Tumula Ka

Pag-ibig, pag-ibig! Pag-ibig na kay sakit
Sa sobrang sakit ay tila umuukit
Ng malaking puwang tuwing tayo’y nasasaktan
O ‘di kaya, kapag iba na ang dahilan ng kaniyang kasiyahan.

Kung ano-ano ang iyong mga gagawin
Para lamang siya’y limutin
Magpapakasubsob sa pag-aaral o trabaho
Pati pagtula’y susubukin mo.

Pero sandali lamang kababayan
Bakit parang iisa na lang ata ang dahilan
Kung bakit ka biglang nagiging makata
Sugat ng pag-ibig lang ba ang iyong makinarya?

Tumula ka tungkol sa pagsasaka
Sa pagbibilad sa araw ng iyong Tiya Erika
Ang kahirapan ng kondisyon sa kanayunan
Ng mga magsasakang nagpapakain sa bayan.

Tumula ka tungkol sa iyong paborito
Sa mainit at masarap na mangkok ng bilo-bilo
Na ginagawa mong pamatid init
Sa mga panahong nagwawala ang langit.

Tumula ka tungkol sa matayog na bundok na iyong naakyat
Para mayaya at masubukan ng lahat
At pakiramdaman ang lamig sa bubong ng daigdig
Na kailanma’y hindi basta-basta madadaig.

Tumula ka tungkol sa problema ng bayan
Mabagal na daloy ng trapiko’t mga kabi-kabilang patayan
Magbakasakali ika’y marinig ng ilang nagmamasid
Ng mga naka-barong na nagtatago sa kanilang silid.

Sa huli’y tumula ka lang hanggang kaya mo
Isa itong obra na unti-unting naglalaho
Maging instrumento ka upang hindi maging bakya
Ang tulang halos binubuo na lamang ng mga lumuluha.

 

 

Umuulan, Umulan

Sabi ko kanina huwag sanang bubuhos
Itong ulan na tinuturing kong isang unos
‘Pagkat sa bawat patak nito’y nalalagay sa alanganin
Libro kong dala, oras ng pag-uwi kaya’t pagkawala nito ang aking samo’t dalangin.

Pero tumigil na
Tumigil na ang kalangitang lumuluha
At sana di na muling masambit pa
Mga katagang “ayan na naman ang ulan” sa gabing ito ng pagdiriwang at pagsasaya.

Ayan Na Ang Ulan!

Ayan na, ayan na, ayan na!
Magbabalik na ang tag-ulan
Paalam sa mala-impyernong init na nagmumula
Sa naglalagablab na araw at kalangitan.

Ayan na, ayan na, ayan na!
Lalabas na ang musmos na kabataan
Magtatampisaw at magsasaya
Sa biyayang dulot ng langit at ulan.

Ayan na, ayan na, ayan na!
Magbubunyi na sila lolo at tiyo sa lalawigan
Magtatanim na ng palay ang buong banwa
Upang mapakain ang Pilipinong sambayanan.

Ayan na, ayan na, ayan na!
Huhugot na si ate’t iiyak sa may labasan
Upang ang mga luha’y ‘di mahalata
Mula sa damdamin niyang nasaktan, pusong nasugatan.

Ayan na, ayan na, ayan na!
Matatapos na ang bakasyon ng karamihan
Mas malalang trapik ang susubok ng iyong pasensya
Sabayan mo pa ng matinding buhos mula sa kalangitan.

Ayan na, ayan na, ayan na!
Lulubog na naman ang Kamaynilaan
Dahil sa baradong estero at sobrang basura
Ng libu-libong nagsisiksikan sa lupain daw ng kaunlaran.

Ayan na, ayan na, ayan na!
Naririto na muli ang tag-ulan
Isang taon na nga pala
Simula ng ako’y iyong nilisan at ipagpalit sa aking kaibigan.

This poem was included in the first release of the Alpas Journal on June 30, 2017.

Bakuna

Magiging parte ako ng buhay mo
Masasaktan ka, makakaranas ng iba’t ibang nararamdaman
Sa huli, iiwan kitang masaya
Magiging parte ako ng buhay mo
Kahit dumating ang panahong malilimutan mo ako.