-25 sa Balintawak. Noong 1911 naman, ang sabi ni Valenzuela, nagkaroon daw ng pagpupulong noong Agosto 22. Ang pagpupunit naman ng sedula ay nangyari noong Agosto 23 sa bahay ni Apolonio Samson sa Balintawak. Mula 1928 hanggang 1940, pinanindigan ni Valenzuela na nagpunitan ng sedula noong Agosto 24 sa bahay ni Melchora Aquino (Tandang Sora) sa Pugad Lawin na ngayon ay malapit sa Pasong Tamo.

Noong 1935, sila Pio Valenzuela, Briccio Pantas at Pacheco ay nagsabing hindi sa Balintawak nangyari ang unang sigaw ng himagsikan kundi sa Pugad Lawin. Noong panahon na yun kasi, naglagay ng bantayog sa Balintawak. Ang bantayog na ito ay matatagpuan ngayon sa harapan ng Vinzons Hall sa UP. Makalipas ang limang taon, noong 1940, tinukoy ng Philippine Historical Committee (National Historical Commission ngayon), kung saan kasama si Pio, ang eksaktong lokasyon ng unang sigaw. Doon daw sa Sitio Gulod, Banlat, Kalookan sa bahay ni Tandang Sora. Makalipas ang halos dalawpung taon, ginamit noong 1964 at 1978 ang mga statement ni Pio na ang unang sigaw daw ay sa bahay ni Juan Ramos (anak ni Tandang Sora) noong Agosto 23.

Bumawi pa ulit si Pio. Hindi ba’t sabi niya noong paglilitis ni Rizal noong 1896 ay tutol sa rebolusyon si Rizal? Noong nakapanayam siya historyador na si Teodoro Agoncillo, pabor daw si Rizal sa rebolusyon basta masunod ang mga kailangang gawin.

Ano ba talaga? Imbis na makatulong sa paglilinaw ay tila lalong pinalabo ni Valenzuela ang mga katotohanang dapat alamin sa ating kasaysayan. Pero gayunpaman, hindi malabo sa atin ang kabayanihan ni Pio Valenzuela – isang makabayan. Tao rin. Tulad mo. Tulad ko. Hindi perpekto. Nagkakamali rin.

Sources:

Balsamo, Jonathan. Dimasayaran: Si Dr. Pio Valenzuela sa Mata ng Kasaysayan. Retrieved from https://goo.gl/THZzYU.

Chua, Michael Charleston. Papel ni Pio Valenzuela sa Katipunan. Retrieved from https://goo.gl/VouK0V.

Guerrero, Milagros C., et. al. In Focus: Balintawak: The Cry for a Nationwide Revolution. Retrieved from https://goo.gl/INwVSs.

Guillermo, Artemio R. Historical Dictionary of the Philippines, Second Edition. Scarecrow Press, Inc. 2005. pp. 425-426.

Quirino, Carlos. Who’s Who in Philippine History. Manila. Tahanan Books, 1995.

Featured Image: Capitan Municipal Pio Valenzuela in the middle. Photo taken from XioaChua.net.

ARTIKULO BENTE NUEBE: Rak en Rol to Da World feat. Pascual Racuyal

Nalalapit na ang eleksyon at nagsisimula na ang pagtatanggal ng nuissance candidates lalo na sa pagka-presidente. Tignan muna natin ‘yung ilang taong nagnanais tumakbo sa pagka-pangulo ng bansa na napagtripan ng media.

  1. Ely Pamatong – disqualified noong 2004 at 2010 presidential elections. Sinunog ang watawat ng Tsina sa harap ng COMELEC Office
  2. Ralph Masloff – isang Pinoy na proud sa kanyang Russian ancestry
  3. Manuel Antonio Roxas – kinasuhan ng LP kasi medyo parehas ng pangalan ng kandidato nilang si Manuel Araneta Roxas
  4. Allan Carreon – ang Intergalactic Ambassador
  5. Romeo John Ygonia – si Archangel Lucifer
  6. Alfredo Tindugan – naniniwala sa banal na pamahalaan
  7. Sel Hope Kang – yung pinagtripan ni Senyora

Bagama’t pinagtatawanan ng madla, may pinaglalaban ang ilan sa kanila. Sabi nga ng ilang eksperto sa pulitika, ganito talaga sa isang bansang demokratiko at dapat ay respetuhin natin sila at ang kanilang mga intensyon. Ang iba nga sa kanila ay mas maayos pa ata ang plataporma kaysa sa ibang tatakbo. Kung tutuusin, may mga ilang tumatak sa kasaysayan natin na tinatakang nuissance candidate at ang itatampok natin ngayon ay ang pilukang itim ni Eddie Gil. Biro lang, si Pascual Racuyal ang ating kikilalanin ngayon.

Si Pascual Racuyal ay ipinanganak sa Tinago, Cebu City noong 1911. Naging mekaniko siya at isang araw biglang na lang niyang naisipang kumandidato para maging presidente. Nagtungo siya sa Maynila at nakipagdebate sa ilang sikat na personalidad sa pulitika. Gusto niya talagang maging presidente at tinakbuhan niya lahat ng presidential elections mula 1935 hanggang 1986! Sa bawat pagkandidato niya noon, siya ang paboritong gawing target ng mga komedyante sa bawat halalan! Sinong maglalakas loob na gawin ‘yon?

Noong unang pampangulohang eleksyon, Setyembre 16, 1935, kinalaban niya sa pagkapangulo sina Emilio Aguinaldo, Manuel Quezon at Gregorio Aglipay. Sa voters’ output, wala pang 0.01 percent ang natanggap niyang boto. Ang nanalo noong eleksyon na ‘yon na si Manuel Quezon ay may 695,332 na boto samantalang si Racuyal, may solid na 158 voters. aya dumating sa punto na inakala ng pamilya at kapitbahay ni Racuyal na wala na siya sa katinuan. Dahil dito, nagpasya siyang hindi na bumalik ng Cebu at nanirahan siya sa Bulacan.

Hindi pa natapos dun ang kakaibang career ni Racuyal. Noong 1952, habang naghahanda ang lahat para sa 1953 Presidential Elections, niyaya niyang maging running mate si Ramon Magsaysay (na tumakbo bilang presidente at nanalo), Arsenio Lacson (alkalde ng Maynila), Lorenzo Tañada (longest serving senator ng bansa) at Trinidad Legarda (unang babaeng diplomat ng Pilipinas at asawa ng dating resident commissioner sa US na si Benito Legarda). Lahat sila’y umayaw tapos pero hindi kapanipaniwalang napabilib ng plataporma ni Racuyal si Mayor Lacson. Ito kasi yung mga plataporma niya:

  1. Gamitin ang natur-therapy (healing ng mind, body at soul) para matapos ang problema ng mga Hukbalahap
  2. Pagkakaroon ng kalendaryong 30 days a month at 13 months na kapag mali daw ay pwedeng itama ng pandaigdigang kumperensiya ng mga astronomer
  3. Adoption ng Jehovah sa 13th day ng bawat buwan. Walang pangalan ang 13th month.
  4. Pagtatayo ng plastic roads sa buong Mindanao.
  5. Pagtatayo ng top secret na mga dike para maiwasan ang pagbabaha sa Gitnang Luzon (dati pang problemang hindi pa rin nasosolusyunan)
  6. Pagkakaroon ng perang plastic na fireproof, waterproof at hindi pwedeng mapeke (ang pera natin ngayo’y may anti-bacterial property)
  7. Pagtatatag ng UN Assembly sa Baguio
  8. Paggamit ng algebraic-geometric detection code para mawala ang korapsyon sa pamahalaan (may pagagamitan na pala ang tangent sa araw-araw na buhay!)
  9. Magkakaroon ng blitzkrieg helicopter raids sa buong Pilipinas na pamumunuan niya para mawala ang mga gangster at mga sindikato
  10. Solusyonan ang issue noon ng Alkalde at Konseho ng Maynila sa pamamagitan ng pagbuwag sa konseho.

Kung siya raw ay mananalo sa eleksyong yun, maglilibot raw siya sa buong Pilipinas at iiwanan ang bise presidenteng si Lacson. Magpapadala siya ng mga confidential reports sa Maynila with matching tips para sa ikauunlad ng mga bayan. Isang beses pumunta siya sa Baguio at ito ang kanyang mga rekomendasyon:

  1. Gawing konkreto ang mga barong-barong tulad ng mga nasa palengke
  2. National Leadership training grounds, isang MOUNTAIN UNIVERSITY
  3. Hanging Gardens sa Burnham Park a la Babylon
  4. Public speech park na mayroong entablado na itatayo para sa mga kandidato
  5. Pagpapakabit ng highway reflectors para iwas aksidente
  6. Mobile patrol units
  7. Concerts kada Linggo (ORAYT!)
  8. Swimming pools na hahaluaan ng mga germicides
  9. Pagkakarooon ng basketball, volleyball, tennis, boxing, indoor baseball at skating tournaments.

Noong 1969 elections naman, kung saan tumakbo ang re-electionist na Pangulong Ferdinand Marcos laban kay Senador Sergio Osmena Jr., hinamon niya ang dalawang ito sa isang 12-hour debate sa Plaza Miranda. Hindi siya pinansin ng mga ‘to at dahil dun, magkakaroon siya ng speech sa loob ng anim na oras sa Plaza Miranda. Lumabas ang resulta ng eleksyon at tumaas ang voters’ output ni Racuyal, 0.01 percent na o 778 votes sa buong Pilipinas! Pangatlo siya sa bilangan (Marcos, 5M votes; Osmena, 3M votes) at ang 78 doo’y galing sa lalawigan ng Rizal.

Hindi pa rin natinag si Racuyal hanggang noong 1986 Snap Elections, kumandidato ulit siya at dineklara na siyang nuissance candidate. Nawala na siya sa pulitika dahil sa katandaan (75 years old na siya) at may sakit na raw siya noon. Nakalimutan na siya sa kasaysayan at namatay noong 2004 sa Bulacan.

Masasabing futuristic itong si Racuyal. Ayon pa sa isang kolumnista, isa sa plataporma ni Racuyal ang gawing conveyor belts (katulad ng sa mga factory) lahat ng kalsada. Kung siya ang nanalo, baka wala nang trapik at baka wala ring problema sa MRT. Baka tama sila – si Pascual Racuyal ang isa sa mga best presidents we never had.

Paalala: Tumingin sa plataporma, adhikain at sinseridad ng bawat kandidato. Tayo ang magpapasya sa direksyon ng ating bayan sa loob ng anim na taon. Tayo ang magluluklok sa mga taong pasasalamatan natin at kamumuhian sa pamahalaan. Maging bukas ang isipan. Wala ‘yan sa pangalan. Malay mo pinagtatawanan mo lang ang isang Pascual Racuyal.

Sources:

Ocampo, Ambeth R. ‘President’ Pascual Racuyal. Retrieved from https://goo.gl/L34F8l.

Presidential Communications Development and Strategic Planning Office. Philippine Electoral Almanac – Revised and Expanded Edition. 2015.

Featured Image: Ballot boxes used in the Philippines. Photo taken from Balita.com.

ARTIKULO BENTE OTSO: Walang Forever 3.0 feat. Manuel Roxas and Jovita Fuentes

Si Manuel Roxas ay pinanganak noong bagong taon ng 1892 sa kaniyang ina at lolo. Namatay ang tatay ni Manoling nang matamo ang mga sugat mula sa guwardiya sibil. Naging lolo’s boy si Manoling at pinalaking liberal. Palibhasa’y matalino, si Manoling ang pinagmamalaki ng pamilya Acuña.

Kapitbahay naman nila si Jovita Fuentes. Pinanganak noong 1895, nakakaangat din sa buhay ang mga Fuentes. Sa edad na lima, nadiskubre niya ang kaniyang talento sa pag-awit.

Noong bata pa lang sila, nagku-krus laging ang landas nila sa may simbahan. Doon sila nagkakilala at dahil magkapitbahay nga, nagkaroon ng pagkagusto si Manoling kay Bitang. Pero paghihiwalayin sila ng tadhana sa edad na 12 nang ipadala si Manoling sa Hong Kong para mag-aral sa St. Joseph’s College at matuto ng Ingles. Na-homesick siya, pinauwi sa Capiz, nag-aral sa Manila High School at nagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas. Siya ang naging top notcher sa Bar Exam ng 1913 at nakakuha ng marka na 92 percent.

Di nagtagal, pinadala ni Don Canuto Fuentes si Bitang sa Maynila para mag-aral sa Colegio de Santa Isabel para matuto lalo sa musika. Pinatuloy si Bitang sa tahanan ng mga tiya ni Manoling. Kung akala ni Manoling ay madali niya nang mai-iskoran si Jovita, nagkakamali siya dahil istrikta ang kaniyang tiya. Hindi nila alam na dumada-moves na rin pala itong si Manoling. Nagdadala siya ng lanzones at kapag tutugtog na ng piyano si Bitang, ihaharap ni Manoling ang upuan niya kung saan magkikita niya si Bitang! Hokage!

Pero nakahalata ang mga tiya kaya’t kumuha pa sila ng isang matandang dalaga para bantayan ang dalawa, si Paula. Si Paula ang naging tagasulsol ni Bitang para mapansin nito ang pagtingin ni Manoling. Medyo manhid pala itong si Bitang, hindi agad nakaramdam kay Manoling. Tsaka lang naramdaman ni Bitang na may gusto sa kanya si Roxas noong nagdalaga na siya.

Umuwi sila bigla sa Capiz at nakita ni Manoling ang isang azucena sa isang kuweba. Pinitas niya ito at inaabot kay Bitang ngunit hindi ito tinanggap ng dalaga. Nang may ibang nag-abot na lalaki ay tinanggap ito ni Bitang. Nasaktan naman si Manoling at nang napansin ito ni Bitang ay nagbigay siya ng isang sign. Inalay ulit ni Manoling ang azucena kay Bitang at nangako sa kanyang everlasting love at sinabihan niya si Jovita (hindi ito ‘yung exact words)…

“Itago mo iyan. Kapag kinuha ko sa iyo ‘yan matapos ang isang taon, ibig sabihin, mahal pa rin kita.”

Matapos ang isang taon, kinuha ni Manoling ang itinatagong azucena ni Bitang. Naging magsing-irog sila mula noon at matapos ang tatlong taon, inayang magpakasal ni Manoling si Bitang. Hindi pa handa si Bitang kaya’t tinanggihan niya si Manoling. Nanlamig ang pag-iibigan at nag-move on si Manoling.

Nagpunta ng mag-isa si Manoling sa Carnival de Manila ng nakatakip. Andoon din pala si Bitang! Gusto sanang malaman ni Jovita kung may ibang kakatagpuin si Manoling. Ilang hakbang lang, ang sweet na nila Manoling at isang babaeng nagngangalang Trinidad de Leon. Imbis na mag-eskandalo, umuwing luhaan si Jovita na parang nakakuha ng bokya sa Pera o Bayong.

Ito raw ang pinakamasakit na naramdaman ni Jovita sa buong buhay niya. Pagpakipot pa kasi. Nagpaka-busy na lamang siya para mabilis na maka-move on. Malapit na rin kasi ang kaniyang kaarawan.

Sa birthday ni Jovita, dumalo ang gobernador ng Capiz. Nag-tantrums daw si Gov at nagkulong sa kuwarto. Sinabi rin nitong…

“Hindi ako lalabas hangga’t hindi si Jovita ang una kong isasayaw.”

Pinagbigyan na ni Jovita si ang gobernador at sa huling nota ng sayaw nila ni Bitang, ang sabi ni Bitang…

“Maaari mo na siyang isayaw buong gabi.”

Kawawang Jovita. Pinaubaya na ni Jovita kay Trinidad de Leon si Gobernador Manuel Roxas. Matapos ang isang linggo, nagpakasal ang dalawa sa Bulacan, 1921. Dumalaw sila sa bahay ni Bitang at sinabi ni Manoling kay Jovita…

“Kasalanan mo lahat nang ito.”

Ayon sa ilang historyador, sinunod lang daw ni Roxas ang political ambition nito. Anak kasi ng isang senador mula sa Bulacan si Trining de Leon. Ang sabi pa’y si Pangulong Manuel Luis Quezon ang nag-refer sa kaniyang katukayo. Matapos manungkulan bilang pinakabatang gobernador ng Capiz mula 1919-1922, tumakbo siya para sa Kongreso at nagsilbi mula 1922-1941.

Samantala, nagpakadalubhasa na lang sa musika si Bitang. Ninais niyang matuto sa mga concierto ng mga Italyano. Noong Pebrero 1924, nagkaroon siya ng Farewell Concert sa Manila Grand Opera House. Nakilala siya bilang “Darling of the Philippine Press” at umalis noong Hunyo 2, 1924.

Aksidenteng nadiskubre si Bitang sa Italya at sumikat sa kaniyang debut role sa Madame Butterfly noong Abril 1925. Nagpatuloy ang kaniyang kasikatan at nabigyan ng titulong Embahadora de Filipinas a su Madre Patria sa Espanya – isang babaeng indio na ngayo’y pinagmamalaki ng Espanya.

Bumalik siya sa bansa noong World War II, tumulong sa mga Manilenyo sa paggagamot ng mga kababayan. Hindi siya kumanta para sa mga Hapones. Samantalang sa Mindanao, si Roxas naman ang nagbibigay ng mga balita sa Pilipinas kay MacArthur. Nahuli si Roxas noong 1942 ngunit iniligtas siya ni Pangulong Jose P. Laurel at ginawang kanang-kamay ni Laurel habang sinusuportahan ang mga gerilya.

Matapos ang ilang buwan, tumakbo si Manoling sa eleksyon ng 1946 para sa huling pagkapangulo ng Komonwelt at unang pangulo ng Ikatlong Republika. Tinatag niya ang Partido Liberal at kumalas sa mga Nacionalista. Kinalaban niya si Pangulong Osmena at nanalo.

Isa sa mga kontrobersyal na desisyon ni Roxas ay ang pagbibigay ng pantay na karapatan ng Pilipino at Amerikano para sa paglingan ng likas ng yaman ng Pilipinas o parity rights. Bilang pinuno ng isang bansang pilit na bumabangon sa mga abo ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, no choice si Roxas. Isang gabi bago ang plebisito ng parity rights, hinagis ng isang barberong si Julio Guillen ang isang granada sa Plaza Miranda matapos magbigay ng talumpati si Roxas. Nakaligtas naman si Roxas.

Isang beses, inimbita ng dating first lady Aurora Aragon Quezon si Jovita para kumanta sa Malacanang. Nakatitig lang daw noon si Manuel kay Jovita. Ngunit ito na pala ang kanilang huling pagkikita. Inatake sa puso si Manoling noong Abril 1948. Hindi lumuha si Bitang. Ibinuhos niya na lang ang oras sa musika at hindi na nagpakasal. Ipinalaganap ni Bitang ang kahalagahan ng musikang Pilipino. Itinatag niya ang Asociacion Musical de Filipina, Bach Society of the Philippines at Artists’ Guild of the Philippines. Pinirmahan rin ni Pangulong Diosdado Macapagal ang Republic Act 3630 na sumusuporta sa symphonic orchestra ng Pilipinas na may budget na P900,000 kada taon. Naging Pambansang Alagad ng Sining si Jovita noong 1976 at namatay noong 1978.

Sinasabing isang malungkot na awitin ang naging theme song ni  Bitang, ang “Ay, Kalisod”. Para sa akin, sila ang nagsabuhay ng Huling El Bimbo.

“Kamukha mo si Paraluman nung tayo ay bata pa…

Magkahawak ang ating kamay at walang kamalay-malay na tinuruan mo ang puso ko na umibig nang tunay.

Sa panaginip na lang pala kita maisasayaw…”

Sources:

Chorengel, Marla Yotoko. The Diva and Her Love Song. Essay from Kasaysayan: The Story of the Filipino People. Asia Publishing Company Ltd. 1998. pp. 68-69

De Guzman, Jovita V. et. al. Women Of Distinction; Biographical Essays on Outstanding Filipino Women of the Past and the Present. Bukang Liwayway, 1967.

Featured Image: President Manuel A. Roxas and National Artist Jovita Fuentes.

ARTIKULO BENTE SIETE: That’s What Friends Are For feat. Diego Silang

Ngayon kilalanin natin ang isa sa mga sikat na Ilokano sa kasaysayan ng Pilipinas, si Diego Silang. Sila ang naunang historical couple ng bansa bago sila Marcela at Felipe Agoncillo. Bakit kaya tungkol sa kaibigan ng pamagat ng artikulo ngayon?

Si Diego Baltazar Silang y Andaya ay ipinanganak sa Barrio Cava, Aringay, Pangasinan (ngayo’y bahagi ng La Union) noong Disyembre 16, 1730. Ang kaniyang mga magulang, sina Miguel Silang at Nicolasa de los Santos, ay parehas nakakaangat sa buhay, mga principales. Nabinyagan siya noong Enero 7, 1731.

Lumaki siya sa ilalim ng impluwensiya ng Simbahan at naging mensahero ni Doktor Cortes y Orriosola, ang kura ng Vigan. Nagpabalik-balik siya sa Maynila at Vigan, nagkaroon ng marami kaibigan at natuto sa maraming praktikal na bagay. Dito din nahasa at gumaling sa pagsasalita ng wikang Kastila si Silang.

Sa isang paglalakbay nila, nasira ang kanilang sasakyang pandagat na champan at napadpad sila sa baybayin ng Zambales na noo’y tinitirhan ng mga mandirigmang Zambal. Ang crew ni Silang ay inialay sa kanilang mga diyos at nilunod. Si Silang lang ang iniligtas ng mgas Zambal dahil sa katauhan at lugar tirahan nito. Dito natuto si Silang gumamit ng sibat at kalasag.

Nalaman ito ng isang mabait na prayle ng Bolinao, Pangasinan at binigyan niya ng ransom ang mga tela, beads, palakol at iba pa kapalit ng buhay ni Silang. Hindi kinalimutan ni Silang ang kabutihan ng prayleng ito. Kaya noong nag-alsa si Juan de la Cruz Palaris, prinotektahan niya ito bilang ganti.

Nang nakabalik siya sa Pangasinan, pinagpatuloy pa rin niya ang pagiging mensahero. Sumikat siya at narinig niya ang mga kuwento sa mga pag-aalsa nina Andres Malong, Gumapos at Almazan nang dahil sa tributo at masamang pamamalakad ng pamahalaan.

Di nagtagal nakilala niya ang isang biyudang si Donya Maria Josefa Gabriela, isang Itneg. Pinilit lang si Gabriela na pakasalan ang una niyang asawa na may edad na. Nagustuhan ni Gabriela si Diego dahil sa mga kuwento paglalakbay nito. Kalauna’y nagpakasal sila at naging masaya kahit wala silang anak.

Noong Oktubre 1762, nasakop ng mga Ingles ang Maynila at nagkalat ang balitang hindi kayang protektahan ng Espanya ang kaniyang relihiyon at kolonya. Dahil diyan, nag-alsa ang mga indio para sa kanilang paniniwala at ari-arian. Nalaman ito ng kaparian at sinisi ng isang mestiso na si Diego raw ang nagkalat nito. Pero hindi ba’t alagad ng simbahan si Diego?

Una, pinilit ng alcalde na si Don Antonio Zaballa y Uria at alalay nitong si Jose Gutierrez na ibenta ng mura ang kanilang beeswax. Tapos, binenta ito ng mga autoridades sa napakataas na presyo. Nalaman ito ni Obispo Manuel Ustariz pero nagpasawalang-bahala ito. Dahil dito, nagprotesta si Prayle Tomas Millan.

Noong Disyembre 1762, nagkaroon ng petisyon ang mga makapangyarihang Ilokano. Hindi ito nagustuhan ng mga mestizo at ipinakulong si Diego ngunit nakalabas ito dahil sa suhol. Muling dumulog si Silang sa obispo pero dedma lang. May binabalak na pala ang obispo.

Nagpatawag ng pulong si Diego at nalaman nilang magpapadala pala ng mga kawal na Tagalog at Kapampangan si Gobernador Heneral Simon de Anda para sugpuin sila. Naghanda sila para dito. Bago pa man makarating ang mga sundalo ni Gobernador Anda, nagpadala muna ng mga kawal ang obispo at natalo ang mga ito. Sinugod nila Diego ang Vigan at nanalo sila. May isang kakaibang ginawa si Diego matapos nilang makukob ang Vigan – pinayagan niyang pumasok ang ibang prayle sa lungsod.

Nalaman ng mga Ingles ang pagtatagumpay ni Silang at nagkaroon ng alyansa. No choice si Diego kasi cornered siya ng mga loyalistang taga Ilocos Norte at ng puwersa ni Anda. Wala namang dumating na tulong mula sa mga Ingles.

Isang beses, pinatawag ni Obispo Ustariz ang mestizong kaibigan ni Diego na si Miguel Vicos. Sinama ni Vicos si Pedro Buekbuek (o Bicbic, Bekbek). Sinabi ni Ustariz na papatayin ni Vicos si Silang. Noong una, ayaw ni Vicos. Kinonsensya siya ni Ustariz.

“Gawin mo ito para sa Diyos at sa Espanya.”

Ang reply ni Vicos…

“Gagawin ko ito sang-ayon sa aming tradisyon. Basbasan mo ko, padre, at papatayin ko ang pinuno.”

Medyo lumakas na kasi si Diego noon, ibang level na kung baga. Kaya noong Mayo 28, 1763, nagpunta si Vicos at Buekbuek sa kampo. Nag-iinspeksyon si Diego noon ng mga kanyon. Bago mag-alas kuwatro, binaril ni Vicos si Diego habang nakatalikod. Sumigaw si Diego…

“Gabriela! Pinatay nila ako.”

You don’t say. Pero sino ba naman kasing mag-aakalang papatayi ni Vicos ang kaibigang si Diego Silang nang nakatalikod? Pinagpalit ni Vicos at Buekbuek ang kaibigan para “mapunta sa langit”, pera at kasikatan. Pinagpatuloy ni Gabriela ang laban ng kaniyang kabiyak hanggang sa nadakip siya’t nabitay.

Sources:

Philippine Magazine. Volume 26, No. 2. July 1929. Philippine Education Co. Manila.

Philippine Magazine. Volume 26, No. 3. August 1929. Philippine Education Co. Manila.

Philippine Magazine. Volume 26, No. 5. October 1929. Philippine Education Co. Manila.

Featured Image: Monument of Diego Silang in Rosario, La Union.