Ang Makasaysayang Ilog Pasig

Ang Ilog Pasig ay isang ilog na may habang dalawampu’t limang kilometrong nagdudugtong sa Laguna de Bay, ang pinakamalaking lawa sa bansa, at sa Look ng Manila. Sa bunganga ng ilog, matatanaw ang Intramuros. Magpatuloy ka pa’t matatanaw mo ang Isla de Convalescencia, ang tanging isla sa ilog kung saan nakatayo ang Hospicio de San Jose. Makikita rin sa pampang ng ilog ang Palasyo ng Malakanyang at ang Polytechnic University of the Philippines sa lungsod ng Maynila. Sa bandang Makati, matatanaw ang Rockwell Commercial Center at Santa Ana Racetrack. Sa huli, malapit sa Marikina at Pasig, ay masisilayan ang Napindan Hydraulic Control Structure na nagmamani-obra sa agos ng tubig mula sa Napindan Channel.

Ang Ilog Pasig ang “bumuhay” sa ating mga ninuno bago pa man dumating ang mga Kastila. Ang mga anyong-tubig ang nagsilbing mga daan tungo sa pag-unlad – kasabay ng pag-agos ng tubig ang pagdaloy ng mga kalakal mula sa tatlong pangunahing pamayanan: ang Namayan, Maynila at Tundo. Dito rin sila kumukuha ng tubig pang-inom at doon rin sila naglalaba at naliligo. Para sa ating mga ninuno, hindi nila kailangan ng mga tulay dahil para sa kanila hindi balakid ang mga ilog tulad ng pinaniniwalaan ng mga Espanyol.

Dito sa Ilog Pasig diumano’y hinalaw ang pangalan ng mga pangkat ng tao na nanirahan sa pangpang ng ilog – ang mga Taga-ilog na kalauna’y naging Tagalog. Matatandaang si Antonio Luna ay sumulat sa ilalim ng pangalang “Taga-ilog”, bilang repersensya sa pook kapanganakan niya sa Kalye Urbiztondo, Binondo, Maynila na malapit lang sa Ilog.

Sa isang bahagi ng ilog na tinatawag na Bitukang Manok, ito ay naging sentro ng kalakalan ng ilang Pilipino at Tsino. Tinawag tuloy itong Pariancillo River. Sa bahagi nito ng ilog rin dumaraan ang ilang deboto ng Our Lady of Peace and Good Voyage ng Antipolo noong ika-17 at ika-18 siglo. Labing-isang beses rin dumaan dito ang imahen ng santa.

Noong panahon naman ng rebolusyon, dito nagpupulong sina Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo kasama ang Asemblea Magna ng Katipunan noong Mayo 1896 lulan ng labingpitong bangka.

Fast forward to 1945. Habang wasak ang mga tulay na nagdurugtong sa Maynila matapos na muling makukob ng mga Amerikano ang lungsod, tinawid ng ating mga kababayan ang kabilang pampang ng ilog para mailigtas sila ng mga kapwa Pilipino at Amerikano. Matapos ang World War II, ang mga taga-probinsya ay humanap ng matitirhan sa Maynila at ilan sa kanila ay nanirahan sa tabi ng ilog.

Sa sumunod na dekada, bumalik ang mga negosyo sa tabi ng ilog at, bunga ng industrialisasyon, nagtambak ng mga dumi ang mga pagawaan. Dahil dito, unti-unting dumumi ang ilog at unti-unti ring naubos ang mga isda sa Laguna de Bay. Nang sumapi naman ang Dekada Sisenta, nawala na ang mga naglalaba sa ilog at tumumal na ang mga bangkang naglalayag. Sumunod na dekada, bumaho na ang ilog at wala nang naligo roon. Ipinagbawal naman ang pangingisda noong 1980s. Noong 1990s, idineklarang patay na ang Ilog Pasig.

Nagsimula ang rehabilitasyon ng ilog noong Disyembre 1989 sa tulong ng mga Olandes. Nakakalungkot isipin na kinailangan pa ang ilang dayuhan bago simulan ang pagbuhay sa ilog. Itinatag ng pamahalaan pati na rin ng pribadong sektor ang iba’t ibang programa tulad ng Run for the Pasig River at unti-unting luminis ang ilog. Pero hindi na natin mababawi ang naging epekto nito – isama mo pa diyan ang kalat-kalat na janitor fish na sumira sa balanse ng kalikasan.

Sayang! Hindi na natin naabutan ng karamihan sa atin ‘yung panahong pwede pa tayong uminom ng tubig mula sa ilog, ‘yung panahong napakalinis pa ng ilog. Pwede kang mangisda at makahuli ng mga tilapia.

Nakakalungkot. Andami ng panahon natin noon pero kinalimutan natin ang kalinisan ng ilog. Sa panahong huli na ang lahat, saka lamang tayo bumabangon.

Marahil tama ang si Simoun na gumawa na lang ng tuwid na kanal kaysa tahakin natin ang liku-likong ilog… kasama ang mga taong baluktot ang kaisipan at walang pakundangan sa kalikasan, palibhasa ilog lang daw yan. Ngayon, ilang kaso pa gaya ng Ilog Pasig ang gagawan natin ng paraan kapag huli na ang lahat, mga kababayan?

Nasa ating kamay ang solusyon.

Advertisements