ARTIKULO SINGKO: Firework feat. Emilio Aguinaldo

Si Heneral Emilio Aguinaldo (1869-1964) ay nakatatak sa kasaysayan bilang unang pangulo ng Pilipinas. Una siyang naging cabeza de barangay ng Binakayan sa edad na 17 at naging kauna-unahang gobernadorcillo capitan heneral ng Cavite El Viejo sa edad na 25. Sumapi siya ng Katipunan noong taong 1894. Nagkasunod-sunod ang kaniyang mga panalo sa mga digmaan ng unang dalawang taon ng Rebolusyon. Kalauna’y, nahalal siya sa Tejeros Convention noong Marso 22, 1897 bilang pangulo in absentia. Noong nagkaroon na ng power struggle sa pagitan nila ni Supremo Andres Bonifacio, ninais niyang ipatapon si Bonifacio sa Pico de Loro ngunit dahil sa udyok ng mga kasama, ay pinapatay ang magkapatid na Andres at Procopio sa kabundukan ng Maragondon, May 10, 1897. Pinag-utos ang pagdedeklara ng kalayaan ng Pilipinas, June 12, 1898. Di nagtagal, nadakip siya ng mga Amerikano, Marso 23, 1901. Nabansagang kolaborador noong panahon ng mga Hapones at namatay noong 1964.

May mga kani-kaniyang paniniwala tayo na ang mga ugali ng tao ay may kinalaman kung paano sila lumaki, nagsimula at, minsan, ay lumabas sa mundo. Sa kaso ng batang Emilio Aguinaldo, tatlong araw nang nahihirapan sa panganganak si Trinidad Aguinaldo simula Marso 19 hanggang Lunes Santo, Marso 22. Delikado na ang sitwasyon ni Miong sa loob ng sinapupunan ng kanyang ina. Ginawa na ng mga kumadrona lahat ng pwede nilang gawin. Kailangan na matapos ang paghihirap ni Trinidad, kaya’t may biglang naisip si Carlos Aguinaldo, ama ni Miong. Naghanap si Carlos ng isang bagay na maaring magpatapos na sa paghihirap ni Trinidad. Naglagay siya ng paputok sa ilalim ng kama ng asawa niya! At.. BOOM! Napaanak si Trinidad at unang naamoy ng batang si Miong ang pulbura (kaya destined na raw siyang maging sundalo, baka lucky charm niya sa giyera).

Dagli niyang hinanap sa kalendaryo ang pangalan na ibibigay sa anak. Ang available noon para sa Marso 23 ay Deogracias (“thanks be to God”) at Bienvenido (“welcome”). Hindi nagustuhan ni Carlos. Napili niyang pangalan ay Emilio, pangalan ng isang martyr na Kristiyano. Sa autobiography ni Miong, sinabi niyang isa siyang mahiyaing tao (“ayaw lumabas sa sinapupunan”) at naniniwalang kaya punong-puno ng paghihirap sa buhay ay dahil sa pangalang ibinigay sa kanya.

Ikaw, anong kuwentong panimula mo na tingin mo may kinalaman sa ugali’t kapalaran mo? Share mo naman.

Source:

Aguinaldo, Emilio et. al. A Second Look at America. Robert Speller & Sons, Publishers, Inc. 1957

Ocampo, Ambeth R. Desgracia, desgraciada. inquirer.net Retrieved from https://goo.gl/6ZayLq, October 2015

Featured Image: General Aguinaldo aboard USS Vicksburg following his capture. Credits to the Presidential Museum and Library Flickr account.

Advertisements

ARTIKULO KWATRO: Inuman Sessions feat. Graciano Lopez-Jaena

Ayon sa mga aklat ng kasaysayan na ginamit namin noong ako’y nasa elementarya at high school (bago pa ang pagpapatupad ng K-12), mayroong triumvirate ang Kilusang Propaganda: sila Dr. Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar at Graciano Lopez-Jaena. Sa tatlong ito, tanging si Jaena lang ang hindi taga-Luzon. Siya ay nagmula sa Jaro, Iloilo.

Si Graciano Lopez-Jaena (1856-1896) ay pumasok sa seminaryo pero nakumbinsi ang kanyang mga magulang na mas gusto niyang maging doktor kaya’t lumipat siya. Nagtungo sa Maynila at sumubok mag-aral sa UST ngunit nabigo. Kaya’t nag-apprentice siya sa San Juan de Dios. Di nagtagal, dahil sa kawalan ng pera, minabuti niyang bumalik ng Iloilo.

Sa edad na 18, isinulat niya ang Fray Botod (Matabang Prayle) na tumuligsa sa kapariang nagtuturo ng kabutihan pero gumagawa ng kasamaan. Naghanap siya ng hustisya sa mga bagay at dahil dito, nakatanggap ng banta sa kanyang buhay. Umalis siya ng Pilipinas at nagtungo sa Espanya noong 1879 at doon siya naging bahagi ng Kilusang Propaganda.

Kung titignan mo si Graciano Lopez-Jaena sa mga monumento, nakasuot siya ng eleganteng mga damit ngunit hindi raw ganito si Jaena. Siya ay dugyot at laging nanggigitata. Siya ang uri ng tao na kakainin ang sardinas sa mismong lata at ipapahid ang langis ng sardinas sa kanyang damin. Siya rin ang taong hindi inaayos ang pagsusuot ng pantalon kaya’t laging nasisira ang laylayan niya. Ayon sa aklat ng mga alaala ni Jose Alejandrino, isang beses, ay binili ng mga kapwa niya propagandista si Jaena ng bagong coat sapagkat namamaho na ang kanyang coat na pinupunasan niya ng langis ng sardinas. Nagpasalamat si Jaena sa mga kaibigan.

Kinabukasan, nagulat ang mga kaibigan niya nang makita si Jaena na suot ang kanyang lumang coat. Nang siya ay tinanong, isinanla niya pala ang kanyang natanggap at nagpakalasing sa kanyang paboritong bar! Nagpakalunod siya sa alak habang nagsusulat ng mga artikulo at editoryal. Dahil sa alak, nagawa niya ang mga artikulong makabayan.

Sinasabi rin sa atin na si Jaena ay isang dakilang orador. Sa katotohanan ay tumanggap siya ng mga imbistasyon para magsalita kahit wala siyang alam sa paksang pag-uusapan! Hindi siya naghahanda o nag-aaral ng kanyang mga speeches kaya laging kinakabahan ang kanyang mga kasama.

Isang beses sa Ateneo de Barcelona, ang bolerong si Jaena ay nagbigay ng mga imaginary facts sa kaniyang mga makikinig na gulat na gulat. Nagmadaling tinawag siya ng isang kasama at pinaalalang baka malintikan siya kapag nalaman ng mga nakikinig na hindi siya nagsasabi ng katotohanan. Ang sabi ni Jaena…

“Walang mangangahas na magtanong sa akin sa bulwagang ito dahil lahat kami ay pare-pareho lang na walang alam sa bagay na ito!”

Di nagtagal, namatay siya sa Barcelona noong Enero 20, 1896 dahil sa tuberkulosis. Wala siyang pera  noon kaya’t inilibing siya sa isang mass grave sa Montjuïc Cemetery sa Barcelona. Hanggang sa ngayon ay hindi pa naibabalik ang kanyang mga labi sa Pilipinas.

Source:

Joaquin, Nick. A Question of Heroes. Anvil Publishing, 1977. pp.45-46.

Ocampo, Ambeth R. Looking Back. Anvil Publishing, February 2010. pp. 26-28.

Tuano, Dan. Graciano Lopez Jaena’s remains still in Barcelonanews.abs-cbn.com. Retrieved  October 7, 2015 from https://goo.gl/hMyUCo.

Featured Image: Jaena Monument in Jaro Plaza, Iloilo. Taken from iniloilo.com

ARTIKULO TRES: COC: Clash of Cultures feat. Dr. Jose Rizal

7Noong Hulyo 1892, sa utos ni Gobernador Heneral Eulogio Despujol, ipinatapon si Dr. Rizal sa Dapitan. Sa bayang iyon sa Zamboanga, may dalawang bagay siyang hindi nagustuhan: ang kababaihan at ang Tsinong mangangalakal. Bakit? Hindi ba’t may dugong Tsino rin siya at halos may babaeng nagugustuhan sa bawat bansang kaniyang napupuntahan?

Isa lang naman ang hindi nagustuhan ni Rizal sa kababaihan ng Zamboanga – hindi sila nagsusuot ng stockings! May fetish rin pala ang ating “pambansang bayani”! Ano naman ang hindi niya nagustuhan sa Tsinong mangangalakal?

Noong taong 1895, nadawit si Dr. Rizal at ang Tsinong mangangalakal sa isang kaso. Ayon sa isang liham, mas nanaisin pa daw ni Rizal na walang magamit na baso at plato kaysa bumili sa tindahan ng Tsino. Nakakapagtaka ito dahil alam naman natin na malaking porsyento sa dugo ni Rizal ang dugong Tsino. Hinimok niya pa ang mga tao sa Dapitan na magtayo ng kooperatiba para hindi magkaron ng monopoly ang Tsino.

Nang sumunod na taon, nagdeklara ni Padre Vicente Balaguer, na ang kababaihan ay dapat magsuot ng stockings at sapatos. Marahil natuwa ang ating pambansang bayani dahil naka stockings na ang kababaihan ng Dapitan. Kaso may problema… walang stockings sa Dapitan! Ang tanging mabibili mo lang ay ang itim na medyas ng Tsino na nagkakahalaga ng tatlong reales.

Para masira ang monopolyo at kumita na rin, ibinenta ni Rizal ang kanyang mga medyas! Sumulat pa siya sa kanyang kapatid para padalhan siya ng maraming stockings na mas magandang ang kalidad pero mas mura.

Natural, dahil sa kumpetisyon, maghahanap ang mamimili ng alternatibo. Marahil, binabaan ng Tsino ang presyo ng kanyang paninda habang dumating naman ang pinadala kay Rizal na mga stockings.

Di nagtagal, dumating sa mga simbahan ang kababaihan na naka-tsinelas at nakamedyas. Nakatawag atensyon ito kay Gobernador Ricardo Carnicero. Masagwa pa naman tingnan. Ipinag-utos niya ang agarang pag-alis ng stockings ng kababaihan ng Dapitan.

Ano kayang naramdaman ni Josephine Bracken sa dami ng stockings niyang susuotin? Hindi natin malalaman.

Source:

Capino, Diosdado, et al. Rizal’s Life, Works and Writings: Their Impact on Our National Identity. Goodwill Trading Co. Inc., 2005. pp.116

Guerrero, Leon Ma. The First Filipino. National Historical Commission, 1974. pp. 359-360

Ocampo, Ambeth R. Rizal Without the Overcoat. Anvil Publishing, 2012. pp. 82-84

Featured Image: A Portrait of Dr. Jose Rizal which can be found in the National Museum. Will check the artist in the near future. Taken from indiohistorian.tumblr.com.

ARTIKULO DOS: Walang Forever feat. Felix Resurreccion Hidalgo at Maria Yrritia

Sa lahat ng mga magagaling na pintor ng Pilipinas noong panahon ng mga Espanyol, dalawa lang ang kilala ng karamihan – sila Juan Luna at Felix Resurreccion Hidalgo (1855-1913). Pero mas madalas si Luna lang ang kilala. Tila limot na sa kasaysayan ang mga tulad nila Damian Domingo, ang unang dakilang pintor at tagapagtatag ng Academia de Dibujo. Kadalasan nasasama lang si Hidalgo dahil kay Luna at ‘pag tinanong mo ang mga tao sa Quiapo kung sino si Hidalgo sa Hildago Street, iilan lang ata ang makakasagot.

Noong 1884, tumabo ng ginto at pilak na medalya sa larangan ng pagpipinta sila Luna at Hidalgo sa Madrid Exposition. Ibinida ni Luna ang kaniyang Spoliarium (na ngayo’y nasa Pambansang Museo) samantalang Las Virgenes Cristianas Expuestas al Populacho ang ipinanlaban ni Hidalgo. Pero kahit nanalo sila ng ginto at pilak na medalya, hindi sila ang first at second placer dahil maraming ibinahaging gintong at pilak na medalya.

download.jpg
Las Virgenes Cristianas Expuestas al Populacho

Teka, asan na yung tungkol sa forever? Naniwala ba si Hidalgo sa forever? Mayroon ba siyang ka-forever? Kung babalikan ang buhay ni Hidalgo, mas malungkot pa ata ito kaysa sa kuwento ng Titanic (patugtugin mo na ang My Heart Will Go On ni Celine Dion).

Noong 1880s, nanirahan at nagtayo ng isang studio si Hidalgo sa Paris. Habang nililibot niya ang Europa, nakilala niya ang isang magandang babaeng nagngangalang Maria Yrritia. Naging modelo ni Hidalgo ang dilag sa loob ng apat na dekada kung saan itinampok niya ito mula pagkadalaga hanggang pagtanda. Sa haba ng panahong iyon, isa lang tanong… nagkagustuhan ba sila sa isa’t isa? Oo! Naikasal ba? Hindi. Walang nakakaalam kung bakit.

Taong 1912, bumisita si Felix sa Pilipinas sa loob ng anim na buwan at pinuntahan ang mga kamag-anak at kaibigan. Kung tutuusin, hindi na siya pinapaalis ng kanyang ina dahil gusto niya itong makasama sa nalalabing panahon ng kanyang buhay. Ngunit nagmadaling umuwi si Felix sa Paris.

Nang sumunod na taon, namatay sa Espanya si Felix at dinala ang kanyang mga labi sa Pilipinas. Siyempre, kasama si Maria. Niyaya ng mga Hidalgo si Maria na sa kanila na lamang tumuloy pero tumanggi ang babae. Matapos inilibing si Hidalgo sa Cementerio del Norte, agad na bumalik si Mariang mag-isa at nagdadalamhati. Inasikaso niya ang mga naiwan ni Felix at isinara ang studio sa Paris.

Matapos ang apat na taon mula nang pumanaw si Hidalgo (1917), ninais na ni Mariang umuwi sa Pilipinas, sa lupain ng kanyang mahal na si Felix. Kaso, hindi tulad ng lahat ng pantasya at fairy tales, sadyang mapaglaro ang tadhana. Noong Mayo 26, 1917, lumubog ang barkong sinasakyan ni Maria sa Africa kasama ang ibang mahahalagang likha ni Hidalgo – lumubog lahat ng iniwang alaala ni Felix. Di man naging maganda ang ending ng kanila kuwento, habangbuhay natin makikita sa mga museo si Maria Yrritia na guhit ng kanyang mahal na si Felix Resureccion Hidalgo.

Source:

Ocampo, Ambeth R. Looking Back. Anvil Publishing, February 2010. pp. 14-16

Originally posted in the Heneral Luna Memes Facebook Page.

Featured Image: Collage of two images – Felix Resurreccion Hidalgo’s Self Portrait (1901, taken from Wikipedia) and La Modelo (photographed by Oswald Santos in the Lopez Museum, 2016).

ARTIKULO UNO: Separation of Church and State feat. Antonio Luna

bdyrze5t
Heneral Antonio Luna

May isang kuwento sa buhay ni Heneral Antonio Luna y Novicio na inabangan ko sa pelikulang Heneral Luna pero hindi naipakita. Noon pa pala isyu ang paghihiwalay ng estado at ng simbahan. Parang kailan lang ay lumitaw ang mga salitang separation of church and state sa mga pahayagan, telebisyon at social media. Ngayon, anong kinalaman ni Heneral Luna sa idealohiyang ito?

Bumalik tayo sa taong 1899. Nagde-debate pa rin ang mga miyembro ng Kongreso ng Malolos kung tama bang magkaroon ng separasyon ng simbahan at estado na siyang lalabas sa Konstitusyon ng Malolos. Mayroong dalawang paksyon ang Kongreso – konserbatibo (mga gustong pagsamahin ang estado at relihiyon na pinamumunuan ni Felipe Calderon) at mga radikal (hindi pabor sa pagsasama ng estado at relihiyon sa pamumuno naman ni Heneral Antonio Luna). Giit ni Calderon, lahat ng estado ay may state religion at kailangan meron din sa Pilipinas. Sa mga radikal naman, iginigiit nilang hindi ito kailangan dahil nakita na rin nila ang epekto ng pangingialam ng prayle sa pamahalaan. Ito ay magiging bahagi ng konstitusyon kaya’t kailangang pagbotohan ang bahaging ito. May isang representanteng naniniwalang perpektong relihiyon sa mga Pilipino ang Katolisismo. Ang isa naman ay ayaw magkaroon ng state religion dahil mali naman daw ang itinuro ng prayle na Katolisismo sa Pilipinas.

Isang araw sa taong iyon, sinamantala ng mga Konserbatibo ang pagliban ng mga Radikal sa konseho. Nanghingi sila ng motion para pagbotohan na ang usaping ito dahil tiwala silang mananalo sila dahil kakaunti lamang ang miyembro ng mga radikal. Pinagbigyan sila.

Nang magbibilangan na ng boto, biglang nagmartsa sa bulwagan sina Heneral Luna kasama ang ibang mga lider ng radikal. Kinagulat ito ng mga konsebatibo. Lingid sa kaalaman nila, pinagplanuhan ni Heneral Luna ito dahil alam niyang sasamantalahin ito ng mga konserbatibo.

Natuloy ang bilangan at nagtabla sa 25 boto ang konseho at nanghingi ng isa pang botohan. Nanaig ang mga radikal sa lamang na isang boto. Ang nag-abstain sa unang botohan na si Pablo Tecson ang isang dumagdag sa mga radikal.

Source:

Aguilar, Filomeno V., Jr. Church–State Relations in the 1899 Malolos Constitution: Filipinization and Visions of National Community. Southeast Asian Studies, Vol. 4, No. 2, August 2015, pp. 279-311.

Featured Image: Colorized Image of the Malolos Congress. Taken from the Presidential Museum and Library Tumblr Account.

Bakuna

Magiging parte ako ng buhay mo
Masasaktan ka, makakaranas ng iba’t ibang nararamdaman
Sa huli, iiwan kitang masaya
Magiging parte ako ng buhay mo
Kahit dumating ang panahong malilimutan mo ako.